Sunday, May 27, 2012

Make a change!

Mayo 27, 2012
DAKILANG KAPISTAHAN NG PENTECOSTES
Ang Pagtatapos ng Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay
Gw 2,1-11 . 1Cor 12:3b-7, 12-13
Jn 20,19-23
===




Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.

Make a change! Madalas na nating naririnig ang mga katagang ito sa mga TVC, mga nababasa sa draryo, mga naririnig sa radyo, at sa kung saan-saan pa. Tayo ay hinahamon na palitan na ang lumang nakasanayan, at ihalili dito ang mga bagong pananaw. Kapag daw tayo ay nagpalit ng ganito o lumipat sa ganyan, siguradong gaganda daw ang pamumuhay.

Ehem.

Matapos ang metikulosong pag-iisip, nagdesisyon tayong magbago. Pinili nating talikdan ang dating ginagamit na shampoo, juice, sabon, atbp. para sa isang bagong brand. Makikita nating kontento tayo dito, at lalo nating tatangkilikin ang produkto. 

Ehem.

Matapos ang malalim na pagninilay, nagdesisyon tayong humalal ng bagong at sariwang mga mukha sa eleksyon. Naisip natin na kung ang mga lumang politiko na naman ang iboboto, perwisyo na naman ang hatid natin sa ating bayan, kaya mga bagong mukha naman sa pag-asang mas masigasig silang maglingkod sa bayan. Menos na rin ang kurakot sa ating gobyerno.

Ehem.

Madalas tayong namimili sa mga bagay-bagay, at umaasa tayong sa mga bago at sariwa, mas magkakaroon tayo ng kaginhawaan. Habang ang iba ay nananatili sa lumang nakasanayan dahil dito sila mas kumportable, ang iba ay mas ninanais na subukan kung ano ang maibibigay ng isang bagay na bago sa paningin. Baka mas epektibo, baka mas matatag, baka mas tapat sa akin. Iniisip natin ang mga posibilidad.

At madalas nga, di tayo nagkakamali sa ating mga pinipili. Nakikita nating mas hiyang tayo sa bagong sabon o shampoo. Napapansin nating mas tapat si bagong konsehal kesa kay lumang Mayor.   Nakikita natin, higit, na tayo ay nagkakaroon ng mas pakinabang sa mga panibagong bagay na ating nagagamit o mga bagong tao sa pamunuan na ating nakikilala. Tuloy, nagkakaroon tayo ng tiwala sa bagong-tuklas na bagay o tao na nakakainigan natin sa lipunan.

Subalit hindi lahat ng bagay na bago sa paningin ay maganda ang hatid. Tayong mga Katoliko, halimbawa, ay pinipiling sumanib sa mga 'bagong' grupo na makakapaghatid sa atin, diumano, sa kaligtasan. Hindi natin nakikita ang panlolokong hatid nila at pagkapahamak sa ating kaluluwa, bagkus nakikita natin ang ganda nilang panlabas, at ang engganyo nilang sumali tayo sa kanilang 'mas' buhay na mga pagtitipon. Mas nakikita natin, minsan, ang panlabas na anyo, at hindi nakikita ang kawalan na nasa loob.

===

Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo! 

Bumaba ang Banal na Diwa sa mga Alagad sa mistikong tanghali ng Pentekostes, at dito nagsimula ang lahat. Pinangako ni Hesus na sila ay makakatanggap ng higit na kapangyarihang makapagsaksi sa pagpanaog ng Espiritu, at ito'y nagkagayon nga. Ito ang simula ng pagyabong ng isang Simbahan na sumasaksi sa kaligtasang dulot ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus.

Pwede namang hindi nila ayunan ito, balewalain o takasan, tulad ng ginawa noon ni Tomas. Pwede naman nilang piliin na bumalik sa dating pamumuhay, tulad ng nakasanayan nila. Subalit pinili nilang tahakin ang bagong landas na dumarating para sa kanila. Pinili nila ang sa tingin nila'y magdadala sa kanila sa bago - at ganap - na pananaw sa buhay; pinili nila ang ikaliligtas nila. Pinili nila ang isang bagay na, bago man sa pandinig, ay alam nilang maganda para sa kanilang mga kaluluwa.

At hindi nga sila nagkamali. Sa pagsaksi ng buong sangkatauhan (Unang Pagbasa), pumanaog ang Banal na Espiritu sa kanilang lahat, at nagsimulang magpahayag sa iba't-ibang wika. Kahit na ito'y magdadala ng mas mabilis na kamatayan para sa ilan sa kanila, hindi sila natakot dahil ito ay mula sa isang Diyos na pinagkakatiwalaan.

===

Bagong buhay ang hatid ng Espiritu Santo sa mga tumanggap sa kanya. Sa ating pag-anib sa binyag at pag-ayon sa misyon ni Kristo sa Kumpil, iniaalis natin sa ating sarili ang dating pagkatao, at tinatanggap sa ating sarili ang isang panibagong pagkatao.

Bagong pagkatao! Hindi ito ang isang buhay na may super powers, tulad ng mga Avengers, o ng ibang superheroes, bagkus, ito ay ang buhay na, mahirap man, ay nalalaman nating lagi nating kasama ang Panginoon sa bawat sandali. Isa itong pagkatao na tinatanggap ang hirap, at binabago ito upang maging isang tanda ng kaligtasan - ng Krus - sa mundong umuusig.

Bagong pagkatao! Iba ito sa tinatanggap na pamantayan ng mundo, na umaayon sa kanyang mga kapritso at layaw. Ito ay isang pagkatao na nagmamahal sa mga Salita ng Diyos at isinasabuhay ito. Sa kanya nababanaagan ang mga bunga ng Espiritu, at hindi siya natatakot na maging saksi ng Mabuting Balita, hanggang sa sandaling ibigay niya ang buhay niya para rito.

Make a change! Tayo ay hinahamon sa dakilang kapistahan ng Pentekostes na tumayo at lumayo mula sa dating pagkatao - pagkataong may kasalanan, bisyo at pagkamakasarili. Panahon na nga na ating papasukin sa ating sarili ang Banal na Espiritu, at ibihis sa ating mga sarili ang bagong pagkatao na biyaya niya sa atin.

Kung ang mga alagad ay hindi nagsisi sa kanilang pagbabagong pinili, paano pa tayo?! Huwag nga nating sayangin ang pagkakataon na tanggapin ang Espiritu ng Panginoon sa ating buhay! Tanggapin nga natin siya, at hayaang baguhin niya ang ating luma at sira-sirang pagkatao. Ipaubaya natin sa matimyas na Espiritung ito ang ating mga kahinaan. At sa kanyang pagbago sa ating mga buhay, Ipakita natin sa mundong balot sa dilim na tayong mga nanibago ang pagkatao ay kayang baguhin ang katayuan nito. 

Make a change! Tanggapin natin ang Banal na Espiritu! Ngayon na!




VENI SANCTE SPIRITUS!

No comments:

Post a Comment