Sunday, June 17, 2012

Mula sa maliit...

Hunyo 17, 2012
Ikalabing-isang Linggo sa Karaniwang Panahon
Ez 17, 22-24 . 2Co 5, 6-10
Mc 4, 26-34
===


Great things start from small beginnings... (sabay inom ng M***... hehehe)


Pamilyar sa atin ang slogan na ito ng isang brand ng chocolate drink. Makikita natin sa mga commercial nito na may pinagdadaanang pagsubok ang mga bata. Iniisip nila kung makakaya nilang mai-shoot ang bola, o magawa ang gymnastic stunt, o matalo ang kalaban sa Taekwondo. Subalit sa isang sandali ng commercial mapapalingon sila sa kanilang magulang na nakangiti ng wagas sa kanila, na parang nagsasabing 'kaya mo yan!' (at dito papasok ang promotion ng produkto). Magkakaroon ng lakas ng loob ang bata at mapagtatagumpayan ang pagsubok. 

Tama nga ang slogan, lahat ng bagay ay nagsisimula sa maliit na pinagmulan. Lahat ng ating mga narating ngayon, mga nakamit na tagumpay o mga di-malilimutang karanasan ay nagbuhat sa mga munti, walang-kwenta, minsan nga'y kinakalimutang mga sinimulan. Di na natin napapansin kung saan ito nanggaling,  subalit nakikita na lang natin ay ang bunga. 

Saan ko nga ba maihahalintulad ang Paghahari ng Diyos? 

Sa linggong ito, dalawang parabula ang pinapakilala ni Hesus, dalawang kuwento ng munting sinimulan subalit nagkakaroon ng hitik at higanteng mga bunga.

Ang unang talinhaga ay tungkol sa manghahasik. Bawat araw ay isinasaboy niya ang munting mga bunga sa parang. Hindi niya namamalayan, lumilipas ang mga araw at buwan hanggang sa dahan-dahang tumubo, umuhay at magbunga ng sagana ang kanyang inihasik. Hindi niya alam kung saan nagbuhat ang mga ito, subalit talos niyang kaloob ito sa kanya ng Diyos. Sa pagdating ng anihan, gagapasin na niya ang ani at dadalhin sa kamalig, puso'y puno ng pagtataka at kagalakan.

Ang ikalawa ay tungkol sa butil ng Mustasa. Sa pagkain natin ng hamburger sa isang fastfood chain o sa iba pang pagkain, madalas nating nakikita yung condiment na kulay dilaw na nakapalaman kasama ng hamburger, iyan ang Mustasa. Subalit bago ito makarating sa ating mga panlasa, ito ay nagbubuhat sa isang munting binhi, halos di na nga natin makita sa liit. Ngunit kung ito ay lumago, napapansin siya ng bawat taong makadaan sa sobra nitong laki, ito nga ay nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim. Nagiging kapaki-pakinabang ito hindi lamang sa tao, kundi sa iba pang mga hayop, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa mga lilim nito.

Dalawang bagay ang makukuha natin mula sa pagpapahayag sa linggong ito:

Una, ang Diyos ang siyang nagkakaloob ng lahat sa takdang panahon. Matagal man tayong maghintay ay hindi bingi ang Diyos sa ating mga daing. Sabi nga nila, pray and never worry. Bakit nga ba tayo nag-aalala sa mga bagay ukol sa ating sarili, kung ang Diyos ang pinagmulan ng lahat? At sa pagdating ng sandaling matupad ang ating kahilingan, di ba nga napapaisip tayo kung bakit sa eksaktong oras na iyun dumating ang katuparan ng ating daing?

Ikalawa, lahat ng bagay, kahit tayo, ay nagbuhat sa munting mga sinimulan. Lahat ng ating mga mithiin sa buhay: malaking bahay, magandang rabaho, masayang pamilya, at iba pa, ay nagmumula sa isang maliit na pangarap. Hindi na tayo bago sa mga ito kasi nasabi naman natin sa ating mga sarili noon, paglaki ko magiging ... ako! Sa isang pambatang pangungusap na madalas na binabalewala nagmumula ang lahat ng pagsusumikap, paghihirap at pagtityaga hanggang sa maabot natin ang ating minimithi.

Paano nga ba natin pinapahalagahan ang mga munting sandali sa ating mga buhay? Madalas tayong nakatuon lamang sa mga malalaki at higanteng bahagi ng ating mga buhay, subalit hindi lang doon gumagalaw ang Panginoon. Sa bawat sandali, mula simula hanggang sa katapusan, kasama natin sa paglalakbay ang Diyos. Tinatawag niya tayo na lumapit sa kanya sa bawat saglit sapagkat siya ang pumupuno ng ating kakulangan!

Tandaan natin ito, mga ka-dose: Ang Diyos ang kumukumpleto sa ating pangangailangan. Hindi man natin ito mapansin, subalit batid niya ang lahat ng ating pangangailangan mula simula hanggang wakas. Huwag sana nating ipag-walang bahala ito. Lalo nating ialay sa Panginoon ang lahat ng ating mga naisin at hangarin. Maliit man ito sa paningin, at matagal man kung kamtin, pag ito ay lumago tayo ay nakakapakinabang rin!

Panginoon, sa aming paglalakbay sa buhay na ito, nababatid namin na kami'y iyong sinasamahan at ginagabayan. Pakinggan mo ang aming munting mga pagsamo at tulungan mo kaming lumago patungo sa isang panibagong tao sa piling mo. Amen!

2 comments:

  1. If you want to be a part of the UD Community, please FOLLOW this blogsite. Thanks po for your continued support! :)

    ReplyDelete
  2. Isang makabuluhan na mensahe Sir! salamat sa pagnanahagi! Asahan mong isa ako sa susuporta sa iyo! Mabuhay ka Sir at ang URDOSE

    ReplyDelete