Wednesday, August 15, 2012

Sa Luwalhati ng Diyos!

Agosto 15, 2012
DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AKYAT SA LANGIT SA MAHAL NA BIRHENG MARIA
Ph 11,19a.12,1-6a.10a-b . 1Cor 15, 20-27
Lc 1,39-56
===

Ipinagbubunyi natin ang isang dakilang pangyayari sa kasaysayan ng kaligtasan sa araw na ito. Iniakyat sa Langit si Maria, katawan at kaluluwa. Hindi hinayaan ng Diyos na mabulok ang katawan ng babaeng nagdala, nag-aruga at nagmahal sa Diyos na nagkatawang-tao. Sa sandaling iyon, na tinawag siya ng Diyos sa kanyang piling, pinagkaloob sa kanya ang isang natatanging biyaya, na iniakyat siya sa Langit, katawan at kaluluwa.


Naniniwala tayong si Maria ay iniakyat sa Langit noong huling sandali ng buhay niya sa mundo. Bilang mga Kristiyano, nababatid nating ang Mahal na Ina ay nabuhay ng isang buhay na tapat at mabuti sa mata ng Diyos at ng kapwa. Tulad ng ating Panginoon na kanyang Anak, si Maria ay nanatiling tapat sa pangako ng Diyos hanggang sa huling sandali. Sa kanyang pag-oo sa mensahe ng Anghel, nagbukas para sa atin ang mapanligtas na kapangyarihan ng Diyos. Hindi maaaring ito ay mabalewala.

Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon! Ang buhay ni Maria ay isang buhay ng pagpuri sa Diyos, sa kabila ng mga pagsubok at mga hinagpis na kanyang naranasan. Hindi siya nagreklamo ni nagdamdam, ipinaubaya niya ang lahat sa Panginoon, na dahil dito siya ay niluwalhati at itinaas mula sa kanyang kababaan. 

Mapalad ka, sapagkat naniwala kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon. Tunay na ang kanyang pagkamatapat sa pangako ng Diyos ang siyang naging susi sa kanyang mistikong pakikipag-isa sa luwalhati ng Panginoon sa Langit. Ngayon, ang kanyang pagiging matapat at pananampalataya ang siya nating pilit na sinusunod sa ating buhay. Mahirap man, alam nating ito rin ay magbububnga ng mainam, ito ay lalago, at ito ay magdadala sa atin sa kaganapan ng buhay.

Nauna si Kristo, susunod ang lahat ng kay Kristo. Ang kaluwalhatian ay hindi lamang para kay Hesus o kay Maria o sa mga Santo; ito rin ay para sa atin! Hindi mahirap ang sumunod sa kalooban ng Panginoon, sa sandaling pinaubaya natin ang lahat sa kanyang kalooban, makikita natin kung paano magiging mainam ang lahat ng bagay. Hindi mawawala ang pagsubok, subalit magkakaroon tayo ng lakas na ipagpatuloy ang laban sa buhay. 

Simple lang ang hamon ng Dakilang Kapistahang ito: Isang buhay na banal at naka-ayon sa Kalooban ng Panginoon.  Gaano nga ba tayo katapat sa pangako ng Panginoon? Katulad ni Maria, handa ba tayong ipaubaya ang lahat sa kanya, umaasang tayo rin ay maiaakyat sa langit at makakasalo sa luwalhati ng Diyos?

Manalangin tayo na manatili tayong matatag sa ating pananalig sa Diyos. Gumawa tayo na hindi inaalala ang sarili, kundi ang Diyos sa lahat ng bagay. Kaisa natin si Maria sa ating pagsusumikap para sa isang buhay na banal at tapat sa Panginoon. Hindi magtatagal, mararanasan rin natin ang biyaya ng luwalhati ng Diyos! 



No comments:

Post a Comment