Friday, April 22, 2011

BIYERNES SANTO PO NGAYON!

April 22, 2011
GOOD FRIDAY OF THE LORD'S PASSION
Is 52,13-43,12 . Heb 4,14-16.5,7-9
Jn 18,1-19,42
=====

At siya ay pumanaw para sa atin. Namatay siya sa Krus para tayo'y iligtas. Sa kanyang mga sugat, tayo ay gumaling.

Parang lumang tugtugin, no? Lagi na lang natin itong naririnig, na si Kristo ay mahal tayo, kaya siya namatay para sa atin. Nakakasawa, nakakabobo kasi paulit-ulit, sabi ng ilan. Eh ano'ng pakialam ko, sabi pa ng iba. Para sa iba, old school na ang paggunita natin ngayon sa kamatayan ni Hesus. Mas mahalaga pa ang pagiging gangster at pagfi-fliptop, ang pagiging adik sa droga at sex at ang pagsuporta sa mga bagay na tumututol sa paglikha ng buhay. 

Ngunit para sa taong nananampalataya na minsan ay may isang taong namatay para sa kanya, ito ay isang balita ng pag-asa, isang balita ng buhay! Nakikiuso siya kahit papaano, ngunit hindi maiaalis sa kanya ang taos na pagmamahal sa Panginoong tumubos sa kanya. At kahit kailan ay hindi ito matutumbasan ng kinang ng kayamanan ng mundong ito.

Ngayon po ay Biyernes Santo (aba! Intro pa lang pala yung nasa itaas!?!), at sa malungkot na paligid ay atin talagang mararamdaman ang kadakilaan ng ginawa ni Hesus, ang tupang maamo na pinatay para iligtas ang mundo. Normal na sa ilan ang makitang may gumagapang at nagpupuryos sa kalsada (ingat lang po sa inyo ah, baka magka-heat stroke kayo!), maraming tao sa ating mga simbahan lalo na sa serbisyo ng Pitong Huling Wika, Pagparangal sa Krus at Prusisyon ng Paglilibing. Ang iba ay nasa bahay lang, nagpapakaridad o walang ibang ginagawa kundi mag-movie marathon.

Napakalayo na nga ng ating paggunita ng araw na ito sa pinakaunang paggunita ng mga Hudyo rito may 2000 taon nang nakakaraan. Hindi tulad natin ngayon na ginugunita ang taong namatay sa Golgotha, sila ay isang bayan na kinasusuklaman ang taong iyon, na kanilang nakasama at nakapiling. Siya na nagpagaling, nagpalayas ng masamang espiritu at nangaral ng Mabuting Balita, heto't kanilang ipinapatay sa kanyang 'paglapastangan' sa ngalan ng Diyos at pagsasabi na siya 'daw' ang Anak ng Diyos.

Kung pakikinggan ang ating pagpapahayag ngayon, para siyang isang powerhouse drama sa dami ng ating makikitang personalidad. Andyan si Pedro, na alam nating nagtatwa kay Hesus. Si Hudas, ang batikang taksil na nagturo sa mga awtoridad kung nasaan si Hesus. Sina Anas ay Kaypas na mainit ang dugo kay Hesus na gusto nila talaga siyang ipapatay. Si Barrabas na 'special mention' lang naman ay nang-agaw pa ng eksena at pinalaya imbes na si Hesus. Si Pilato na tulirung-tuliro at hindi alam ang gagawin kung susundin ba ang pulso ng bayan o ang tibok ng kanyang konsensya. Andyan rin ang mga sundalo ni Pilato na, palibhasa'y walang idea sa mga nangyayari, ay winalanghiya ang ating Panginoon, pinaghahampas siya at pinutungan ng korona ng tinik; pati ang balabal ni Hesus ay pinag-tripan rin. At hindi mawawala ang taong-bayan na dahil sa kinang ng salapi at pambubulag ng Sanedrin ay mas ninais na ipapatay si Hesus imbes na iligtas siya.

Pero hindi lang naman mga kontra-bida ang may eksena sa ating Ebanghelyo ngayon. Andyan rin naman si Juan, ang alagad na hindi nang-iwan hanggang sa paanan ng Krus ng kanyang Guro. Ang mga babaeng nananangis at walang magawa sa kinahinatnan ng Panginoon. Si Jose na nagkaloob ng linong panakip sa labi ng ating Panginoon, at si Nicodemo na nagpahiram ng libingan para kay Hesus. At sa lahat ng mga binanggit ko, ay pumapangalawa kay Hesus si Maria, ang kanyang Ina na matapang na humarap sa pagsubok na ito at nagpakatatag para sa kanyang minamahal na Anak na alam niyang walang ginawang anuman. 

Dalawa ang panig sa araw na ito: Ang panig ng buhay, at ang panig ng kamatayan. Ang mga taong nais na ipapatay si Hesus, at ang mga taong nagmahal sa kanya hanggang sa huling sandali. At si Hesus ang nasa sentro ng paglalabang ito.Si Hesus na siyang naging biktima ng mundo na ayaw siyang tanggapin. Si Hesus na tinanggap ang kamatayan ng isang mamamatay-tao. Si Hesus na hindi sumuko kahit na hinampas na siya, pinutungan ng tinik at pinako sa Krus. Si Hesus na namatay at inulusan pa ng sibat para masigurong wala na siyang buhay.

Itong Hesus na ito ang dahilan ng ating paggunita sa araw na ito. Siya ang nangungunang dahilan kung bakit tayo ay patuloy na nabubuhay, binibiyayaan at pinagkakalooban ng mga pagpapala. Samantalang ang iba ay walang pakialam, tayo ay nagkakatipon, sama-sama na nagpapahiwatig ng paggalang sa taong namatay sa ating pakinabang. Tayo ay humahalik sa kanyang Krus, na natataos nating tayo sa huli ay mamamatay na kasama niya. 

Patuloy ang paglalabanan ng buhay at kamatayan sa ating panahon. Mula sa di-mamatay-matay na RH Bill sa ating kongreso, hanggang sa walang habas na pagkitil sa ating Inang Kalikasan (na nagpapaalala sa akin na ngayon rin pala ay Earth Day.), hanggang sa mga nangyayari sa ating kapaligiran: katiwalian, pag-aabuso, panlalamang, at pagpatay sa ating kapatid, pisikal man o sa pamamagitan ng dila. 

Sa isang sosiyedad na inaagawan ng sekularisasyon ng pananampalataya, talagang napakahirap pumili kung saan papanig: sa buhay o sa kamatayan. Hindi ka in kung hindi ka papanig sa gawain ng mga taong masasama. Hindi ka in kung magsisimba ka... simbang labas. Hindi ka in kung hindi ka laging naka-online sa Facebook imbes na lumabas upang manalangin sa ating simbahan. Hindi ka in kung susundin mo ang usig ng konsensya. Hindi ka in kung hindi ka pabor sa RH Bill, at sinusundan mo ang payo ng mga 'Damaso' (sabi ni Carlos Celdran.)

Ibang-iba na ang panahon ngayon. Ginugunita natin ang kamatayan ng may-akda ng buhay, ngunit ang ating mga puso ay kumokontra sa buhay! Lagi nating tatandaan ang mga pahayag ni Apostol Santiago, Ang pananampalataya na walang gawa ay patay! Lagi natin sanang isipin na kaakibat ng ating mga gagawin sa araw na ito at sa susunod na panahon, ay ang taos na pagkakawang-gawa, pagtulong sa kapwa at paglaban para sa ikasusulong ng buhay. Hindi tayo magiging iba sa mga taong hindi natin kasa-kasama ngayon at sinasabing normal na Biyernes lang ito, kung tayo ay dasal lang ng dasal at walang kasamang gawa. Ipakita nawa natin sa mundo na ang Biyernes na ito ay hindi isang ordinaryong Biyernes lang... BIYERNES SANTO NGAYON!!!

Patuloy ang ating pananalangin sa ating Panginoong napako sa Krus ng Golgotha para sa mga tao at pangyayari na patuloy na sumusugat sa kanyang nasugatan nang puso. Ipinagdarasal natin ang mga taong sumusulong at nangunguna sa atin sa Inang Simbahan at sa Pamahalaan upang piliin ang mga bagay na tama at hindi ang mga pasaway. Ipinapanalangin natin ang ating mga pamilya, ang ating bansa at ang buong daigdig upang higit na mapagtibay natin ang ating samahan, pag-uunawaan, kapayapaan at pagmamahalan sa gitna ng ligalig ng ating mundo. 


Ngunit higit sa lahat, itinataas natin kay Kristong Krusipikado ang ating mga pusong sugatan, pagod sa mga pagsubok ng buhay, naguguluhan sa mga sitwasyon na nag-uudyok sa ating mamili sa pagitan ng buhay o kamatayan. Huwag tayong matakot, sabi nga sa ating pagninilay kahapon, napagtagumpayan na ni Kristo ang mundo! Consummatum est! Naganap na! Ipinagwagi niya ang mga kapanalig niya sa liwanag ng pag-ibig ng Ama!


At ito ay magaganap sa kalaliman ng isang MAGANDANG GABI...

2 comments:

  1. TAMA .sana mamulat na ang bawat isa na ang mhal n araw ay pra sa DIYOS at hndi sa kung ano anong BAGAY LANG .

    ReplyDelete
  2. nice reflections... thank you...

    ReplyDelete