Friday, June 15, 2012

Mula sa Inulos!

Hunyo 15, 2012
DAKILANG KAPISTAHAN NG BANAL NA PUSO NI HESUS
Day of Prayer for Sanctification of Priests
Os 11,1.3-4.8c-9 . Efe 3,8-12.14-19
Jn 19,31-37
===

Marami na tayong hiningi na biyaya mula sa Panginoon, mga posible at imposible; mga magagaan at mabibigat na hangarin na ipinagkakatiwala natin sa kanya sa pag-asang pakikinggan niya ang mga ito. Pinagkakatiwala natin ito sa kanyang Banal na Puso na patuloy na nag-aapoy sa pagmamahal para sa atin.

Nag-aapoy. Ito ang madalas na paglalarawan natin sa Puso ng Panginoon. Kailanman, ay nag-aalab, nagbabaga ang kanyang puso, sinbulo ng kanyang walang kamatayang pag-ibig para sa atin na nanlamig na sa ating pananampalataya sa kanya.

Ngunit hindi lamang ito ang pananaw natin sa Puso ni Hesus. Sa maraming paglalarawan, makikita natin ang Puso ni Hesus na may sugat sa gilid. Mula sa sugat na ito ay dumadaloy ang dugo; gayunman ay patuloy na nag-aalab ang kanyang puso. Bakit ganito ang paglalarawan sa Puso niya? Kung tumutulo ang dugo mula sa sugat, dapat ay di na nag-aalab ang apoy!

Sinaksak ng isang sundalo ang tagiliran ni Hesus at agad dumaloy ang dugo at tubig!


Sa kamatayan ni Hesus sa Krus, inakala ng mundo na ang tampalasang nagsasabi na siya ang tagapagligtas ay namatay na sa Krus sa bisperas ng Araw ng Pamamahinga. Lahat ng nagpakita ng interes na siya'y ipapatay ay nagbunyi dahil wala na ang sagabal sa kanilang pananampalataya.

Ipinaubaya ni Hesus ang lahat sa Ama, at iniyukayok niya ang kanyang ulo. Sa sandaling ito, nagluksa naman ang sangnilikha, lumindol, dumilim, at nagpakita ng kalungkutan dahil ang Salita na pinagbuhatan ng kanilang pag-iral ay wala na.

Namatay na si Hesus, subalit upang makatiyak, isang sundalo ang umulos sa kanyang gilid; mula rito'y dugo at tubig ang masaganang dumaloy. Sa pananaw ng nakakarami, wala itong kahulugan kundi ang pagtiyak na patay na si Hesus. Ano nga ba ang pwede pang i-konek doon kundi ang realidad na patay na nga ang isang tao.

Subalit ang sugat na ito - at ang dugo at tubig - ay palatandaan ng pagmamahal ng Diyos! Sa ating Simbahan, ang sugat na ito ang nagpapakilala na buhat sa kanya ay nagpasimula ang isang Simbahan na sumasampalataya sa kaligtasang buhat sa Diyos. Ang Dugo at Tubig, na sa tingin ng iba ay ordinaryo lang, ay isang pagpapahiwatig na mula sa Panginoong Hesus ay nagbuhat ang mga Sakramento ng Binyag at Eukaristiya, mga sakramento ng buhay at pag-aalay ng buhay.

At kahit na sariwa ang sugat at ang Dugo at Tubig, patuloy na nag-aalab ang kanyang puso! Sa kanyang muling pagkabuhay, at magpahanggang ngayon, walang sawang pinapakilala ng Panginoong Hesus ang kanyang puso na nasugatan man, ay patuloy na nag-aalab para sa atin. Inulos man, at patuloy man ating sinasaksak ng sibat ang kanyang puso dala ng ating kasalanan, ay hindi namamatay ang apoy na buhat sa kanyang puso para sa atin.

Hanggang kailan natin sasaksakin ng sibat at uulusin ang kanyang puso? Buksan natin ang ating mga mata sa ating mga pagkakamali, pagsisihan ang mga ito at ipatakbo ang ating mga sarili sa Puso ni Hesus! Hindi man natin nababatid, palaging nag-aalab sa buhay at pagmamahal ang kanyang puso para sa atin. Biyaya ito mula sa inulos; huwag nating ipag-walang bahala ito.

No comments:

Post a Comment