Saturday, April 7, 2012

Gabing Naliliwanagan

Abril 07, 2011
PASKO NG MULING PAGKABUHAY NG PANGINOONG HESUKRISTO
Dakilang Bihilya sa Gabi ng Pasko ng Pagkabuhay
Gn 1,1-2,2 . Gn 22,1-18 . Ex 14,15-15,1 . Is 54,5-14
Is 55,1-11 . Bar 3,9-15.32C4.48 . Ezk 36,16-17a.18-28 . Rm 6,3-11
Mc  16,1-7
===

Mula sa isang liwanag, pinagpasa-pasahan, hanggang sa maliwanagan ang mundong balot sa kadiliman... 

Ang pagdiriwang ng sagradong gabing ito ay isa sa mga hinihintay ng Sambayanang Kristiyano sapagkat inaalala natin ang dakilang katuparan ng pangako ng Diyos. Ngayong gabi, tuluyang sumambulat ang luwalhati ng Panginoon, at pinawi nito ang mapang-aping kamandag ng kasalanan at kamatayan sa ating mga nakatakdang tumanggap nito.

Sa mga pagbasa na ipapahayag, mababanaagan kung paano ang Panginoon ay nanatiling tapat sa kanyang pangako, mula noong lalangin niya ang tao bilang kanyang kalarawan at kawangis. Sa katapatan ni Abraham ay  nagkakaloob ang Diyos ng biyaya sa mga taong patuloy na nananalig sa Diyos sa kabila ng kadiliman ng mga pagsubok na dumarating sa kanila (Ikalawang Pagbasa). Sa kanyang pangunguna sa pagtawid ng bansang Israel mula sa pagkaalipin sa Egipto ay pinakilala niya ang kanyang dakilang lakas na siya rin nating sandigan sa ating patuloy na paglalakbay patungo sa kaluwalhatian (Ikatlong Pagbasa).

Sa kabila ng lahat ng unos, lagi siyang tapat at hindi kumakalimot sa anumang kanyang bitawang pangako, dahil sa kanyang pag-ibig sa atin (Ikaapat na Pagbasa), at sa pamamagitan ng mga biyayang ating natamo sa Sakramento ng Binyag, tayo ay nalibing sa kamatayan ni Kristo at muling nabuhay sa kanyang dakilang pagbangon mula sa dilim ng libingan (Sulat ni Pablo).

Nagtagumpay si Hesukristo at ito nga ang totoo! Sa pagkakita ng kababaihan sa libingang walang laman, kanilang nasaksihan ang katuparan ng pangako ng Diyos. Nadatnan sila ng takot na baka ninakaw ang bangkay ng Guro, subalit sa mga salitang binitiwan sa kanila ng misteryosong lalaki sa tabi ng libingan, kanilang natanto ang kaluwalhatiang naganap sa gitna ng gabing ubod ng kadiliman.

Wala na siya rito - Siya'y Muling Nabuhay! Sa wika ng Anghel, tumatag ang kalooban ng mga kababaihan na noo'y may hapis na dinadala dahil sa kamatayan ng kanilang guro. Akala nila, iyun na ang katapusan ng buhay ng taong itinuring nilang Panginoon at Tagapagligtas, subalit ito pa lang pala ang simula ng kaganapan. Lalong tumibay ang kanilang pananalig at lumakas ang kanilang pagkasigasig na ipahayag ang Kristong nabuhay sa lahat ng panig ng daigdig.

Patuloy tayong nahihirapang lumakad sa gitna ng kadiliman ng mga pagsubok sa buhay. Madalas nating sinasabi, wala bang Diyos? Bakit lagi na lang ganito ang pinagdadaanan kong problema? Wala na bang katapusan ito? May mga nagpapakamatay pa nga dahil sa bigat na di na daw nila makayanan. Madilim na buhay ang kanilang kinasasadlakan, madilim na hinaharap ang patutunguhan, lalo na kung wala ang Diyos sa kanilang buhay.

Subalit sa libingang walang laman, dumarating ang pag-asa sa mga nawalan na nito! Muling nabuhay si Hesus para sa ating mga patuloy na nadidiliman ng mga problema! Muli siyang nabuhay para bigyan ng liwanag ang ating mga walang-katapusang gabi. Dumarating siya sa piling natin ngayong gabi, at sa bawat araw ng buhay, upang iparamdam ang pagmamahal niya sa atin, na hindi niya tayo pinababayaan, na patuloy niya tayong pinalalakas upang ating maharap ang dilim ng ating mga 'gabi:' mga pagsubok sa buhay!

Isang mainit na imbitasyon sa atin ngayong gabing naliliwanagan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon: Manatili tayo sa kanyang liwanag! Natapos na ang biyaheng Kuwaresma natin, at panahon na upang magpista sa dakilang liwanag handog ng Pagkabuhay ni Hesus. Huwag na sana nating talikdan ang biyayang buhat sa Diyos, sa halip ay lalo nating buksan ang ating sarili para sa biyayang nagbubuhat sa Gabing ito na naliliwanagan ng luwalhati ng Panginoong Hesus!

CHRISTOS ANESTI! ALITHOS ANESTI! 
ALLELUIA!!!


Maligayang Pasko ng Pagkabuhay sa inyo!
From: UrDose.blogspot.com

No comments:

Post a Comment