Mayo 13, 2012
Ikaanim na Linggo ng Muling Pagkabuhay
Gw 10,25-26.34-35.44-48 . 1Jn 4,7-10
Jn 15,9-17
===
Magmahal. Isa sa mga salitang pinoy na madaling sabihin, subalit malimit na naa-abuso, binabalewala at nabibigyan ng ibang pakahulugan. Sabi nga nila, hindi daw marunong magmahal ang modernong pinoy. Ang dating kundiman, napalitan na ng rap; ang dating harana, napalitan na ng text; ang dating 'sinisinta kita, o irog,' napalitan na ng 'i luV u... <3,' at higit sa lahat, kung noon ay magmahal hanggang huli, ngayon ay magmahal na lang hangga't may pera. Ang saklap.
Nagbago na nga ang panahon, at kasabay nito ay nagbago na ang pananaw ng tao pagdating sa pagmamahal. Subalit sa araw na ito na iniaalay natin sa mga Ina, dumarating muli si Hesus na nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng pagmamahal, lalo na sa mga taong madalas na umaabuso rito.
Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo:
magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo.
Mula pa sa simula, ipinakita ng Panginoon ang kanyang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng kanyang pagkatawang-tao, pakikimuhay sa ating piling, pagpapahayag ng Magandang Balita, pagpapagaling, at iba pa. Diyos siya, subalit di niya ito pinansin at bagkus ay ibinigay niya ang lahat na meron siya - kahit ang kanyang buhay - upang tayo ay maligtas at manumbalik sa piling ng Diyos na ating Ama. Ang pag-ibig ni Hesus ay ang pag-ibig na hanggang kamatayan, at ito ay lalong nabigyan ng luwalhati sa kanyang Muling Pagkabuhay.
Madalas nating natatanong kapag naririnig natin ang pagbasang ito, Ano'ng epek? Namatay si Hesus sa Krus; ibang klase ang pagmamahal niya at di natin kaya yun. Oo, willing tayong magmahal, oo, handa tayong ibigay ang anuman, subalit hindi natin kayang ibigay ang mismo nating buhay para sa ating minamahal. Parang eksena na nga lang sa pelikula na hindi pwedeng mangyari sa realidad. Ito ang pag-ibig ng tao ngayon, nakabase sa mga materyal na pananaw na nakakalimutan - o tinatalikdan - ang tunay na esensya ng pag-ibig, ang pag-aalay ng buhay.
Wala nang makahihigit pa sa pag-aalay ng buhay
ng isang tao para sa kanyang mga kaibigan.
Kaibigan ko nga kayo kung tinutupad ninyo ang aking utos.
Bigat ng mga sinabi ng Panginoon, no? Subalit ito ang sukatan para makita kung tapat ba tayo sa kanya. Ito ang pinakita ng mga Martir sa kanilang dakilang paghahain ng buhay para sa Mabuting Balita; ito ang isinabuhay ng mga Santo na kahit na di sila namatay na tulad ng mga Martir ay bukas-palad nilang inialay ang buhay sa paglingap sa mga kapatid nating nabibigatan at nahihirapan. Samakatuwid, hindi natin talaga kailangang mamatay upang matupad ang utos ng Panginoon; kahit na ang pagtupad sa ating mga tungkulin para sa pangangailangan ng iba ay sapat na upang maipakita nating tapat tayo sa kanya. Kung tayo ay tumutupad sa utos ng Panginoon, handa tayong ibigay ang anumang meron tayo para sa kanilang kapakanan - kahit na ang mismo nating buhay.
Tayo ngayon ay bumabaling sa mga Ina. Marami tayong tawag sa kanila, at alam natin ang istilo ng kanilang pamumuhay. Madalas nila tayong pinagagalitan, inookray, pinag-iinitan. Madalas, tayo pa ang nagagalit sa kanila, nagagawa pa nating mag-rebelde. Ngunit nakita na ba natin ang mga paghihirap nila para sa atin?
Kung may halimbawa ng pagmamahal na wagas, ang una nating maaalala, sumunod sa pagmamahal ng Diyos, ay ang pagmamahal ng ating mga Ina. Buhat pa sa simula ng ating buhay hanggang sa oras ng kanilang pagkatanda, tuluy-tuloy nilang ibinibigay ang ating mga pangangailangan. Patuloy nila tayong ginagabayan. Patuloy nila tayong hinahatid sa dapat nating kalagyan sa lipunan. Kung magmahal ang isang ina, handa siyang ibigay ang lahat ng meron siya. Hindi siya isang santo o martir (pero maraming santo na Nanay) subalit isa siya sa mga tapat na sumusunod sa atas ni Hesus.
Ito nga ang utos ko sa inyo: MAG-IBIGAN KAYO!
Si Hesus na mismo ang nagbibigay sa atin ng ating misyon sa panahong ito. Laganap na sa daigdig ang pagkapoot, digmaan, pananakop at kung anu-ano pang tanda ng kasamaan at sekularisasyon. Hinahamon tayo ng Panginoon na sa kabila ng lahat ng ito, ay patuloy tayong magmahal ng higit sa lahat. Hinahamon nga niya tayo na patuloy na ibigin ang kapwa at ialay ang buhay - hanggang kamatayan - para sa kanila. Tulad ng ating mga Ina na walang pag-iimbot na ibinibigay ang ating pangangailangan, iabot nawa ang ating mga kamay para sa ating mga kapus-palad na kapatid.
Sa panahong wala nang pagpapahalaga ang mundo, ipakita nga natin ang ating tanda ng pagiging alagad ni Hesus. Magmahalan nga sana tayo... HIGIT SA LAHAT!
Maria, Reyna ng Rosario ng Fatima,
ipanalangin mo kami!
No comments:
Post a Comment