April 03, 2011
Fourth Sunday of Lent
Laetare Sunday
Laetare Sunday
1 Sm 16:1b, 6-7, 10-13a . Eph 5,8-14
Jn 9,1-41
==========
Opo, nasa kalahatian na tayo ng Kuwaresma. Kaya naka-rosas ang pari dahil ang araw na ito, ang Ikaapat na Linggo ng Kuwarema ay tinatawag na Laetare Sunday, ang Linggo ng pagsasaya. Kaya sa mga hindi na makatiis na di kumain ng karne pag Biyernes, sa mga nananawa na sa pakikinig sa Pabasa ng Pasyon, at excited na sa Salubong, aba at konting tiis na lang tayo. At Opo. Mahaba na naman ang Gospel ngayong araw. Sige lang, as a sign of our sacrifice, tiisin na natin ang pagtayo ng higit sa tatlong minuto sa part ng Gospel. Lent naman eh! Kung sa bagay, hindi natin maiintindihan ng buo ang Ebanghelyo kung chop-chop ang ating babasahin at pagninilayan.
Sa kumpletong version ng Ebanghelyo natin ngayon (na may 41 verses), makikita natin ang pagpapagaling sa isang bulag. Dumura si Hesus sa lupa, ipinahid ang putik sa mata ng bulag, at inutusan itong maghugas sa bukal ng Siloe. Nang malaman ito ng Pariseo, nilibak pa nila ang nakakitang tao dahil itinuturing na niya na Panginoon si Hesus. Tanda ito ng kanyang pananalig matapos niyang makakita kahit na hindi pa niya ito nakikilala o nakikita noon.
Muli, ito ay tanda ng karangalan ng pagiging anak ng Diyos bunga ng Sakramento ng Binyag. Mula sa ating pagkasadlak sa kasalanang mana, tayo ay binibigyan ng bagong paningin ng Diyos sa pamamagitan ng tubig ng binyag. Dati tayong nabubulagan dala ng ating magulang na sina Adan at Eba, ngunit sa salamat sa Diyos at binibigyan tayo ng bagong lakas, ng bagong paningin... ng paningin ng Maykapal, na nakakakita sa ganda ng kanyang nilikha at dumidinig sa panawagan ng kanyang naghihikahos na kapwa. Sa kabila ng mundong bulag at makasarili, tayo ay tumatayong saksi sa pag-ibig ng Diyos. Pinapahayag nating si Hesukristo ang Panginoon!
Sige, tumingin tayo sa pagkabulag. Sa Ebanghelyo ngayon, pinapakilala ang dalawang klase ng bulag.
Una, ay ang bulag na may saysay sa buhay. Sa panahon natin, maraming tao ang pinanganak na bulag. Merong ilan, nabulag dahil sa aksidente o di-sinasadyang pagkakataon. Meron ding mga taong dala ng katarata ay dahan-dahang nanlalabo ang paningin hanggang sa tuluyang mabulag.
Subalit hindi naging hadlang ang pagkabulag nila upang maglingkod sa Diyos at sa kapwa. Pilit silang nagsusumikap na mabuhay kahit na ganoon ang sitwasyon nila. Pilit nilang binibigyang-saysay ang buhay sa mundong kanilang ginagalawan, sa kabila ng laganap na kadiliman. Sa kanila gumagalaw ang Panginoon, tulad ng naganap ngayon sa Gospel. Pinapagaling ng Diyos ang kanilang espirituwal na kabulagan, at binibigyan sila ng lakas upang patuloy na magmahal ng kapwa sa ganitong kalagayan. Kahit na dala ng pisikal na inkapasidad ay di sila makakita, mapalad pa rin silang maituturing dahil mas binigyan ng Panginoon ng kakayahang makakita ang kanilang mga puso, at ito'y sapat na para sa kanila.
Subalit marami ring tao sa ating kabihasnan na bulag gayong nakakakita rin naman. Tatawagin natin silang mga Bulag na Walang Saysay. Puwede rin naman yun, eh. Yung mga bulag dahil sa kinang ng salapi. Yung mga bulag sa panaghoy ng ating mga kapatid na naghihirap. Ang mga taong ito na walang ibang inisip kundi ang kanilang mga sarili, sila ang mga bulag na walang saysay.
Sila ang kahalintulad ng mga Pariseo ngayon. Para sa kanila, wala nang mas mahalaga kundi sila at sila lang. Ang ibang bagay ay wala nang kuwenta. Basta ang sinusunod ay ang kanilang mga 'batas:' mga luho, kapangyarihan, pera. Sa kanila patuloy na tumatawag ang Panginoon. Hindi siya nagsasawang paalalahanan sila na dumulog sa kanya, at humingi ng kapatawaran. Mahabagin ang ating Diyos, at sa pamamagitan ng mga Sakramento, tayo ay ginagawaran ng kapatawaran ng ating mga kasalanan, at lakas na harapin ang pagsubok. Nang dahil dito ay mawawala ang kanilang kabulagan sa sarili at binibigyan ng panibagong paningin, paningin na nakatuon sa kapwa.
Ikaw, kapatid. Anong klaseng bulag ka? Anuman ang kabulagang iyong taglay, Halika at lumapit sa Diyos. Huwag tayong matakot. Ito ang hamon sa atin ngayong linggo. Tignan ang ating sarili at tanungin, Ano ang kabulagang tinataglay ko sa aking sarili? Hindi pa nahuhuli ang lahat. Lumapit tayo sa Panginoon. Manalig tayo sa kanya. Pagagalingin niya tayo, ibabalik ang ating paningin at bibigyan ng panibagong lakas upang harapin ang pagsubok sa mundo.
I may apply this in our lives:
ReplyDeletePhysically blind - we are obsessed and with secular things that around us.
Mentally blind - We act immature in front of our friends..
Spiritually blind(in our glorious, infallible Catholic faith) - we are prone or admire to any heresies, we are chained in disbelief and swimming joyfully in our negative views in our Faith outside and inside.
May the water wash us and heal us from our blindness. Amen.
Nico Lopez(AK47CCCP1945)