Saturday, February 12, 2011

PERFECT!!!

February 20, 2011
Seventh Sunday in Ordinary Time
Lv 19,1-2.17-18 . 1Cor 3,16-23
Mt 5,38-48
==========

PERFECT!!!

Isa na ito sa mga nauusong side comment o punchline ng mga komedyante, kahit ng mga ordinaryong tao. As the word implies, ginagamit ito kapag nagugustuhan ng isang tao ang nakikita niya, naririnig o napapansin. Pangantyaw rin ito, kapag hindi nagustuhan ng isang tao ang mga narinig niya mula sa kausap niya. "Pambasag," baga?

Nakakita ka na rin siguro ng taong perfectionist. Yung lahat ng nakikita ay pangit, maliban sa mga bagay na maganda sa paningin niya? Wow! Sila ang isa sa mga dahilan kung bakit may mga nasisibak na office staff, mga kinakawawang pulubi, tsaka napupuring mga mayayabang.

Nasanay na rin tayong makarinig ng ganitong mga pangungusap...
> Tao lang ako, hindi perpekto!
> Practice makes perfect, but nobody's perfect, so why practice?
at iba pang katulad niyan. Sa totoo lang, iba talaga ang pananaw ng tao sa salitang perpekto, parang napakalayong mangyari. Dahil nagkakamali tayo, at nagkakasala, talagang mahirap na maging perpekto ang mga taong tulad natin.

Alam ni Hesus ito, at mula sa bundok (pagpapatuloy ito ng Sermon sa Bundok), ay nagbibigay siya ng matinding hamon para sa atin... maging perpekto. Maging perpekto, tulad ng Ama sa Langit.

Ha? Ano? Maging perpekto! PERFECT!!!

Oo nga naman. Mahirap na ngang maging perpekto sa mga panahong ito na kahit na ang technology ay nakikialam na rin sa mga gawain ng pangkaraniwang tao. Talamak na nga ang kasalanan sa bawat sulok. Lahat, halos wala na sinusundan. Lahat, pawang negatibo na ang nakikita sa mundo. Lahat, biktima na ng kahinaan nila.

Pero si Hesus ay nagbibigay ng pamantayan upang malaman kung ang isang tao ay tunay na pagiging perpekto. Dalawa ang pinapakita niya sa Linggong ito...

Wag Gaganti. Kapag nagkasala sa iyo ang isang tao, tanggapin mo lang. Kapag sinaktan ka, tiisin mo lang. Mas maganda pa nga niyan, kapag sinampal ka sa kanan, ibigay mo ang kaliwa. Gawin ang naisin ng kapwa mo, kahit makakasama ito sa iyo, at wag kang gaganti.

Mahalin ang Kaaway. Huwag kang gaganti tulad ng mga riot sa kalye. Huwag mo nang naising patayin o pagtsismisan yung taong iyun. Kapag nagkasalubong kayo, ngitian mo ng ngiting-tao. At ang maganda pa niyan, ipanalangin mo siya.

Masaya, no? Kung ilalagay natin iyan sa modernong pananalita, pwede nating sabihing lunukin ang pride. Wag nang umepal kung ginagawan ka ng masama. Tanggap lang ng tanggap. Tiis lang ng tiis. Magmahal ng walang kapalit, kahit na anuman ang mangyari.

Sa unang tingin, masasabi talaga nating hindi natin ito kaya, ngunit tignan natin ang dalawang realidad na ito...

Dito masusukat ng Diyos kung hanggang saan tayo magiging tapat na anak niya. Hindi niya nanaising mapahamak tayo, ngunit kailangan natin itong gawin kung gusto natin talagang sundin ang mga kautusan niya. Walang saysay ang pagmamahal sa Diyos kung hindi mo mamahalin ang iyong sarili. Higit sa lahat, alam nating sa kabila ng lahat ng pagtitiis, ay gagantihan tayo ng Panginoon ng biyaya sa Langit.

Sa totoo lang, may isa nang nakagawa niyan, walang iba kundi ang mismong nagturo nito sa atin... si Hesus. Sa kanyang kamatayan sa Krus, ipinakita niya ang perpektong halimbawa ng pagiging Anak ng Diyos. Hindi niya inisip ang mga pahirap ng kanyang mga pinaglingkuran noon, ni hinangad ang makaganti sa kanila. Tinanggap niya ang lahat, upang tayo ay maligtas. Ito ang kanyang halimbawa sa atin, upang tayo man, sa pagsunod dito, ay maging karapat-dapat at perpektong anak ng ating Panginoong Ama sa Langit.

Kaya kung may makita tayong isang taong nagtitiis ng hirap at tinatanggap ito alang-alang sa kanyang kaligtasan, puwede nating isigaw...

PERFECT!!!

No comments:

Post a Comment