Agosto 05, 2012
Ikalabing-walong Linggo sa Karaniwang Panahon
(Dedication of Sta. Maria Maggiore)
Exo 16,2-4.12-15 . Efe 4,17.20-24
Jn 6,24-35
At tuluy-tuloy lang ang ating usapang pagkain. Kapag Pasko, Bagong Taon, Fiesta o Birthday, lahat tayo ay umaasa na masarap yung pagkaing ihahanda sa hapag. Kumakayod tayo para sa isang masaganang salu-salo kapiling ng pamilya o kaibigan. Kumakain nga tayo at nabubusog, natutuwa tayo lalo na kapag masarap ang pagkain. Madalas, may kasama pang alak yan kaya tuloy sa round table ang kasiyahan.
Subalit pagdating ng kinabukasan, ano ang ating napapala? Impatso kasi naparami sa pagkain, hilo dahil sa kalasingan, at kung anu-ano pang sama ng pakiramdam. Ang masaklap, wala na ang pera sa bulsa! Ang kasayahang panandalian, nauwi sa sakit ng katawan at ng pitaka. XD
Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagdudulot ng buhay na walang hanggan.
Ito ang isa sa tagubilin ni Hesus sa ating Mabuting Balita ngayon. Sariwa pa sa alaala ng balana ang ginawang himala ng Panginoon (na ating napakinggan last week) tungkol sa pagpapakain ng limanlibo buhat sa limang tinapay at dalawang isda. Akala nila, factory ng pagkain ang Panginoon, at umaasa silang gagawa ulit siya ng himala na tulad ng nakita natin noong isang linggo.
Nasa alaala nila ang nangyari sa ilang noong panahon ni Moises na umulan ng manna (na ang kahulugan ay ANO ITO?) at nakakain silang lahat. Dahil sa Manna na buhat sa Langit, nakapagpatuloy sila sa paglalakbay ng apatnapung taon. Ngunit sa kabila ng pagkain nila ng Manna, namatay pa rin sila at hindi na nakarating sa lupang pangako. Dala ng kanilang pagsuway sa atas ng Panginoon, hindi nga nila narating ang kanilang inaasam, kahit na pinakain sila ng misteryosong tinapay buhat sa itaas.
Batid ito ng Panginoong Hesus, napansin niyang hinahanap nila ang katulad ng pagkaing naghahatid ng sandaling pagkabusog. Kaya ang kanyang pabatid, Hindi si Moises ang nagbigay ng pagkaing ito kundi ang Ama sa Langit. Siya rin ang nagbibigay ng pagkaing nagbibigay-buhay...yaong bumaba mula sa Diyos at nagbibigay buhay sa sanlibutan.
Sa Diyos nga nagmumula ang lahat ng nagbibigay-buhay, kasama na ang pagkain! Walang impatso, walang hilo, walang butas na bulsa. Dulot nito ay buhay para sa ating lahat at lakas upang ipagpatuloy ang ating mga pinaglalaban at pinagsusumikapan.
Mga ka-DOSE, sa tuwing dumadalo tayo sa Banal na Misa, nagkakaroon ng katotohanan ang mga salitang ito ng Panginoon. Sa tinapay at alak na nagiging Katawan at Dugo ni Hesus, nagiging realidad ang sinabi ng Panginoon, Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay. Siya ang nagbibigay ng lakas at tatag sa ating kaluluwa at katawan upang manindigan para sa katotohanan at kabutihan. Ito ang nagbibigay-patotoo sa kanyang pagmamahal sa atin.
Samantalang tayo ay nagtatrabaho para makakain ng masarap sa araw-araw, inaanyayahan rin tayo ng Panginoon na mabuhay ng tapat at pinaglalaban ang katotohanan. Binibigyan niya tayo ng lakas, sa pamamagitan ng pagkaing hindi nauubos, kundi palaging naghahatid sa atin ng tatag. Ito nga ang kumukumpleto sa ating mga sarili, naghahatid sa atin ng karunungan, at nagpapakilala sa atin sa isang Diyos na alam ang ating pangangailangan: Ginoo, bigyan po ninyo kami palagian ng pagkaing ito!
Sa ating mga pagsusumikap, ano nga ba ang ating hinahangad? Nananatili na lang ba tayo sa pagkaing napapanis at nawawala, o nakikiisa tayo sa sambayanang pinapalakas ng biyaya ng Panginoon?
Maraming nagdududa, hindi naniniwala (Part two na yan), subalit ang hamon para sa atin ay ang manalig na ang bilog na Ostiya na ating tinatanggap araw-araw o linggo-linggo ay ang Diyos mismo na lumalang sa atin at nagbibigay ng lakas sa atin. Kailangan ang ating pananalig, Ito ang pinapagawa sa inyo ng Diyos: Manalig kayo sa sinugo niya!
Panginoon, itulot mo na sa bawat pagdalo namin sa Banal na Misa ay aming mabatid ang iyong buhay at tunay na presensya. Bigyan mo kami ng lakas upang magsikap kang kamtin sa araw-araw naming gawain. Ikaw na pagkaing bumaba mula sa Langit, palakasin mo kami! Amen.
No comments:
Post a Comment