Agosto 26, 2012
Ikadalawampu't-isang Linggo sa Karaniwang Panahon
Js 24, 1-2.15-17.18 . Efe 5, 21-32
Jn 6, 60-69
===
IIWAN NYO RIN BA AKO?
Kapag may lakad ang barkada at di tayo nakasama, sumasama
ang loob natin. Kapag hindi rin ayon sa atin ang plano ng isang tao, iiwan
natin siya kahit na malayo na ang naabot ng inyong pinagsamahan. Kapag break
na, break na kahit na umiiyak kayo pareho at mahal nyo pa ang isa’t-isa.
Masakit ang iwanan,
masakit rin ang mang-iwan. Hindi ito isang biro, dahil tipo bang naputulan
ka ng paa sa gagawin mo o sa ginawa sa iyo. Di na kumpleto ang katauhan mo o
ang mundo mo. Para bang wala ka nang dahilan na mabuhay.
Feeling mo, forever alone ka na lang.
Iiwan nyo rin ba ako?
Medyo may kalakasan ang tanong na ito ni Hesus sa ating
Ebanghelyo ngayong linggo. Matapos ang tatlong linggo ng pagpapakilala ng kanyang
sarili sa atin, ngayo’y pinapakita ang pagtugon ng tao sa paanyaya niyang kanin
siya bilang Tinapay ng buhay. Masakit ito para kay Hesus, parang, ibinigay na
nga niya ang buhay niya, ganito pa ang isusukli ng tao sa kanya. Walang
naniniwala sa kanya dahil hamak lang daw siyang anak ng karpintero.
Iniwanan siya ng lahat ng taong di-matanggap ang kanyang
salita. Tinalikdan siya ng mga taong minsang pinakain niya. Nagpapatuloy ito
hanggang ngayon sa bawat pagkakasala natin, sa ating pagtalikod sa kalooban ng
Panginoon. Nasisiyahan pa tayo na iwanan siya para sa ating sariling
kaligayahan.
Subalit mapalad ang taong tunay na nakasumpong sa
kagandahang-loob ng Panginoon! Batid nila na wala pang-unawa ng mundo ang sagot
sa kanilang mga tanong kundi sa kagandahang-loob ng Diyos. Tulad ni Pedro,
sila’y nagpapahayag, Saan kami tutungo?
Nasa iyo ang salita ng buhay na nagdudulot ng buhay na walang hanggan!
Pananampalataya ang siyang susi upang Makita natin ang kagandahang-loob
ng Panginoon, lalo na sa Banal na Eukaristiya. Hindi lamang ito biro! Ito ay
nagpapakilala ng kabuuan ng Diyos. Marami na ang nang-iwan sa kanya, subalit
siya ay patuloy na nagbibigay ng sarili upang tayo ay patuloy na mabuhay.
Tanungin natin ang ating mga sarili, tunay nga bang nakikita natin si Hesus sa Banal na Misa at sa ating
buhay-pananampalataya? Iiwan rin ba natin siya sa oras ng kagipitan?
Sa Eukaristiya, naghihintay si Hesus na lumapit tayo sa
kanya. Tinatawag niya tayo, niyayakap at pinapaging-kanya. Tumugon tayo sa
kanyang panawagan: Kayo rin ba ay aalis? Iiwan nyo rin ba ako?
No comments:
Post a Comment