Pebrero 12, 2012
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lv 13,1-2.44-46 . 1Cor 10,31-11,1
Mc 1,40-45
=====
Nagmamanhid ang balat. Nagnanana. May singaw. Nagsusugat na hindi naghihilom. Kumakalat sa buong katawan.
Ito ang ketong, at sa mata ng mga Hudyo sila'y marumi at dapat layuan. Gayun din ang pananaw ng karamihan sa atin sa kanila, nakakahawa ang sakit nila kaya dapat na di-lapitan. Nakakapandiri sila, parang mga sinumpa. Iyan ang pananaw natin, aminin man o hindi.
Sa paningin ng kultura ng Judaismo, kailangang magsuot ng sirang damit ang ketongin at sumigaw araw-gabi ng 'Marumi! Marumi!' (Unang Pagbasa) Matik na iyon, sila ay lalayuan ng mga tao. Di sila pinapayagang manirahan sa piling ng mga malilinis na Judio dahil ito ay mangangahulugang magiging marumi rin ang mga taong lalapitan niya.
Sa ating panahon, sila ay dinadala sa isang hiwalay na lugar upang doon na manilbihan at paghilumin ang mga sugat. Nga lamang, di pa rin nawawala ang masamang konotasyon sa kanila. Nilalayuan, Pinandidirihan.
Ibig ko... Gumaling ka! Sa ating pagninilay sa Ebanghelyo ngayon, hindi nanlimi si Hesus na pagalingin ang isang ketongin na dumulog sa kanya. Sa oras ng pangangailangan, patuloy na pinakita ni Hesus ang habag at hindi ang pandidiri. Inibig niyang gumaling ang ketongin at siya nga'y napagaling.
Kahit na inutusan siya ni Hesus na magpasuri sa mga saserdote at sundin ang batas na umiiral, hindi nagdalawang-isip ang pinagaling na ipahayag ang ginawa sa kanya ng Panginoong Hesus na biyaya sa kanya. Hindi na nga siya nakapasok sa bayan na iyon dahil sa balita na kumalat tungkol sa kanya.
Taliwas man sa kultura, tinanggap ni Hesus ang taong Ketongin. Niyakap niya ang taong ito, binigyan ng lakas, pinagaling at binigyang muli ng bagong lugar sa lipunan. Sa unang tingin, di talaga ito ang dapat na mangyari; gayunpaman inibig ni Hesus na ipakilala ang kanyang kapangyarihan sa ganitong paraan, na ang tinatalikdan at iniiwasan ng tao ay iniibig pa rin ng Panginoon.
Nagpapatuloy ito hanggang ngayon, sa pamamagitan ng Simbahang bukas sa pangangailangan ng mahihirap at nagpapahayag ng pagkondena sa mga ketong ng lipunan - kasalanan, pananamantala ng pamahalaan, pagiging ganid ng may-kapangyarihan. Isang ketong na patuloy na humahawa sa bawat tao sa mundo, at kapag dumikit ito sa atin ay mahirap nang alisin sa ating sistema.
Mistulan na nga tayong manhid sa mga ito, sanay na daw kasi tayo. Hindi na natin kailangang sumigaw ng 'marumi, marumi!' dahil kahit ang kapwa natin ay aminadong marumi rin sa ketong na taglay niya sa kanyang sarili. Ngunit hindi nga ito ang dapat mangyari, at patuloy tayong ginigising ng Inang Simbahan sa mga karumihang ito sa lipunan. Tinatawag nga tayo nito at idinudulog sa Panginoong Hesus upang pagalingin ang di gumagaling-galing na ketong ng ating kabihasnan.
Dumarating si Hesus. Taglay natin ang ating sariling mga ketong bilang mga indibidwal at bilang isang bansa. Paano natin binubuksan ang ating sarili sa kanya? Iniibig rin ba nating gumaling tayo?
Ngayong araw ng pamamahinga, buksan nga natin ang ating kamalayan sa ketong ng lipunan na ating kinabubuhayan. Ilapit natin ang ating sarili sa Panginoong Hesus na nagpapagaling sa ating mga nagnanaknak na sugat. Hindi nga ba masarap ang mapagaling mula sa dating kamalayan patungo sa Kristiyanong pananaw sa buhay!
ANG ATING MISYON: Wag tayong magpakamanhid sa pangangailangan ng ating kapwa. Ketongin man sa katawan o kaluluwa, buksan natin ang ating puso at tanggapin sila, tulad ng pagtanggap ng Panginoon sa ketongin sa Ebanghelyo.
No comments:
Post a Comment