Friday, April 6, 2012

PAGMAMAHAL NA WAGAS

April 06, 2012
VIERNES SANTO SA PAGPAPAKASAKIT NG PANGINOON
Is 52,13-43,12 . Heb 4,14-16.5,7-9
Jn 18,1-19,42
=====


GOOD FRIDAY sa inyo!


Tulad ng sinabi ko sa pagninilay ko noong isang taon, BIYERNES SANTO PO NGAYON! Ito ang araw na nagninilay tayo sa dakilang pag-aalay ni Hesus ng sarili sa Krus. Karamihan sa atin ay tunay na nagninilay sa katahimikan ngayon, subalit di pa rin maisantabi ang ingay ng mundo na abala sa kabila ng pagiging banal ng araw na ito. Kailan nga ba tayo matututo? Kailan nga ba natin mauunawaan ang tunay na halaga ng Biyernes Santo sa ating buhay, na isang tao ang nag-alay ng buhay nang dahil sa pag-ibig, samantalang patuloy natin siyang binabalewala?




Paano mo nga ba bigyan ng pagsasalarawan ang pag-ibig?


Madalas sa mga nagmamahalan, ang pag-ibig ay nasa paglalaan ng oras sa isa't isa, sa mga regalo na naibigay, sa mga date na pinagkagastusan, sa mga matatamis na salitang binitiwan, at sa iba't-iba pang mga paraan na naipapakita natin ang ating pagkalinga at pagnanasa.

Sinasabihan tayo na di-tapat sa ating pagmamahal, pakipot, o balat-kayo pa nga, subalit sa bandang huli naipapakita pa rin at nabibigyan ng pansin ang damdaming nananaig, ang pag-ibig na wagas at walang katulad. Kailangan nga lang itong pag-ingatan sapagkat kapag ito ay nasira, wala nang ibang madaling paraan upang maisaayos ito. Masira lang ang pagmamahal, parang di ka na kilala ng taong pinatutungkulan mo nito.

Ito ang pag-ibig ng tao. Madaling idaan sa salita, sa bola, sa kyeme, subalit mahirap patunayan lalo na sa mga sandali ng paghihirap sa buhay. Mahal kita ngayon, pero quits rin tayo mamaya kapag dumating na ang problema. Mahal kita ngayon, mahal kita bukas, pero sa susunod na araw, kung wala ka nang sweldo, di na kita love. Magmamahal tayo kung may balik sa atin ang isang bagay, ngunit paano kung wala? Ano'ng gagawin natin? 

Ito ang pag-ibig na naranasan ni Hesus sa mga tao sa paligid niya sa mga huling oras niya bago ang kamatayan sa Krus. Ang mga taong dati niyang pinaglingkuran, minahal, at pinagaling, ngayo'y tinatalikdan siya, kinukutya at pinapatay. Higit sa mga sugat sa katawan, ang sakit sa kanyang diwa ang higit na nagpabigat sa kanyang nararamdamang hirap. Naramdaman ni Hesus kung paano talikuran ng bayan na kanyang kaisa sa lahat ng bagay liban sa kasalanan, at kahit ano'ng salita ng konsolasyon ay hindi makakasapat sa naramdamang kabiguan niyang ito.


Gayunpaman, hindi pa rin tumigil si Hesus na mahalin ang tao hanggang sa huling sandali. Samantalang siya'y pinapatay, higit niyang pinapakita ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng pagtahimik at pagtanggap... 


sa halik ni Hudas at pagtakbo ng mga Apostol palayo,


sa masasakit na salita ng taumbayan, 


sa bawat yurak sa kanyang mukha, 


sa bawat sipa at hampas, 


sa bawat tinik na tumutusok sa kanyang ulo, 


sa Krus na mabigat na kailangan niyang pasanin papuntang Golgotha, 


sa mga maruruming pako na tumagos sa kanyang palad,


at sa huling paghihirap na naranasan niya bago ang kanyang kamatayan.


Tinanggap nga niya ang lahat, at ipinahiwatig sa atin na habang patuloy sila sa pagkutya, patuloy rin siya sa pagtanggap at pagmamahal. Nais niya tayong mailigtas kaya ginawa niya ang lahat. Nais niya tayong mapabanal, kaya siya namatay ng kamatayan ng isang kriminal. Hindi naman talaga niya dapat gawin ang lahat ng ito, pwede pa niyang piliing tumakbo at kalimutan ang plano nila ng Diyos Ama, ngunit nagpatuloy siya dahil ang higit na mahalaga ay ang ating kaligtasan.


GANYAN KA NIYA KAMAHAL. TUNAY NA WAGAS! ISANG PAGMAMAHAL NA WALA NANG MAKAKAHIGIT SA LUPA MAN O SA ILALIM NG LUPA!


At ano ang ating balik sa kanya? Patuloy tayo sa pagkakamali at pagkakasala, na parang walang nangyari halos 2000 taon na ang nakakaraan. Mistulan na ngang walang kumikilala sa paghahain ni Kristo ng buhay para iligtas ang sangkatauhan. Ang panahon natin ay puno na ng ateismo, sekularisasyon, modernismo, komunismo, tahasang pagtama sa mga maling bagay, at iba pang pakana ng diyablo na tinatangkilik ng tao at sinusuportahan kaysa sa mga tunay na diwa ng ating pananampalataya. at higit pa nating nais ang paggawa ng kasalanan at makamundong alalahanin - kahit na umabot pa yan ng ilang oras - kaysa sa maglaan ng ilang minuto upang magnilay sa pagmamahal na wagas na ipinakita ni Hesus.


MGA WALANG UTANG NA LOOB!!! Hanggang kailan tayo magpapatuloy sa pagpatay kay Hesus? Uulitin ko, pwedeng di niya gawin ang mga bagay na ito subalit tinanggap pa rin niya dahil sa pagmamahal sa iyo at sa akin, subalit paano natin ito pinahahalagahan? Hanggang Semana Santa lang ba? Hanggang sa pagsisimba lang ba? Wala na bang pagkakataon na mailaan talaga natin ang ating sarili sa Hari na namatay para sa atin para sa paglilingkod sa kanya, at pagmamahal sa ating kapwa? Sa aba ng mga taong nakakaalam na namatay si Hesus para sa kanila subalit di naman nila ito tinutugan ng pagmamahal sa kanilang kapwa.


Naganap na ni Hesus ang kanyang atas na misyon sa pagyukayok ng kanyang ulo at pagkamatay sa Krus. Ibinuhos na niyang ganap ang kanyang pagmamahal sa atin na makasalanan. Subalit di pa nagaganap at natatapos ang ating atas na tungkulin na ipahayag siya sa buong mundo na tumatalikod sa kanya. Inaanyayahan tayong maging masigasig sa pagtitiis ng hirap at paggawa ng mabuti. Wala pa iyan sa kalinkingan ng tiniis ni Hesus, kaya masasabi talaga nating makakayanan natin kung tayo rin ay magpapasaklolo sa kanya.


Ang pagmamahal ng tao, lumalamig, lumalamlam at nakakalimutan.


Tingin ka lang sa Krus. Ayan ang pagmamahal ng Diyos. Pagmamahal na pangmagpakailanman. Pagmamahal na bumubuhay sa gitna ng tiniis na hirap at kamatayan. IYAN ANG PAGMAMAHAL NA WAGAS!



No comments:

Post a Comment