Saturday, June 2, 2012

KASAMA mo hanggang sa wakas!


(As presented in U-Speak, a radio program produced by the Institute of Preaching Lay Missionaries. It airs every Saturday, 6:30-8:00 PM over 102.3 Radyo Dominiko ng Manaoag. U-Speak is hosted by different IPLM members, including Bitoy who went on-air last June 02 2012,) 

Hunyo 03, 2012
DAKILANG KAPISTAHAN NG BANAL NA TRINIDAD
Dt 4,32-34 . Rom 8,14-17
Mt 28,16-20


Ang Diyos. Maraming pagkakataon na natin siyang nakaniigan, nakilala at nagging kasama sa paglalakbay. Sa Simbahan noong tayo’y nabinyagan, sa eskwela noong tinuruan tayo ng katekista, sa organisasyon noong nagsimula sila ng meeting sa panalangin. Maraming pagkakataon na nating narinig ang kanyang pangalan.

Subalit talaga nga ba’ng kilala natin siya? Nararamdaman nga ba nating kasama natin siya?

Sa araw ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Banal na IsangTatlo, Ama, Anak at Espiritu Santo, mapapakinggan natin sa mabuting Balita si Hesus na nagbibilin ng ganito: Humayo kayo, ipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng bansa, binyagan sila sa Ngalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo, at ituro ang lahat ng ipinahayag ko sa inyo.

Tayo ay tinatawag ng Panginoong Hesus na ipangaral ang Mabuting Balita: na ang Diyos ay isang mabuting Ama, sa kabila ng ating kahinaan at pagkakamali ay sinugo niya ang kanyang Anak upang tayo ay iligtas sa kanyang kamatayan sa Krus. Sa kanyang Muling Pagkabuhay at pag-akyat sa Langit ay isinugo naman niya ang Espiritu Santo upang patatagin ang lahat ng naniniwala sa kanya at tuparin ang kanyang atas na gawain na ipakalat sa buong mundo ang Mabuting Balita, at ialay ang buhay sa pagmamahal at paglilingkod sa kapwa, kahit na kapalit ay sariling buhay.

Sa ating patuloy na paglalakbay at paglilingkod sa mundo ng karimlan at kadiliman, nangangako si Hesus, sa ngalan ng Ama at ng Espiritu Santo: Ako’y kasama ninyo hanggang sa wakas ng panahon!
Marami sa atin ay natatakot na kilalanin ang Diyos dahil sa di-mabilang na dahilan. Yung iba, dahil malayo ang loob nila sa Diyos. Yung iba, dahil natatakot silang parusahan ng Diyos dahil sa mga kasalanan nila. Yung iba, dahil naniniwala silang walang Diyos. 

Subalit sa atin na pinagpahayagan ng Mabuting Balita, natatalos nating kilala natin siya, marami na siyang nagawang mabuti at matuwid sa buhay natin, patuloy niya tayong pinagpapala. Tayo ang tinatawagan na ipakilala ang Diyos sa iba na takot o ayaw siyang kilalanin. Sa pamamagitan natin, mararamdaman rin nila na Kasama nila ang Iisang Diyos na Tatlong persona.

Kilala nga natin ang Santisima Trinidad. Sinasamba at pinagpipitaganan. Tuparin natin ang kanyang atas, na ipakilala siya sa iba, nang maramdaman ng buong sangkatauhan na Kasama natin siya hanggang sa wakas!

No comments:

Post a Comment