February 13, 2011
Sixth Sunday in Ordinary Time
Sir 15, 15-20 . 1Cor 2,6-10
Mt 5:17-37
==========
Lagi kong iniisip yung mga kasambahay natin, sila ang laging sunod ng sunod sa utos ng kanilang mga amo. Iniiwanan ang mga anak, pamilya upang paglimgkuran ang mga taong hindi nila kilala. Madalas, minamaltrato pa sila kapag hindi nasusunod yung gustong mangyari ng kanilang amuhin.
Yung mga anak na merong nanay o tatay na di pa tapos gawin ang unang inutos ay meron pang isa, at isa pa at isa pa... hanggang sa malunod ka na sa sandamakmak na kautusan ng magulang mo na ang ginawa mo na lang ay mag-walk-out at pumunta sa ibang lugar.
Ang hirap ng panay utos, no?
Wala pa yan sa mga Hudyo!?! Kilala natin sila na masunurin sa kautusan ni Moises. Punto por punto, sinusunod nila ang bawat isa sa mga ito. Sa sobrang dami ng utos nila, ang iba ay di-sinasadyang nalilimutan, napagwawalang-bahala, at mas masaklap pa, naaabuso.
Sa pagsisimula ng pangangaral ni Hesus, inisip ng mga tao na bubuwagin na niya ang mga daan-daang utos na pinatutupad sa kanila. Ngunit nilinaw ni Hesus, Hindi ako naparito upang ipawalang-bisa ang kasulatan...naparito ako...upang tuparin ito.
Yes, even Jesus is following the law! But unlike us who follow the law by the letter, He follows it with utmost love. He is not following it just to be noticed; rather, he follows it for him to be really worthy of being a leader, a Master, to his disciples.
Maraming puntong tinuturo si Hesus ngayon sa atin. Ito ay nagbibigay-diin sa pangangalunya, pagkagalit sa kapwa, at ang panunumpa. Kung iisa-isahin natin ito, naku't mas mahaba pa ito sa magiging rendition natin sa Biyernes Santo! At take note, may Part Two pa next week! Masaya nga, eh! Bakit? Dahil kapag tumingin tayo sa mundong ating ginagalawan ngayon, parang walang binitiwan si Hesus namga salita. Parang wala silang gabay sa kanilang buhay-kabanalan, kung meron man sila nito. Kabaliktaran, no?
Hamon ito para sa atin ngayong linggong darating. Hindi masama ang maraming kautusan, dahil ito man ay nanggaling din sa Diyos. Si Hesus man ay ginagalang ito, ngunit binigyan niya ito ng makabago at nararapat na pagdiin. At ibinigay niya ito sa atin para maging gabay natin sa buhay-pananampalataya.
Kaya, kapag narinig natin ang Gospel bukas, huwag nating isiping mahaba ito at pampalipas-oras lang. Sundin natin ang mga bilin ni Hesus. Huwag na nating naising mangalunya. Huwag na nating pairalin ang galit sa kapwa. Oo kung oo, at hindi kung hindi. At ating masisiguro na ang ating buhay ay hindi nakasandig lang sa panay utos! Dahil alam nating tayo ay gumagawa dahil sa pag-ibig. Wala nang iba pa.
Sa huli, ito lang ang masasabi ni Hesus... Maglalaho ang langit at lupa, ngunit ang kautusan at hindi mawawalan ng bisa, ni tuldok o gitling, hangga't hindi natutupad ang bawat nakasaad dito.