October 09, 2011
Twenty-eigth Sunday in Ordinary Time
Is 25,6-10 . Phil 4,12-20
Mt 22,1-14
===
Umiikot ang ating Ebanghelyo ngayon sa piging ng isang hari na inindyan ng kanyang mga sana'y bisita. Sa iba't-ibang mga dahilan, di nakapunta ang lahat ng mga inanyayahan sa engrandeng reception ng kasal ng kanyang anak. Dahil dito'y sinugo niya ang kanyang mga lingkod sa mga lansangan at tinawag ang lahat ng naroon upang pumunta sa hapag. Sa sobrang dami ay napuno ang bulwagan.
Sa pagtanggi ng iba, tayo ay tinatawag! Patas lang ang pagtawag ng Diyos sa bawat isa sa atin. Santo man tayo o makasalanan, iniimbitahan pa rin tayo ng Panginoon upang makisalo sa kanyang kaluwalhatian, sa isang buhay na kabahagi niya sa lahat ng bagay. Araw-araw, sa bawat sandali ng buhay, ay mistulang isang paanyaya na isabuhay ang kabanalang dala ng ating pananampalataya. At sa bawat kabutihang ating nagagawa sa iba, lalo na kung bukal sa puso, tiyak ngang ating natutupad ang kalooban ng Diyos.
Mas nararamdaman natin ito sa Banal na Eukaristiya kung saan lahat tayo, mahirap man o mayaman, ay nakikibahagi sa iisang Katawan at Dugo ni Hesus. No limitations, basta lahat tayo ay invited. Gayunpaman, naging bahagi na ng buhay natin ang pagsabi ng, "Naku, marami akong ginagawa. Wala akong oras para magsimba. Tutal, wala naman sa pagsimba iyan eh, nasa puso!" Kung nakikita lamang natin ang epekto at hiwaga ng dakilang sakramento para sa ating buhay, di na tayo magdadalawang-isip pa na dumalo. Sabi nga, hindi natin tinatanggihan ang taong nag-iimbita, ang Diyos na mismo ang ating tinatalikdan sa sandaling di tayo tumugon sa kanyang panawagang sambahin siya sa Sakramento!
Subalit sa ating pagtugon, dapat ay maayos rin tayo. Walang pumunta ng isang party na nakabihis na kahit disente lang. Gayun din, walang dumadalo sa Misa na wala sa estado ng biyaya, at walang nabuhay na banal na nananatili sa kasalanan. Kasuklam-suklam ito sa paningin ng Diyos. Mahirap mang tanggapin, ay isa nang katotohanan na karamihan sa atin ay di na tumatanggap ng kapatawaran sa kumpisal, at binabalewala na lang ang Diyos, lalo na sa araw-araw na pamumuhay. At sa karamihang ito, ay iisa lang ang parusa: ang pagtapon sa kanila sa kadiliman sa labas, sa Impiyerno, kung saan nagkakasama-sama ang lahat ng tumalikod sa kanyang panawagan at binalewala siya sa lahat ng paraang posible. Doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin.
Sa huli ay sinabi ni Hesus, Maraming tinawag, ngunit kaunti lamang ang pinili. Oo, patas ang Diyos sa kanyang pagtawag sa atin sa isang buhay na ganap, ngunit sa huli, ang mga nanatiling tapat lamang ang makakakamit ng pagtatagumpay: ang buhay na walang hanggan. Sa kanilang mga mapapalad, inihahandog ng Diyos ang buhay na higit sa kasiyahan, kundi isang buhay ng kaluwalhatian.
Maitatanong natin, Sa pagtugon ko sa panawagan ng Diyos, binibigay ko ba ang aking lahat upang maging marapat na piliin niya? Hindi biro ang panawagan ng Diyos, ito ay nangangailangan ng isang tunay na pagtugon sa isang buhay ng pananalangin at purong kawanggawa.
Ang Diyos ay patuloy na tumatawag sa bawat isa sa atin upang isabuhay ang kanyang mga Salita at maging tunay na Alter Christus sa mundong ito. Magaganap natin ito, basta tapat tayong tutugon sa kanyang panawagan. Ayusin ang ating buhay, at ialay ito sa tapat na paglilingkod at pagmamahal sa kanya. Tinawag tayo, ipanalangin nating mapabilang tayo sa mga pinili!
Nuestra Señora de Santisimo Rosario de La Naval de Manila, Ruega por Nosotros! |
No comments:
Post a Comment