May 01, 2011
Second Sunday of Easter
Divine Mercy Sunday
Ac 2,42-47 . 1Pt 1,3-9
Jn 20,19-31
===
Maraming kaganapan sa araw na ito. Ngayong Ika-isa ng Mayo ay ang Pista ni San Jose na manggagawa. Siya ang patron ng lahat ng mga manggagawa, kahit anu pa man ang iyong trabaho sa buhay basta gumagawa ka ng naaayon sa kalooban ng Diyos at ayon sa iyong sinumpaang tungkulin. Subalit sa taong ito, ay ipinagpapaliban muna natin ang Kapistahang ito (ngunit hindi ang pagpaparangal) upang bigyang daan ang mas higit na pagdiriwang.
Ngayon ay ang Ikalawang Linggo ng Pagkabuhay. Mula pa noong 2000 ay dineklara na itong DIVINE MERCY SUNDAY, ayon sa mga pagpapahiwatig ni Hesus kay Santa Faustina Kowalska. Humiling ang ating Panginoon ng pag-alala sa kanyang oras ng kamatayan (3:00 PM), at pagtatalaga ng isang pista na magpapaalala sa atin ng dakilang habag ng Diyos lalo na sa mga taong nagsisisi at nagbabalik-loob sa kanya. Ito, ayon sa ating Panginoon, ay ating ipagdiriwang tuwing Linggo makalipas ng Pasko ng Pagkabuhay, at ngayon nga iyun.
Ngunit gayun pa man, ay nagkakaroon pa ng isang malaking dahilan upang ipagdiwang ang araw na ito. Ngayon kasi, May 01, ay idedeklara ng Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang Kabanalan Benito XVI ang yumaong Papa Juan Pablo II bilang isang Beato. Siya ay naging malapit sa puso ng bawat Kristiyano, lalo na ng bawat pamilya, kabataan at indibidwal dahil sa ipinakita niyang enthusiasm, interes, at kababaang-loob. Itong pagdiriwang na ito ay nagbubunsod sa ating lalong magdiwang at ipagbunyi ang Panginoon na naghahatid sa atin ng kapayapaan at dakilang awa ngayong araw na ito.
APRITE LE PORTE A CRISTO!
Sa kabila ng kaba at takot na nararamdaman ng mga alagad ay dumating si Hesus kahit na sarado ang pinto. Ang luwalhati na kanyang taglay ay higit sa anumang bagay dito sa ating mundo. Kaya nitong tumagos sa matigas na bakal, kaya rin nitong pumasok sa kaibuturan ng ating mga puso. Walang makakahigit sa kapangyarihang taglay ng Anak ng Diyos na Muling Nabuhay!
Si Hesus ay dumating sa piling ng mga alagad na ang bati, Pax Vobis! Shalom! Kapayapaan ay sumainyo! Tinatanggal ni Hesus ang lahat ng ating mga alalahanin, agam-agam, at mga suliranin sa buhay. Tinatanggal nga niya ito at pinapalitan ng kanyang mapanligtas na kapayapaan. Higit sa lahat ng kapangyarihan sa mundo, ang kanyang kapayapaan LAMANG ang ating masasandigan sa oras na tayo ay nag-aalanganin.
Alanganin. Ito ang naging pinta ng personalidad ni Santo Tomas. Hindi ako maniniwala sa inyo! Isusuot ko muna ang daliri ko sa mga sugat niya. Napaka-imposible ng mga sinasabi ninyo! Tiyak ang korte ng pananalita ni Tomas. Nag-aalinlangan siya kung totoo ngang nabuhay ang Panginoon. Malay ba niya, baka nga nagsisinungaling lang sina Pedro at mga kasama niya.
Ngunit sa dulo ng lahat, sa ikawalong araw, ay napagmasdan ni Tomas ang luwalhati ni Hesus, at wala na siyang nasabi pang iba kundi, Dominus meus at Deus meus! Sapat nang makita niya si Hesus na buhay upang maniwala siya. Ang pag-aalinlangan ay napalitan ng kapayapaan, ng pagtitiwala.
APRITE LE PORTE A CRISTO!
Kung ilalagay nga natin ito sa kasalukuyang pananalita, ay masasabi nating, Weeh. May Diyos? Hindi ako naniniwala. Hangga't hindi niya ako sinasagip sa kahirapan, hangga't hindi niya ako binibigyan ng sagot sa problema ko, hangga't hindi ko naiintindihan ang buhay ko, hindi ako maniniwala sa kanya.
Ito nga ang kadalasang bukambibig ng mga taong hindi masyadong 'ramdam' ang Diyos sa buhay nila. Mga taong nais lang ay ang mga bagay tungkol sa sarili nila at wala na. Mga kapatid! Ito ang bukambibig ng karamihan sa atin. Kung nalalaman lang natin na hinihintay tayo ng Panginoon na lumapit sa kanya. Hinihintay nga niya tayo sapagkat nais niya na tayo ang magbukas ng ating mga sarili sa kanya. Kung hindi natin ito kaya, ay habambuhay tayong matutulad kay Tomas, at palagi na lang nating pag-aalinlanganan ang kapangyarihan ng Panginoon.
Ang mensahe ng araw na ito ay napasimple lang. Manalig tayo at magtiwala sa Diyos! Umiikot ito sa mga salitang JESUS, I TRUST IN YOU. Ang Hesus na ito ay dumarating ngayon, tinatawag tayo at sinasabi sa bawat isa sa atin, Pax Vobis! Siya ay Diyos na muling nabuhay, at nais niya tayong mailigtas mula sa kadiliman ng kasalanan, at mula sa kadiliman ng ating mga sarili.
Ang mensahe ng araw na ito ay napasimple lang. Manalig tayo at magtiwala sa Diyos! Umiikot ito sa mga salitang JESUS, I TRUST IN YOU. Ang Hesus na ito ay dumarating ngayon, tinatawag tayo at sinasabi sa bawat isa sa atin, Pax Vobis! Siya ay Diyos na muling nabuhay, at nais niya tayong mailigtas mula sa kadiliman ng kasalanan, at mula sa kadiliman ng ating mga sarili.
Sabi nga ni Beato Juan Pablo II, Huwag matakot! APRITE LE PORTE A CRISTO! Buksan ninyo ang mga pintuan para kay Kristo! Sa kabila ng ligalg na dala ng mundong ito, tinatawagan tayo ng araw na ito na buksan ang pintuan ng ating mga puso. Buksan nga natin ito at ipaubaya sa Diyos ang lahat ng ating mga alalahanin, suliranin at agam-agam sa buhay. Tulad ni Santo Tomas, sabihin natin, PANGINOON KO AT DIYOS KO! HESUS, NANANALIG AKO SA IYO!!!
Bilang pagpaparangal sa Beato Juan Pablo II, aking ibinabahagi sa inyo ang awit na magsisilbing Imno ng Beatification Rites ngayong araw na ito. Ito po ang APRITE LE PORTE A CRISTO, ni Msgr. Marco Frisina...
Bilang pagpaparangal sa Beato Juan Pablo II, aking ibinabahagi sa inyo ang awit na magsisilbing Imno ng Beatification Rites ngayong araw na ito. Ito po ang APRITE LE PORTE A CRISTO, ni Msgr. Marco Frisina...