Sunday, December 2, 2012

MAGHANDA!


UNANG LINGGO NG ADBIYENTO
Liturhikal na Siklo C - Taon I 
Disyembre 02, 2012
Jr 33, 14-16 . 1Ts 3,12-4,2
Lucas 21, 25-28.34-36
===
 
Ayan, Bagong Taon na naman sa ating Inang Simbahan! Ibig sabihin, ilang araw na lang ang binibilang ay Pasko at 2013 na. Mukhang excited na naman ang bawat isa, dahil naghahanda na tayo ng listahan ng ating reregaluhan, budget para sa pagkain, at kung anu-ano pa. Ito naman talaga ang siklo ng buhay natin pagsapit ng ganitong panahon ng taon: aligaga.

Ang Adbiyento, tulad ng alam natin, ay panahon ng paghahanda. Apat na kandila sa korona, simbulo ng apat na linggo ng ating puspusang paghihintay sa pagsilang ng ating Manunubos sa Betlehem, at sa kanyang pagbabalik sa wakas na taglay ang dakilang kapangyarihan. Bawat linggo, nagsisindi tayo ng isang bagong kandila, dahil nais nating tanglawan ng Diyos ang buhay natin patungo sa kanya (sana ganun nga)

May pagnanais na maipagdiwang ang kanyang pagsilang na masaya, ay ating nililinis ang ating mga tahanan at ang iba pang gamit sa bahay, nagsasabit ng ilaw at palamuti, nagtatayo ng puno at iba pang panlabas na pagpapakita ng maganda at makulay na Pasko para sa atin.

Subalit, ito ang tanong: Masaya ka nga ba sa iyong paghahanda? Kamusta ka? Paano kung ito na ang huling Pasko na darating, at hindi ka nakapaghanda ng mainam sa kalooban? Paano ka?

Umaalingawngaw ang tawag na maghanda sa ating Ebanghelyo ngayon. Simple lang naman ang topic ni Heus: ang wakas ng panahon. Isang kakila-kilabot na pangyayari na napapalibutan ng pagkawasak ng santinakpan, pagkalito at kasawian, at ang dakilang pagbabalik ng Anak ng Tao na dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Hindi ito isang ilusyon o kung ano; sa totoo nga lang ay dahan-dahan na natin itong nararamdaman sa panahon natin ngayon sa kaliwa't-kanang mga kaguluhan at delubyo na ating nararanasan.

Sabi nga sa Boy Scout, dapat Laging Handa! hindi lamang sa ating panlabas na katangian, kundi at higit sa lahat, ay sa ating personal na buhay. Sa mga taong hindi na iniisip ang kapakanan ng kapwa at inaalala na lamang ang para sa sarili nila, ang darating na wakas ay hudyat ng katapusan ng kanilang ligaya. Isang malaking pagsisisi ang kanilang mararamdaman, sapagkat inilaan nila ang kanilang panahon sa mga walang kwentang bagay. Tunay na parusang walang hanggan at kamatayang di-mamagkano ang tatamuhin nila, dahil hindi sila handa.

Pero sa taong tunay na malinis ang isip at buhay, at naging tapat sa Diyos hanggang sa huli, si Hesus na mismo ang nag-aanyaya, Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayó sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyó. Tulad nga ng aking ibinahagi noong nakaraan, ang katapusan ng mundo para sa ating Diyos ay ang hudyat ng kaligtasan ng mga taong sumunod hanggang sa wakas. Anuman ang pagsubok na dumating, taas-noo pa rin nilang sinasambit ang Pangalan ng Panginoon, at dahil dito, gantimpala ang kanilang kakamtin.

Sa bandang huli, ano nga ba ang panawag sa atin? MAGHANDA!  Kaya’t maging handa kayó sa lahát ng oras. Lagi ninyóng idalangin na magkaroon kayó ng lakas upang makaligtas sa lahát ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao. Kaya nga siguro may Adbiyento upang ipaalala sa atin na sa anumang gagawin natin, dapat ay isaisip natin ang pagdating ng Panginoon. Gawin natin ang nararapat at mabuti, upang sa kanyang pagdating sa Pasko, at sa kanyang pagbabalik sa wakas ay madatnan niya tayong may galak sa puso; umaawit ng papuri sa kanyang kagandahang-loob.

Uulitin ko: Masaya ka nga ba sa iyong paghahanda? Kamusta ka? Paano kung ito na ang huling Pasko na darating, at hindi ka nakapaghanda ng mainam sa kalooban? Paano ka?

Panginoon, sa aming paghihintay sa iyong pagbabalik, itulot mong makapaghanda kami, hindi lamang sa panlabas kundi sa aming kalooban. Gabayan mo kami sa bawat sandali hanggang sa masapit namin ang iyong liwanag na di-magwawari. Amen!




Saturday, November 24, 2012

Iyan ang TOTOO!

DAKILANG KAPISTAHAN NG PANGINOONG HESUKRISTO, HARI
Nobyembre 25, 2012
Dn 7,13-14 . Ph 1,5-8
Juan 18,33-37
===

The truth hurts, ayon sa isang kasabihan. Kapag humarap tayo sa isang bagay na totoo, alam nating kahit paano ay mababago nito ang mga pananaw natin sa buhay, sampu ng lahat ng tao sa paligid natin. Kahit paano, ang katotohanan ang magtataas o magbabagsak sa isang bagay, tao o pangyayari. Ito ang magsasaad kung tama o mali ang gawi natin. Sa isang salita, ang katotohanan ang isa sa mga mahahalagang pinanghahawakan natin, anuman ang estado o gawain natin sa buhay.

Ito rin ang pinapakilala ni Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon, ang Huling Linggo sa Taong Liturhikal B. Sa gitna ng tinding hirap na kanyang binabata sa magdamag na siya'y inuusig, lakas-loob niyang pinahayag sa harap ni Pilato na siya'y Hari! Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan, upang magsalita tungkol sa katotohanan.

Marami sa atin ang nagtatanong, bakit nga ba natin ipinagdiriwang ang Pistang sa dulo ng taon? Ano ang halaga para sa atin ng isang Hari na di naman natin kilala ni nakita? Totoo nga ba siya? Kung babalikan natin ang kasaysayan ng kapistahang ito, makikita natin ang isang kabalintunaan. Sa Quas Primas ni Papa Pio XI, pinahayag ng Banal na Papa ang paghahari ng maka-mundong mga pananaw, lalo na ang komunismo na talamak noong panahong iyon. 

Para sa mga makamundong pinuno, hindi umiiral ang Diyos, at kung umiral man siya ay wala siyang pakialam sa mga gawain ng mundo. Wala siyang karapatang mamuno sa kanila sapagkat di naman nila siya nakikita, ni nararamdaman. Higit sa lahat, isa siyang hadlang upang makapaghari sila sa paraang kanilang gusto. Katulad ni Pilato, kanilang sinasabi, hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka at kapangyarihang ipapako ka sa Krus? (Jn 19,10)

Subalit hindi ito ang totoo! Sa Krus, samantalang siya ay nakapako, ay pinakilala ni Hesus ang kanyang paghahari na hindi lamang nakatuon sa makamundong pananaw tulad ng tinuran sa taas; ang kanyang paghahari ay isang ubod ng pagmamahal at sakripisyo. Si Hesus ay hari na handang ialay ang sariling buhay para sa lahat ng umaasa sa kagandahang-loob ng Panginoon. Hindi ito kaya ng mga pinuno ng sanlibutan, ni magawa kailanman.

Christ as our Redeemer purchased the Church at the price of his own blood; as priest he offered himself, and continues to offer himself as a victim for our sins. Is it not evident, then, that his kingly dignity partakes in a manner of both these offices? [Quas Primas, 16]

Hindi ito kayang gawin ng mga taong umaastang "pinuno," dahil sa dignidad na dala ng pangalan o puwesto nila. Ayaw nilang mapahiya, ni plumakda. Gusto nila na sila ang masusunod. Subalit ang paghahari ni Hesus ay hindi paghahari bilang "boss" na uutusan tayong gawin ang anumang gusto niya. Naparito siya, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod. Pinakita niya ito sa kanyang kamatayan sa Krus.

Ito ang katotohanang hinarap ni Hesus sa sandaling iyon na kaharap niya si Pilato. Ito rin ang patuloy niyang pinapakilala sa bawat isa sa atin, lalo na sa mga taong ayaw pa rin siyang tanggapin, ni yakapin ang katotohanang kanyang taglay. Patuloy na naghihintay si Kristong Hari para sa atin na kanyang mga iniligtas upang kilalanin siya at tanghalin na Hari ng kanilang buhay.

Sukat nating tanungin ang ating mga sarili sa araw na ito, Ano nga ba ang itinuturing kong totoo? Kinikilala ko ba si Hesus na Hari sa aking buhay, o patuloy lang ako sa buhay kong walang panginoon kundi ang sarili ko?

Sa ating pagtatapos sa isang Taong Liturhikal, muli nating subukang tuklasin ang kagandahang-loob ng Panginoon na patuloy na naghahandog ng kanyang kagandahang-loob para sa atin. Si Hesus ang nagpapakilala sa atin ng katotohanan, na siya ang Hari ng ating buhay at wala nang iba. Walang halong pangamba, makakaasa tayo sa patuloy niyang pagdamay sa ating lahat. Manalig tayo sa kanya at itanghal nating siya bilang Hari ng buong sanlibutan! Iyan ang totoo!


Panginoon, patuloy naming hinahanap ang katotohanan sa mga maling bagay. Buksan mo ang aming mata upang makita namin ang tunay na katotohanan: na Ikaw ang Hari at Diyos ng aming abang buhay. Maghari ka sa amin! Amen!


Saturday, November 17, 2012

2012

Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
Dn 12,1-3 . Heb 10, 11-14.18
Marcos 13, 24-32 
===


Sino nga ba ang hindi pa nakakasagap ng balita na Doomsday na daw sa December 21, 2012? Maraming nagsasabing totoo daw na may malaking asteroid na tatama sa planeta at lalamunin ang lahat ng nakatira dito. Walang ititira, lahat mamamatay. Kung may matira man, eh good luck na lang dahil talagang wala ka nang makikitang matinong pagkain ni matitirahan. Back to zero, kung baga, kung magiging uso pa ang number na zero pagdating ng araw na iyun. Ni di na nga pinadaan pa ang araw ng Pasko eh, so malamang ay talagang wala ka nang dahilan para mabuhay pag nagkagayon.

Ganito ang pananaw ng nakakarami sa atin pagdating sa katapusan ng mundo. Masakit, nakakapangilabot, at higit sa lahat, malapit na. Magaling na tayo kapag nagkatotoo ang mga bagay na ito, sapagkat nahuli natin ang isip ng Diyos na siya lamang nakakaalam ng lahat ng bagay, maging ang katapusan.

Sa puntong ito, tunghayan natin ang Mabuting Balita sa araw na ito, ang ikalawang linggo bago matapos ang taong liturhikal. Mababanaag rin natin sa mga salita ni Hesus ang pagdating ng wakas. Walang pinagkaiba sa ating pananaw: Sa araw na iyon, matapos ang matinding kapighatian, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan

Medyo may pagkakapareho siya sa Asteroid na tatama "daw" sa December 21, subalit may matindi itong pagkakaiba. Sa pananaw natin, ang katapusan ng mundo ay ang panahon na wala ka nang magagawa kundi harapin ang iyong kamatayan. Walang kaparis ang hirap na daranasin natin, na makakalimutan na nga nating may Diyos. Mapapatunayan nito na walang magliligtas sa atin, at walang saysay ang ating pananampalataya.

Subalit sa pananaw ni Hesus, ang katapusan ng mundo ay ang panahon na kung saan ay tatawagin ng Diyos ang lahat ng kanyang hinirang papunta sa kanyang piling. Makikita ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na panig ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang ng Diyos, mula sa lahat ng dako. 

Ang katapusan ng sanlibutan ay ang panahon ng kanyang pagtawag at pagtipon sa mga nanatiling tapat sa kanya hanggang sa huli. Ito ang katuparan ng kanyang pangako sa kanila, na siyang magpapatunay na may Diyos na mananatili sa piling ng lahat ng nanatiling sumasampalataya sa kanya. Ito ang katuparan ng kanyang wika, kasama ninyo ako hanggang sa wakas ng panahon!

Higit sa lahat, matindi ang pagkakasabi ng Panginoon, Ngunit walang nakaaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak man – ang Ama lamang ang nakaaalam nito. Sa tingin ko ay wala na akong paliwanag na dapat pang idagdag, sapagkat malinaw ang mga sinabi ni Hesus. Ito ay isang panawagan rin sa atin na huwag manatili sa sinasabi ng bibig - mabuhay na parang ito na ang huling araw mo sa mundo; kung gagawa ka ng mabuting bagay, gawin mo na ito NGAYON!

Sinabi ni Hesus, Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko’y hindi magkakabula. Pinaghahandaan ba natin ang mga huling sandali sa pamamagitan ng isang buhay na may Banal na Pagkatakot sa Diyos? Hinihintay ko pa ba ang bukas upang gumawa ng mabuti, o sinisikap ko nang makatulong sa kapwa ngayon? Naniniwala ba ako sa wika ng tao, o sumasampalataya sa pahayag ng Diyos?

Isang magandang tip para sa atin, sa halip na hintayin ang end of the world na walang ginagawa, subukan nating maging isang tapat na Kristiyano sa paningin ng Diyos at ng ating kapwa. At least, kung totoo man na sa 2012 ang end of the world, ay naging handa ka at tapat sa Diyos. Di ba?

Panginoon, ikaw ang Hari ng lahat; ang simula at katapusan. Tulungan mo kaming maghanda sa iyong pagbabalik sa pamamagitan ng isang buhay na tapat sa iyo. Amen.


Sunday, November 11, 2012

Paano ka magbigay?

Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
Marcos 12, 38-44 

Sabi nila, the more you give, the more you receive. Napatunayan na ito sa mga kuwento ng mga kapatid natin na, sa kabila ng kayamanang taglay nila, ay di natatakot na maglabas ng higit pa para sa mga nangangailangan. Sabi ng ilan, kaya siya pinagpapala dahil marunong siyang magbigay.

Pero paano kung wala nang natitira sa iyo? Magbibigay ka pa ba?
Sa Ebanghelyo natin ngayon, pinuri ng Panginoong Hesus ang isang babaeng balo sa kanyang pagiging bukas-palad. Sa araw na iyon, samantalang libu-libo ang binibigay ng mga tao bilang buwis, ang babaeng balo ay lumapit at nagbigay ng dalawang pirasong barya. Sa kataga ng Panginoon, binigay niya ang higit sa kanilang lahat, sapagkat ibinigay na niya ang kanyang buong ikabubuhay.

Madalas nating pinag-iisipan ng masama ang ating pagbibigay sa kapwa. Hinahati-hati pa natin yung pera para may matira para sa atin. Ang mahalaga pa rin ay tayo o ang pangangailangan natin. Madalas pa nga ay galit tayo pag magbigay kasi nakukulitan na tayo o anu pa man.

Subalit tignan natin ang halimbawa ng babaeng balo na, kahit na iyun na lang ang natitira sa kanya, ay bukas-palad pa rin niyang ibinigay sa Panginoon. Dito natin makikita na, kahit na ang walang maibigay ay nakakayanang ibigay ang natitira sa kanya, sa pag-asang magagawa ng Diyos na lingapin siya mula sa hirap. May kagalakan sa puso, ipinaubaya niya ang buo niyang kayamanan sa Diyos na pinagmulan nito.

Maitatanong natin sa ating sarili, Paano ba ako magbigay sa Panginoon at sa aking kapwa: may galak o may isnab? Bukas-palad ba na may ngiti sa puso, o may halong hinanakit o sama ng loob?

Mga giliw, tandaan natin na ang lahat ng bagay ay mula sa Panginoon, maging ang sarili nating buhay. Huwag nating itago sa ating sarili ang anumang meron tayo dahil dito masusukat kung gaano natin kamahal ang ating kapwa. 

Panginoon, turuan mo akong maging bukas-palad, para sa lalo mong kapurihan at sa ikakalingap ng aking mga kapatid. Amen.

Friday, November 2, 2012

HOLINESS versus NOVELTY

Commemoration of the Faithful Departed
November 02, 2012
===

Today, we remember in our prayers all those who went ahead of us, and now experience the purifying fire of Purgatory. We believe that, as sinners, we need to be pure in order to relish the joys of Heaven.

Those who do not believe may bash that this is not true nor found in the Bible, but in the experience of the Rich Man and Father Abraham we may find a certain proof that there is, indeed, this place - a stop-over - where we purify ours
elves off so that we may be more than worthy to enter God's Kingdom.

Contrary to the popular belief, we believe that God is a God of the Living, not of the dead (it justifies the name of today's celebration). When we die, we do not die totally; this is the passing from the land of exile to the reward or punishment waiting for us. We continue to live, but this time we now face the result of the challenges we had: PASSED, ALMOST, or FAILED.

Almost everyone neglects this Eschatological reality: we live as if there is no life after death. We do things which is against God's Will, even doing it inside his Home, which is our bodies. We continue to sin, do failures and lead others to their doom. All because it is "uso."

Dear friends, today's commemoration challenges us not to go with the flow of the world. The Lord calls us to proclaim His love, His truth, His mercy to the world, and not to deal with the yolk of pagans or schismatics. If we want to reach Heaven fast, let us indeed do every good turn to our brothers and sisters in need. This includes praying for those who passed away, the least remembered and most forgotten, and those who are near the gates of Heaven.

As the souls in Purgatory need our prayers, we also strive to be true to our name and calling: CHRISTIANS.

Saturday, October 20, 2012

Misyon: Lingkod ng Lahat

Oktubre 21, 2012
Ika-dalawampu't-siyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
CANONIZATION OF BLESSED PEDRO CALUNGSOD
World Mission Sunday
Is 52,10-12 . Heb 4,14-16
Mc 10, 35-45
===

Ano nga ba ang paglilingkod?

Madalas natin itong naririnig sa mga politiko, ako'y maglilingkod ng tapat sa inyo, basta iboto nyo lang ako! Nangangako silang mananatiling tapat sa mandatong binigay natin sa kanila bilang ating mga pinuno. Naniniwala tayo na sa oras na iboto natin sila, ay gagawin nila ang dapat nilang gawin, subalit hindi pa rin naman ito nagkakatotoo sa karamihan ng mga politikong ating nakasalamuha sa paglipas ng panahon. Magtitibag ng kalsada, tapos ipapaayos ulit, sabay lagay ng tarpaulin ng mukha niya na may katagang "Paglilingkod-bayan ni..." 

Ano nga ba ang paglilingkod?

Marami sa atin ang nais na maglingkod dahil sa magiging epekto nito: makikilala tayo, magiging sikat o kung ano pa. Madalas nating iniisip na malaki ang magiging balik sa atin kapag tayo ay naging sikat dahil naglilingkod tayo. Gusto natin, laging tayo ang nangunguna. Ito, para sa atin, ang kahulugan ng salitang Paglilingkod.

Ano nga ba ang paglilingkod?

Sa ating Ebanghelyo ngayon, pinapakilala ng Panginoon ang tunay na halaga ng paglilingkod, Ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At ang sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 

Hindi nalalayo ang pananaw ng mga Hudyo noon sa pananaw natin ngayon tungkol sa paglilingkod. Para sa kanila, kailangan na ang paglilingkod ay may kasamang pagpapakilala, katanyagan. Kailangan mapalakpakan sila para masabing naglilingkod talaga. Sarili lang ang iniisip, hindi talaga mahalaga ang taong pinaglilingkuran.

Para kay Hesus, ang tunay na paglilingkod ay hindi ang pagpapakilala, ni ang tanyag. Ang tunay na paglilingkod ay ang pagsisimula sa ibaba, sa piling ng mga pinaglilingkuran.  Hindi kailangang makilala ka, ang mahalaga ay naibibigay mo ang iyong talento at oras para sa iyong kapwa. Hindi mo rin masasabing nakakapaglingkod ka ng ganap kung hindi mo nagagawang ibagay ang iyong buhay sa mga taong iyong pinaglilingkuran.

Para sa ating Panginoon, kailangang tapat ka at totoo sa iyong pinaglilingkuran. Sa iyong paglilingkod, kinakalimutan mo ang iyong sarili at inilalaan ang iyong panahon at oras para sa Panginoon at kapwa. Sa ngalan ng iyong pinaglilingkuran, handa mong ilaan ang iyong buhay, handa kang mamatay para sa kanila. 

Mismong ang Panginoon ang nagpakita ng halimbawa ng paglilingkod! Sa kanyang pagkakatawang-tao, binitawan niya ang kanyang pagka-Diyos upang makipamuhay sa piling natin. Sa kanyang kamatayan, ipinaunawa ni Hesus ang tunay na paglilingkod: ang ihandog ang buhay alang-alang sa kanyang mga pinaglilingkuran. Sa kanyang pagkabuhay na mag-uli, nakamtan niya ang kaganapan ng kanyang paglilingkod, siya ay niluwalhati at ngayo'y ating sinasamba at pinasasalamatan.

Tignan natin si Pedro! Sa kanyang murang edad, ay naglingkod si Pedro sa Panginoon sa pamamagitan ng pakikiisa sa misyon ng mga Heswita sa mga Chammoro ng Marianas (Guam). Alam niyang mapanganib ang misyon, subalit siya ay naging masigasig na dalhin si Kristo sa mga taong di pa nakakakilala sa kanya. Hindi iniisip ang kanyang kapakanan, bukal sa puso niyang inialay ang kanyang buhay para sa Ebanghelyo, nang siya ay patayin ng mga pinunong Chammoro na hindi tanggap ang kanilang itinuturo. 

Ngayon, tatanghalin na ng Inang Simbahan si Beato Pedro Calungsod bilang isang ganap na Santo, ang ikalawang Santo ng Pilipinas, at huwaran ng kabataan. Si Pedro ay isang huwaran sa atin na ano man ang ating edad, o kapasidad, ay kaya pa rin nating ipakilala si Kristo sa lahat, at makakaasa tayong may gantimpala ang bawat mabubuting gawain.

Tayo rin ay kanyang sinusugo sa isang misyon, na ilaan ang ating buhay para sa ating kapwa, na ipahayag ang Ebanghelyo sa bawat sulok ng daigdig. Tayo ay kanyang isinusugo upang ipakilala si Hesus sa mga taong di pa siya kilala, at sa mga taong ayaw siyang kilalanin. Hindi natin kailangang maging tanyag upang gawin ito, dahil sa kanyang biyaya ay magagawa natin ang lahat para sa kanyang Kapurihan.

Ito ang paglilingkod: ang handang ilaan ang buhay para sa kapakanan ng kapwa. Hindi iniisip ang sarili, kundi ibinibigay ang lahat para sa Diyos at para sa kapatid. Sa halimbawa ni San Pedro Calungsod, tayo ay tinatawag ni Hesus sa ipahayag ang kanyang pagmamahal at pagliligtas sa lahat ng dako. Huwag tayong matatakot na panghawakan ang ating misyon, humingi tayo ng lakas sa Diyos upang magampanan natin ang ating Misyon: ang maging Lingkod ng Lahat!

Saturday, October 6, 2012

Pagtanggap sa buhay, handog ay BUHAY!

Oktubre 07, 2012
Ikadalawampu't-pitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Gn 2,18-24 . Hb 2,9-11
Mc 10,2-16
===

Pag sinabing Kasal,
isang pananaw na banal
kapag tao ay pinagsama
wag paghiwalayin kailan man.

Ito ay bahagi na, noon pa man,
ng plano ng Diyos, higit sa lahat,
buhay ay pausbungin, nilikha'y paligayahin.
Lahat ay pantay sa kanyang paningin.

Sa atin, ito ay sakramento
Banal na tanda ng Diyos sa tao.
Pagsira dito ay katumbas ng kasawian,
Pagtaliwas ay isang dakilang kasalanan.

Ngunit, bakit nagkakaganito?
Pananaw ng tao'y biglang nagbago?
Ang banal, ginawang laruan
Kasal ngayon, bukas ay hiwalay na?

Para naman sa iba, live-in ay sapat lang,
Di na daw nila keri ang kasal sa simbahan.
Yung iba naman, flirt lang:
Sex ngayon, bukas, "Kilala ba kita?"

Yung iba namang nakakaangat
Nais, RH Bill ay ipasa
Bilang batas na nagtataguyod ng "pamilya"
Ngunit sa totoo ay nakakawasak ng tahanan.

Ang kasal ay katumbas ng buhay
biyaya ng Diyos sa ating nilalang.
Hindi natin pwedeng sabihing tayo ang may-ari
Pag tayo'y namatay, sa Kanya ri'y babalik.

Ang Kristiyano, higit sa lahat,
Inatasang magtaguyod ng buhay
Magka-pamilya, maging responsable
Maging tapat sa sumpaan at sa binuong mag-anak.

Huwag tayong makakalimot sa habag ng Poon.
Minsan naman, ay ating isipin ito:
Buhay nati'y galing sa Diyos.
Ingatan ito, wag balewalain.

Makakaasa tayo na tayo ay magiging marapat
sa Kaharian ng Diyos
tulad ng sinabi ng Poong Hesus.
Pagtanggap sa buhay, handog ay BUHAY!