Saturday, August 18, 2012

Pagkain para sa Laban!
(Huling Installment)

Agosto 19, 2012
Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon
Kw 9,1-6 . Efe 5,15-20
Jn 6,51-58
===

Ano'ng pananaw mo kapag nagsisimba ka? Yung iba, para lang makaalis ng bahay pag Linggo. Yung iba, trip lang nilang makasama yung kaibigan. Yung iba, seryoso na nais makapiling ang Panginoon kahit isang oras lang.

Iba-iba ang dahilan, iba-iba rin ang karanasan ng bawat isa, subalit aminin man natin o hindi, ang Diyos rin mismo ang tumatawag sa atin upang makapiling siya sa Banal na Pagpapasalamat (Eukharistia sa Griyego) sa lahat ng biyayang sa kanya nagbuhat at patuloy na ibinibigay sa atin.

Kaso, ang problema, karamihan sa atin ay binabalewala ang pasasalamat na ito. Tingin nila sa Misa ay isang role play lang, may babasahin, tapos itataas ng pari yung tinapay, tapos ipapamigay tapos sa dulo ay magpapalakpakan sila dahil tapos na. Hindi nababatid ng nakakarami ang tunay na halaga ng Misa na kanilang dinadaluhan.

Si Hesus mismo ang nagpapakilala sa atin ng tunay na halaga ng Misa: ang kaugnayan natin sa Diyos at niya sa atin: Ang sinumang kumakain ng aking Laman at umiinom ng aking Dugo at nananahan sa akin, at ako sa kanya!

Sa kanyang pagmamahal sa atin, ay iniwan ni Hesus ang Banal na Misa upang magsilbing alaala na tayo ay may Diyos na patuloy na nagbibigay sa atin ng buhay at lakas upang magpatuloy sa ating pakikibaka. Upang maging malakas tayo, ang kanyang katawan mismo ang ating kinakain, at ang kanyang dugo mismo ang ating iniinom - sa anyong tinapay at alak. 

Kalakip ang ating pananampalataya, tayo ay nananatiling buhay sa kanyang pananatili sa atin: Ang sinumang kumakain ng aking Laman at umiinom ng aking Dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siya sa huling araw! 

Hindi natin pinapansin ito, sa halip ay nagpapatuloy tayo sa ating mga araw-araw na ginagawang taliwas sa Eukaristiyang ating tinanggap. Sabi nga nila, pang-linggo lang ang ating kabanalan, at ibang usapan na ang Lunes hanggang Sabado. Hindi ito ang nararapat na pananaw para sa ating laging humuhugot ng buhay sa Katawan at Dugo ni Kristo! Sapagkat masama ang takbo ng daigdig, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo'y nakakagawa ng mabuti. (Ikalawang Pagbasa)

Si Kristo mismo ang pagkain natin para magpatuloy sa pakikibaka ng buhay! Ibinibigay niya ang kanyang sarili para sa ating ikababanal at ikabubuhay. Di man natin pansin, o pansinin, patuloy niyang ipinapakilala ang kanyang sarili para ating mahalin, igalang, at gawing bahagi ng ating buhay. Hinahamon niya tayong taglayin siya sa ating mga plano, mga aktibidad, mga sasabihin o gagawin - sa araw-araw nating pamumuhay.

Sa pagtatapos ng ating pagninilay sa nakalipas na tatlong linggo, tanungin natin ang ating mga sarili, Paano ko pinapahalagahan ang Banal na Eukaristiya sa aking buhay? Nagtatapos lang ba sa isang oras ang ating pagpapasalamat sa Diyos, o pilit natin itong tinataglay sa ating mga gawain sa araw-araw? Tinatanggap ko ba ng taos-puso si Kristo sa aking buhay sa bawat Komunyon?

Linggo na naman! Inaanyayahan na naman tayong makapiling si Hesus sa Banal na Eukaristiya. Wag nating sayangin ang pagkakataon. Tanggapin natin ng buong puso at pananalig si Hesus, ang Tinapay ng Buhay, ang tunay na Pagkain para sa laban ng buhay!

Panginoon, salamat sa pagbibigay ng iyong sarili upang maging pagkain naming nagbibigay ng buhay! Nawa'y tanggapin ka namin sa aming mga puso, upang iyo kaming mahubog ayon sa iyong larawan. Sa pamamagitan ng banal na Misa, matanggap ka nga nawa namin maging aming lakas upang ipagpatuloy ang pagharap sa hamon ng buhay hanggang sa masapit namin ang luwalhati ng buhay na Walang Hanggan. AMEN.

===

Sa panibagong taon na biyaya sa akin mula sa Panginoon, kayo ang palaging nasa isip at puso ko. Kasama ko kayo sa isang panibagong taon ng pagharap sa pagsubok ng buhay. Please always include me in your prayers. Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsuporta! ^^


No comments:

Post a Comment