October 30, 2011
Thirty-first Sunday in Ordinary Time
Ml 1,14-2,10 . 1Thes 2,7-13
Mt 23,1-2
===
Gulat ka sa title ng reflection ngayon, no?
Nakakagulat nga, tulad ng mga salita ni Hesus ngayon. Huwag kayong magpapatawag na guro... ama... tagapagturo! Ano nga ba ang realidad sa likod ng mga salitang ito?
===+===
Sinabi ni Hesus, Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa sapagkat hindi nila tinutupad ang kanilang ipinapangaral.
Kilala natin ang mga Pariseo na bihasa sa kasulatan. Pinag-aralan nila ito. Nakatatak sa kanilang buong katauhan, pisikal man o sa espiritu, ang pagmamahal nila sa kautusan na ipinagkatiwala ng Diyos kay Moises. Ang araw-araw nilang buhay ay isang buhay na pagtalima sa kautusan. Kautusan na, sa kanilang pananaw, ay magdadala sa kanila ng karumihan kapag di nasunod.
Itinuturo nila ito, kaya nga siguro nagiging tanyag sila sa pagiging batikan sa kautusan. Dahil tanyag sila, mas nais nila iyung mga upuang para sa mga panauhin imbes na maupo sa gilid kasama ng mga karaniwang tao. Kapag nasa kalsada, sila, ay nakakatanggap ng kaliwa't-kanang pagpupuri at pagbubunyi, na siya namang gustong-gusto nila. Ayaw nilang madudumihan ang kanilang damit. Ayaw nilang naghihintay ng matagal. Ayaw nilang nagpapasan ng mabigat. At higit sa lahat, ayaw nilang hindi pinapakilala at pinapalakpakan.
Subalit kapag may nasisita sila sa taumbayan na labag sa kautusan, todo-pag-uusig ang kanilang ginagawa. Minsan pa nga, itinatakwil nila sa relihiyon ang mga taong ito. Mahal nila ang kautusan, subalit hindi nila natatalos na nagiging adik na sila rito na kapag may nakita silang mali sa iba ay walanng humpay na pasabog ang kanilang ginagawa hanggang sa mawala ang taong ito sa landas nila. Maghahanap pa ba tayo ng ibang halimbawa? Isa na yata sa pinaka-klasikong example ng karahasan ng mga pariseo ay ang mismong nangyari kay Hesus, na sila rin mismoang naghanap ng paraan upang ipapatay dahil labag ang kanyang mga ginagawa sa kanilang mga 'standard.'
Meron pa nga ba'ng pariseo ngayon? Aba, siyempre! Sila ay iyung mga tao na pa-importante. Sila ay iyung mga tao na hindi mahalaga ang kapakanan ng iba, basta magawa lang nila ang gusto nila. Sila ay iyung mga tao na basta may pera ka ay kilala ka, subalit kung naghihirap ka ay biglang nagdi-disappear. Sila iyung mga tao na, kahit na di naman importante sa isang pagdiriwang, ay ayaw na hindi tatawagin ang kanilang pangalan, na para bang may malaki silang naiambag sa kumpanya o sa isang programa. At higit sa lahat, sila iyung mga tao na akala mo'y mabait at nagpapahayag pa nga ng Salita ng Diyos, subalit sa likod ng lahat ng ito ay pawang masasamanng hangarin ang nasa kanilang isipan.
May tawag sa kanila: Hipokrito. Mapagpaimbabaw. Plastik.
===+===
Sinabi ni Hesus, Huwag kayong magpapatawag na guro... ama... tagapagturo! Iisa lamang ang inyong guro. Iisa lamang ang inyong Ama. Iisa lamang ang tagapagturo. Lahat kayo ay pawang magkakapatid!
Matatanong natin, Eh iyun naman pala! Bakit Father ang tawag natin sa pari? Bakit Santo Papa ang tawag natin sa Santo Papa? Di ba, sabi ni Hesus, bawal iyun?
Ano nga ba ang pakahulugan ni Hesus?
Natural sa ating mundo ang may 'say' sa lipunan. Marami nga tayong tawag sa kanila, Dr. ganito, Atty. ganyan, Engr. ganire, at marami pang iba. Walang masama sa pagtawag sa kanila ng ganitong nga taguri. Ang kahulugan nito, bihasa sila sa ganitong field. Sila ang lalapitan natin sa oras ng pangangailangan. Kung wala sila, ay walang pag-unlad sa buhay at pag-iral ng tao sa mundo.
Ganoon din sa Simbahan. Tinatawag nating Rev. Fr. ganito, Bishop ganyan, at Pope ganire ang mga taong may awtoridad sa ating Banal na Iglesiya. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay higit na sila sa Diyos, o kay Kristo. Ibig sabihin nito ay ang kanilang posisyon at pag-iral sa komunidad. Sila nga ang mga binigyan ng Panginoon ng tungkuling mangalaga sa Simbahan, kaya ganito ang ating paggalang sa kanila.
Subalit sa mata ng Diyos, lahat tayo ay pantay-pantay. Walang masama kung tatawagin tayo ng anumang bansag, basta hindi lumalaki ang ating ulo at iniisip natin ang kapakanan ng iba higit sa ating sarili, at nakikita natin ang biyaya ng Diyos sa harap ng ating mga pinagsumikapan. Tandaan mo: Sa Diyos nagmula ang lahat ng biyayang angkin mo ngayonn, at anuman ang tawag sa iyo sa mundong ito, gaano man kalayo ang narating mo, sa kamatayan, wala ka pa ring dadalhin kundi ang iyong katauhan sa harapan ng Ama.
So, maitatanong ulit natin, ano ang ibig sabihin ni Hesus sa mga sinabi niya?
Isa lang. Huwag kang magpapatawag ng anumang bansag kung hindi ka marunong magpakumbaba. Huwag kang magpatawag ng iba't-ibang pangalan kung hindi mo mapapangatawanan ang pagiging isang Kristiyano sa harap ng iyong propesyon, matutulad ka sa mga pariseo na mahalaga ang palakpak at katanyagan kesa sa kababaang-loob. Mas maganda pang walang narating at nanatiling mababa ang kalooban kaysa sa narating na ang mga bituin na hindi na nakikita ang Kalooban ng Panginoon.
Gulat ka, no? Ngayon tanungin natin ang ating sarili, Nakikita ko pa ba ang kalooban ng Diyos sa harap ng aking mga narating sa buhay? Nakakayanan ko pa bang maging mababang-loob sa harap ng mga pangalan at bansag na nakadikit sa akin?
Marami tayong dapat ipanalangin ngayon, lalo na't malapit na ang Undas. Subalit huwag rin naman nating kakalimutan iyung mga pumanaw nating kapatid na hindi nakapag-balik-loob at pumanaw na may kayabangan pa ring taglay sa kanilang katauhan. Nawa, ay kaawaan sila ng Panginoon. Sa ganang atin, pagsumakitan nawa nating makita pa rin ang Biyaya at awa ng Diyos sa harap ng katanyagan na nakadikit sa ating pangalan. Nanggaling sa Diyos ang lahat, at sa Diyos tayo magsusulit sa bandang huli.
Naparito.
ReplyDeleteAng dami kong natutunan. Ang sayang isipin na kahit ano pa man ang estado mo sa lipunan pag dating sa mata ng Diyos lahat tayo ay pantay pantay.
Nakakalungkot lang sa maraming pagkakataon na tila bagang mas inuuna pa ng karamihan na mag karoon ng isang tanyag na pagkakakilanlan kesa mag karoon ng magandang kalooban.
Madami na akong nakita at nakilalang mga indibidual na mistulang mga Hipokrito at masakit man isipin ako man mismo ay nagiging biktima nito sapagkat ako ay tao lamang. Pero lubos ko naman itong pinagsisisihan sapagkat alam ko na wala naman magandang maidudulot iyan kundi kasamaan.
Isang mapagpalang gabi!