Agosto 12, 2012
Ikalabinsiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
1H 19,4-8 . Efe 4,30-5,2
Jn 6,41-51
===
Hindi naman sa mahaba ang post natin; ito ay isang serye ng pagninilay ukol kay Hesus na Tinapay ng Buhay na ating natatanggap sa bawat Misa.
Isang masalimuot ngunit nakakapanggising na linggo ang nagdaan sa atin dito sa Maynila at mga karatig-probinsya. Hindi naman bagyo, ngunit isang matinding serye ng pag-ulan ang naranasan natin na kasing-bigat ng bagyo ang hatid na epekto sa ating mga buhay. Naligo na naman ang mga bahay sa tubig-baha, sinabayan pa ng matinding patak ng ulan. Ang resulta: isang matinding delubyo na ramdam na ramdam at di talaga malilimutan ng bawat isa.
Para na naman tayong mga nawalan sa bait. Hindi natin alam kung ano ang gagawin o kung saan pupunta. Para sa iba, nawalan sila ng tahanan, gamit o, sa kasawiang-palad, ng kamag-anak. Mabigat na sandali ito para sa ating lahat. Tunay na nakakapanlumo. Masakit, subalit ito ang realidad.
Gayun pa man, sa pagtatapos ng isang madilim na linggo, muling nasilayan ang sikat ng araw. Naghatid ito ng pag-asa, nagbigay ng dahilan upang magpasalamat. Salamat dahil buhay pa ako. Salamat dahil may pagkakataon pang magbago. Salamat dahil, kahit na walang-wala, ang Diyos ang nagkakaloob.
Tuloy ang laban, sabi nga nila. At sa pagpapatuloy ng laban, kailangan ng lakas upang makapagsimula muli. Dito dumarating ang Panginoon. Dito niya ipinapakilala ang kanyang sarili: Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay!
Maraming nagtanong noon, nasaan ang Diyos noong naghihirap kami sa baha at unos? Pagdududa ang namayani sa karamihan sa atin, kung bakit daw hinayaan ng Panginoon na mapagdaanan nila ito. Pagdududa na ang Diyos ay tunay na nariyan, na handang sumaklolo sa atin. Ito ang namayani sa nakakarami.
Pagdududa rin ang nakita ng Panginoon sa mga Hudyo noong panahon niya. Di ba anak ito ni Jose at Maria? Nakakapanloko, paano niya nasabing siya ang pagkaing nagbibigay-buhay? Kanibalismo, kung baga. Hindi talaga kapani-paniwala sa mata ng tao na ang tinitignan ay ang panlabas lamang.
Ngunit sa puntong ito pinahayag ng Panginoon, Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lalapit sa akin(...). Sinasabi ko sa inyo, ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan! Tunay na pinapakilala ng Panginoong Hesus ang kanyang kapangyarihan, na di-maunawaan ng mata ngunit pinaniniwalaan ng puso. Ito ang pananampalataya na di-matarok ng isip ng tao, ngunit nababatid ng pusong itinalaga sa Diyos.
At saan nga ba tayo maaaring humugot ng lakas at higit na pananampalataya para ipagpatuloy ang laban sa buhay? Saan pa nga ba kundi sa Banal na Eukaristiya! Ito ang hapag ng ating pagpapasalamat sa Diyos. Ito ang bukal ng panibagong lakas upang ating maharap ang mga pagsubok, hindi sa ating pananaw, kundi sa pananaw ng Diyos.
Maraming nagdududa sa kanyang presensya, subalit tunay na mapalad ang nananampalataya na di-gamit ang mata kundi ang puso. Tunay nga na kapag tayo ay tumatanggap sa Katawan ni Hesus, makikita natin ang kaganapan ng ating buhay. Hindi ito bunga ng mahika o kung ano man, kundi ng masidhing pananampalataya ng taong tumatanggap sa kanya.
Kung ikaw ay nagluluksa pa rin dahil sa pagkawala ng minamahal noong nagdaang linggo, bakit di mo subukang humugot ng lakas sa Katawan ni Kristo? Sa iyong pagsimba ngayong linggo, subukan mong ibulong sa Panginoong nagmamahal ang lahat ng iyong mga pagsubok na pinagdaanan. Sa iyong pakikipaniig sa kanya sa Banal na Komunyon, subukan mo ngang kausapin siya, ihibik ang iyong pangangailangan, at lakipan ng matinding pananampalataya na Siya nga ang nakipag-kaisa sa atin.
(May part three pa...)
No comments:
Post a Comment