Sunday, May 20, 2012

Ang Pamana ni Hesus

Mayo 20, 2012
DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AKYAT NI HESUS SA LANGIT
World Communications Sunday
Gw 1,1-11 . Efe 1,17-23
Mc 16-15-20
===


At umakyat na nga si Hesus sa Langit, at lumuklok sa kanan ng Diyos.

Sa araw na ito, inaalala ng buong Simbahan ang pagtatapos ng misyon ni Hesus sa lupa. Umakyat na nga siya pabalik sa kalangitan at bumalik na sa piling ng kanyang Ama. Malungkot na sandali ito para sa mga alagad, dahil sigurado nang di na nila makakapiling si Hesus. 

Subalit hindi sila iniwan ni Hesus na walang pamana. Tulad ng mga magulang natin na nag-iiwan ng Last Will and Testament sa oras ng kanilang pagpanaw, nagkaloob rin ang Panginoon ng kanyang 'pamana:' mga tanda na magpapaalala ng kanyang pananatili sa piling ng mga Alagad, mga tanda na nananatili hanggang sa ngayon.


Ang mga sumasampalataya ay bibigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala: sa pangalan ko'y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng iba't ibang wika. Hindi sila maaano kahit dumampot sila ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na papatungan nila ng kamay.

Sa pamanang ito ni Hesus pinapakita niya na patuloy siyang kapiling ng mga taong sumasampalataya sa kanya. Hindi niya sila iniwanang ulila, at hindi ito mangyayari kailanman. Paano nga iiwan ni Hesus ang mga nananalig sa kanya, kung tanging sa kanya lang nakasandig ang pag-asa nila?

Ang pamana ni Hesus ay patuloy niyang pinagkakaloob hanggang sa panahong ito. Hanggang sa wakas ng panahon, nangangako si Hesus na mananatili siya sa piling natin. Sa sandaling dumulog tayo sa kanya para sa ating pangangailangan, nakatitiyak tayo na pinakikingan niya ang mga daing natin, at kung naaayon sa kanyang kalooban ay kanyang ipagkakaloob.

Patuloy tayong sinasamahan ni Hesus sa ating misyon sa daigdig. Mula sa mga simpleng pakikipag-usap tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos sa piling ng ating pamilya, hanggang sa pagtahak sa matatarik na mga bundok upang ipakilala si Hesus sa mga taong hindi pa siya nakakaniigan, sinasamahan nga niya tayo at pinagkakalooban ng kakaibang lakas at tatag ng loob upang mapagtagumpayan ang banal na adhikain.

Ito ang pamana ni Hesus. Sa kanyang pag-akyat sa kalangitan, hindi niya tayo iiwanang nag-iisa, patuloy natin siyang kapiling. Nananatili siya sa atin hangga't may pananampalataya tayo sa kanya, pinatatatag niya tayo basta tayo'y di tumitigil sa pag-asa, pinalalakas niya tayo sa pag-ibig basta nananatili tayo sa kanyang pagmamahal.

Umakyat si Hesus sa langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. Mula dito, sinisiyasat niya ang bawat nating gawi. Hamon sa atin ngayong dakilang kapistahan na patuloy na mabuhay sa kanyang pananatili. Tinatawag nga niya tayo sa araw na ito, na patuloy na lumakad sa kanyang landas, nang sa gayon ay maramdaman natin at makita natin sa kanyang buhay ang kanyang pamana.

PAGNILAYAN:
> Pinahahalagahan ko ba ang pamana ng Panginoong Hesus sa aking buhay?

No comments:

Post a Comment