Abril 22, 2012
Ikatlong Linggo ng Muling Pagkabuhay
Gw 3,13-15.17-19 . 1Jn 2,1-5a
Lc 24,35-48
=====
Minsan, sa aking buhay estudyante, naranasan kong masaktan sa mga desisyon na pinili ko. Maraming sumita sa akin; ayon sa kanila, hindi daw ganoon ang nararapat kong gawin kundi ganito. Dapat ay inisip ko munang malalim ang lahat ng galaw ko upang mas maipakita ko ang aking kakayahan. Subalit nagpakita ako ng katatagan sa desisyon na aking ginawa, na 'mali' para sa kanila.
Marami pa akong naranasang paghihirap dahil sa aking mga ideya, subalit sa bandang huli naranasan ko ang tamis ng tagumpay bunga ng aking pananaw. Akala ko ay hindi ako makaka-survive, subalit kay bait ng Diyos! Naramdaman ko rin ang suporta ng mga taong tunay na tinuring akong isang kasama at di ako pinabayaan sa gitna ng kawalan. Lagi ko iyung binabalikan ngayong wala na ako sa buhay-kolehiyo, at naiisip ko na kailangan ko nga sigurong pagdaanan ang persekusyon ng mga taong tinuring kong umiintindi sa katayuan ko subalit di pala, upang makita ang realidad at ang matamis na pagtatagumpay na bunga ng aking pagsusumikap.
Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Napakita kay Simon! Ito ang unang naratnang pangungusap ng dalawang alagad galing Emaus bago nila ipahayag ang kanilang pagkakita kay Hesus noong hinati niya ang tinapay. Kahit na sila ay may diskumpiyansa, nakakapagtaka na nakita ng iilang tao ang Guro na alam naman nilang namatay sa Krus at sa pagkapahiya... na buhay! Na kapiling nila! Na binabalikan sila upang patunayan ang katuparan ng lahat ng kasulatan!
At sa sandaling ito napakita si Hesus sa piling nila. Sumainyo ang kapayapaan! Lubos na di makapaniwala ang mga alagad, na wari'y nagdududa o namamalik-mata dahil ang isang patay na ay di na mabubuhay. Subalit si Hesus, na nakasama nila sa mahabang panahon, ay hindi lamang tao... SIYA'Y DIYOS! Sa kamatayan niya sa Krus, nagapi niya ang kamatayan, at sa kanyang pagkabuhay binigyan niya tayo ng pag-asa na hindi na rin tayo mamamatay kailanman basta tayo'y nakatangan lamang sa kanya.
Nabatid ni Hesus na kailangan pa nila ng pruweba at alam niya ang pinakamadaling paraan ng pagpapatunay na siya nga ay buhay at kapiling ng kanyang mga alagad... May makakain ba diyan? Sa pagbigay nila ng inihaw na isda, kinain niya ito sa harapan nila. Dito nabuksang tuluyan ang kamalayan ng mga alagad. Hindi nga sila namamalik-mata.... BUHAY NGA SI HESUS! Ang Hesus na nakita nila noong isang malaking sugat na tinubuan ng katawan, ang Hesus na nagbata ng hirap, ang Hesus na pinako sa Krus, ang Hesus na itinakwil ng buong Israel, ang Hesus na namatay, ay narito... Buhay at kumakain ng isda!
Nabuksan ang kanilang pisikal na mata sa pagkakita sa Panginoon na buhay; at sa sandaling iyon hinayaan nila si Hesus na buksan ang kanilang mata ng diwa sa mga bagay na patungkol sa kanya, ang katuparan ng lahat ng mga isinulat sa kautusan ni Moises, sa mga aklat ng mga Propeta at mga awit tungkol sa akin (...) Kailangang magbata ng hirap at mamatay ang Anak ng Tao at muling mabuhay sa Ikatlong Araw. Ang pagsisisi at ang kapatawan ng mga kasalanan sa kanyang pangalan ay dapat ipahayag (...)!
Batid ng Panginoon na kailangan nga niyang pagdaanan ang mga bagay na ito upang maluwalhati ang Diyos at mailigtas tayong mga makasalanan. Sa kabila ng matinding hirap, siya ay nagtagumpay, at dahil dito ay malaya na tayo mula sa kamandag ng kasalanan. Sa kanyang pagtatagumpay, walang ibang makikinabang kundi tayong mga iniligtas niya sa Krus. Dinanas niya ang kamatayan, upang tayo ay mabuhay na kasama niya! Nasugatan siya ng lubha upang hilumin ang ating ketong bunga ng pagkakamali ng una nating magulang.
Nagawa na ni Hesus ang kanyang bahagi; ngayo'y pinapaalala niya sa atin, Saksi kayo sa mga bagay na ito. Ano man ang ating pinagdadaanan, mga minamahal na kasama, pinapaalala sa atin ng Panginoon na tayo ay mga saksi sa kadakilaan ng kanyang Paskwa, ng kanyang pagtawid mula sa dilim ng kamatayan tungo sa liwanag ng buhay. Saksi tayo, at tungkulin nating ikalat sa mundo ang kanyang kabutihan sa ating lahat!
Sa panahong ito ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, isang paanyaya ang umaalingawngaw, ang makita natin sa pagsubok ng buhay ang misteryo ng kamatayan at pagkabuhay ni Kristo. Sa kabila ng mga pangungutya at panunuya ng iba, tinatawagan tayong maging katulad ni Kristo na tahimik at walang imik na tinanggap ang mga masasakit na paggawad ng kanyang kapwa, sa pag-asang tayo ay magtatagumpay tulad niyang bumangon mula sa libingan sa luwalhati ng kanyang pagka-Diyos.
Huwag tayong mawawalan ng pag-asa, basta patuloy lamang tayong kumapit sa kanyang kagandahang-loob.
Hayaan nating buksan ni Hesus ang ating diwa; at ialay natin ang lahat nating kakayahan sa kanya.
At sa sandaling nakita na natin ang tagumpay sa pagsubok nating pinagdadaanan, hamon sa atin na ikalat sa mundo kung paanong ang Diyos ay maunawain at mahabagin sa katulad natin.
Nasugatan siya upang mahilom ang ating mga sugat. Nagtagumpay siya upang tayo ay mabigyan ng pag-asa. Saksi tayo sa mga bagay na ito; ikalat natin sa daigdig ang kadakilaan ng Diyos!
No comments:
Post a Comment