October 02, 2011
Twenty-seventh Sunday in Ordinary Time
Is 5,1-7 . Phil 4,6-9
Mt 21,33-43
===
Piktyurin natin: Isang ubasan. Ipinagkatiwala sa mga trabahador. Sige, kayo muna ang mag-ingat sa ubasan. Pagyamanin ito, patubuin ang mga tanim na ubas.
Sa halip na tuparin ang atas ng may-ari, mas ninais pa ng mga trabahador na unahin ang kanilang interes. Ayan ah. Pag may dumating na representative ni tanda, reresbakan natin hanggang sa mamatay!
Kahit sa puntong isugo na ng may-ari ang kanyang nag-iisang anak na lalaki. Pakikinggan nila siya, sapagkat siya'y anak ko.
Ngunit iba ang nasa isip ng mga tulisan. Ayun oh! Yung panganay ni tanda! Sige, todasin na natin para mapunta sa atin ang mana.
===
Kung tutuusin, malinaw ang mga katauhang ipinapakilala sa talinhaga ngayon: ang Diyos Ama ang may-ari ng ubasan. Si Hesus ang panganay na anak. At ang mga trabahador? Sino pa ba kung di ang mga hudyo na siyang nagpapatay sa kanya. Hindi nila kinilala ang pagdating ni Hesus bilang kanilang Mesias, hanggang sa puntong pinatay nila ito. Sa kanila sinabi ni Hesus, Kukunin na sa inyo ang Kaharian ng Diyos at ibibigay sa mga taong tapat na maglilingkod sa kanya.
Ngunit, tignan rin natin ng malaliman ang mga salita sa ating Ebanghelyo. Sa bawat isa sa atin, may pinagkakatiwala ang Panginoon na mga talento, kayamanan at oras upang ating pagyamanin at ibahagi sa iba. Sabi nga sa Ingles, ito ay Stewardship. Binigay sa atin ng Diyos ang lahat ng bagay upang ating gamitin para sa nararapat, para sa kanyang kaluwalhatian. Hindi ito upang itaas lang ang ating mga sarili.
Pinagkatiwala lang naman sa atin ang lahat... so bakit di natin gamitin at ibahagi ng dapat!?! Bilang isang pasasalamat sa lahat ng ipinagkaloob sa atin ng Panginoon, bakit di nga gamitin ang mga regalong siya mismo ang nagkaloob sa atin? Huwag natin itong wawasakin, ni ipagwawalang-bahala, sapagkat Diyos na rin mismo ang magbabalik sa atin ng pagganti.
Ating pakaisipin na ginagawa natin ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng Panginoon, at para sa lalong ikaluluwalhati ng kanyang Pangalan. Kung magkagayon, matatalos nating nasa tama tayong gawi, at ginaganap natin ang nararapat na bagay: ang pakaingatan at gamitin ang biyaya sa wasto at nararapat at di sa kayabangan.
Tanungin natin ang ating sarili: Binigyan ako ng Panginoon ng sariling ubasan: mga talento at biyaya na sa kanya nagmula. Paano ko ito ginagamit at ibinabahagi sa iba?
Sabi nga ng pari sa isang misang aking dinaluhan: When you get the water, don't forget the fountain. Sa lahat ng bagay na ating ikinikilos at salitang ating binibigkas, sa paggamit natin sa ating mga talento at kayamanan, wag nating kakalimutan na itong lahat ay buhat sa Diyos, at tungkulin nating pagyamanin ang lahat ng ito. Tayo rin ang makikinabang sa wakas: Ibibigay ang Kaharian ng Diyos sa mga taong tapat na maglilingkod sa kanya!
No comments:
Post a Comment