Showing posts with label U-Speak. Show all posts
Showing posts with label U-Speak. Show all posts

Saturday, January 5, 2013

Kung Magbibigay Ka...

Enero 06, 2013
DAKILANG KAPISTAHAN NG EPIPANYA
Dies Pro Negritis
Is 60,1-6 . Efe 2-3a.5-6
Mt 2,1-12
===

Isa sa mga kilalang pista ng Simbahan na may kaugnayan sa Pasko ay ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon, o Epipanya. Mula sa malayong lugar, dumating ang mga Pantas na dala ang kanilang handog na kamanyang, ginto at mira para sa Haring bagong-silang. Sa araw na ito, tradisyunal na nagbibigayan ng regalo ang bawat isa, sabi nga ng kanta, 

Nauna ang tatlong Haring Mago, 
nagbigay ng mga regalo,
simula na ito ng kagandahang-loob
ng mga taong naging Kristiyano.

Nasaan ang isinalang na Hari ng mga Hudyo? Nakita namin ang kanyang tala sa silangan at nais namin siyang bigyan ng paggalang. Sa kanilang paghahanap ay ginabayan sila ng tala na siyang pahudyat na dumating na ang Haring Tagapagligtas. At matapos ang mahaba-habang paglalakbay, sila ay napatungo sa lugar na, ayon sa kanilang pag-aaral, ay siyang bayang sinilangan ng Haring ito.

Una silang nagtungo sa Jerusalem kung saan naghahari noon si Herodes. Nabagbag siya ng takot at ang buong bayan ay naligalig sa balitang ito. Sa isip ni Herodes, walang makakapantay sa kanyang kapangyarihan, kaya sa paghahangad niyang mapatay ang bagong-silang na hari ay pinayao niya ang mga pantas at nagbilin na na pag nakita ito ay balikan siya upang makasamba rin.

Subalit hindi niya madadaig kailanman ang plano ng Diyos. Sa kanilang pagpapatuloy, muling sumilay ang tala hanggang sa makarating sila sa Betlehem kung saan nila nakita si Maria at ang Sanggol na si Hesus. Sa laking tuwa at pagkamangha ay nagpatirapa sila at hinandugan ng marangyang regalo ang Sanggol na Manunubos ng lahat.

Ang pagbibigay ay hindi lamang nabubunsod ng sariling interes. Palagi nating nasasa-isip na kapag binigay natin ang isang bagay sa kaibigan natin ay maaalala nila tayo, at ito ay totoo, subalit sa paglaon, ay maiisip ng ating binigyan na pasalamatan ang Diyos dahil pinagkalooban siya ng isang mabait at maaalalahaning kaibigan tulad natin. Mapapansin natin na ang Diyos pa rin pala ang nagbigay sa atin ng dahilan upang handugan ng regalo ang ating kaibigan.

Pero iba ang pagbibigay na taos sa puso sa pagbibigay para sa sariling interes. Karamihan sa atin ang naghahangad na mabigyan ng malaking halaga mula sa isang politiko, lalo na yung mga tatakbo sa halalan sa Mayo, dahil pag nabigyan tayo ay tiyak na iboboto natin sila. Masasabing ito ay panawid-gutom ng ilan subalit katumbas naman nito ay ang paghalal sa isang pulpol na kawani ng ating pamahalaan. Makasarili at walang pakundangan ang ganitong motibo at hindi naaayon sa tunay na dahilan ng pagbibigay, na dahil sa pagmamahal.

Mga giliw, sa pagdiriwang natin ng Pagpapakita ng Panginoon, tanungin natin ang ating mga sarili, kamusta ang aking pagbibigay? Ano ang dahilan kung bakit ako nagbibigay? Dahil ba sa sarili kong interes at motibo, o bunsod ng isang mapagmahal at mapagbigay na puso tulad ng mga Pantas?

Inihandog ng Diyos ang kanyang anak upang iligtas tayo. Isang dakilang regalo siya para sa ating lahat na makasalanan. Kung tayo ay magbibigay, sana ay itulad natin ito sa kanyang paghahandog ng buhay. Magbigay na taos at bukas-palad, at tanggapin ang biyaya ng Diyos para sa atin!

Panginoon, ikaw ay hinahandugan, hindi lamang ng ginto, kamanyang at mira, kundi ng aming mga pusong nais sumunod sa iyong kalooban. Turuan mo kaming makita ang tunay na halaga ng pagbibigay: na hindi upang itaas ang sariling ambisyon, kundi upang ipakilala ang iyong pagmamahal sa iba. Amen!

Saturday, December 15, 2012

Ano'ng gagawin namin?

Disyembre 16, 2012
Ikatlong Linggo ng Adviento (Gaudete)
Pambansang Araw ng Kabataan
Simula ng Simbang Gabi 
Sof 3,14-18a . Fil 4,4-7
Lucas 3,10-18
===

Bahagi na ng buhay natin ang mga instructions o gabay. May direction ang bawat pagkaing niluluto natin, pati ang ruta ng ating biyahe kung saan man tayo pupunta, kahit na nga ang bawat game ay may instruction rin. Kahit anong gawin natin, mas madalas sa wala, ay may kaakibat na instructions o pamamaraan upang mas mapaganda o sumarap ang anumang bagay. 

Ngayong nagsisimula na naman ang siyam na umagang pakikilakbay natin sa Banal na Mag-anak patungo sa ningning ng Pasko, mapapakinggan ulit natin si Juan Bautista na nagbibigay ng instructions, ngunit hindi para sumarap ang lutuin o para maging maganda ang buhok o mukha, kundi upang lalo tayong maging handa sa pagsapit ng Pagsilang ng Mesiyas.

Ang may dalawang balabal ay ibahagi ang isa sa wala...Wag kayong maniningil ng sobra sa itinakda... Wag kayong mamimintang ng pagkakamali at matuwa kayo sa inyong kinikita.

Mukhang simple lang ang instructions ni Juan, ano? Ngunit para sa mga nakarinig nito, ito ay katumbas ng pagtalikod sa dating pamumuhay nila na puno ng pagkagahaman, pagiging sakim at kung anu-ano pang nakakasakit sa Diyos at sa kapwa. Sa ibang salita, simple instruction but you cannot follow. 

Mukhang malinaw na malinaw pa rin ang mga ito sa panahon natin ngayon. Marami pa ring hindi nagbabahagi sa kapwa, marami pa ring hindi natutuwa sa anumang meron sila, marami pa ring namimintang ng pagkakamali. Higit sa lahat, marami pa rin ang di-natutuwa sa anumang meron sila, kaya ayun, kamkam pa rin ng kamkam ng kayamanan na di na dapat nila kinukuha.

Kung ilalagay pa natin ito sa "more recent" na sitwasyon, marami pa rin ang di-kumikilala sa buhay na biyaya ng Diyos, bagkus ay mas iniisip pa ang sariling interes at kung paano kakapal ang bulsa, kaya ayun, tuloy lang sa mga pamamaraang nakakawasak sa dignidad at dangal ng buhay ng tao. Palibhasa, nakakatanggap ng biyaya mula sa nakakataas na upuan, kaya tuloy lang sa bira.

Paano ang Diyos? Sa patuloy nating paghahanda para sa Adbiyento, makikita at mararamdaman natin na ang Panginoon lamang talaga ang nagdudulot ng tunay at tapat na kaligayahan. Hindi echos ni kyeme lang. Totoo ang Panginoon sa kanyang pangako, kaya nga niya pinadala si Hesus, di ba? Ang Diyos ay Diyos ng buhay, at ang bawat taong nabubuhay sa kanyang kalooban ay nakakatanggap ng ligaya, gaudete, na walang kapantay.

Malapit na ang Pasko. Subukan nating pagnilayan at tanungin, Ano na nga ba ang aking ginawa upang makapaghanda sa pagdating ng Panginoong Hesus? Sinusunod ko ba ang kanyang instructions upang magpatuloy na lumawig ang aking kaligayahan, o patuloy lang ako sa aking dating gawi na walang habas na sinusunod ang sariling kagustuhan?

Sinabi nga ni Juan, May darating na mas higit sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat magtanggal ng kanyang sapin sa paa. Alam ni Hesus ang gagawin sa mga taong tapat at hindi tapat sa kanya. Subalit bago siya dumating, tayo ay pinaghahanda. Subukan nga nating ihilera ang ating buhay sa kanyang kalooban, gawin natin ang nais niya, upang tayo ay maging tunay na masaya at puno ng buhay ngayong pagdating ng Pasko.

Panginoon, nagdudulot ka palagi sa amin ng kagalakan. Turuan mo kami at laging gabayan upang manatili sa amin ang kaligayahan na ikaw lamang ang makakapagbigay. Sa aming paghahanda, makita sana namin na ikaw ang maylikha ng buhay at ang iyong kalooban ang siyang mangyayari palagi. Amen. 


Saturday, September 22, 2012

Tulad ng Isang Bata

Setyembre 23, 2012
Ikadalawampu't-limang Linggo sa Karaniwang Panahon
Kar 2,12.17-20 . St 3,16-4,3
Mc 9,30-37
===

Kapag ang bata, nagsalita, totoo. Hindi siya marunong magsinungaling.

Kapag ang bata, sumita sa matanda, masakit, kasi feeling natin matalino tayo.

Kapag ang bata, nakakita ng mali, nagtatagal sa isip niya at nagiging tama.

Kapag ang bata ay masaya o malungkot, nahahawa pati matatanda.
 
Ito ang katangian ng isang bata na hindi natin matatanggal sa kanya. Walang inaalala, kundi yung mga bagay na nagpapasaya sa kanya. Simple lang ang pamumuhay, maghangad man ay yung mga sakto na makakapagpasaya lang sa kanya. Naghahanap ng pagmamahal mula sa mga totoong tao sa paligid niya. Sa ibang salita, ito ang bata, mababa ang loob, totoo sa sarili, at tunay na nakikita ang masasayang bagay sa lahat. 

At sa ating Ebanghelyo ngayon, ay binibigyan sila ng higit na importansya ng Panginoong Hesus. Ang tumanggap sa mga maliliit na ito ay tumatanggap sa akin, at sa nagsugo sa akin. 

Ito ang binigay na sagot ni Hesus sa pagtatalu-talo ng mga alagad kung sino nga ba ang mas angat sa Kaharian ng Diyos. Pataasan sila ng ihi, kung sino ang malapit kay Hesus o kung sino ang mas nakakatupad sa mga turo niya, o kung sino ang mabait sa kapwa. Akala nila, ito ang sukatan upang maging dakila sa lahat. Iniisip kasi nila, the more you do good, the more chances of winning!

Ngunit hindi ito ang totoong pamantayan ni Hesus. Sa harap ng pagtatalu-talo ng mga Apostol ay sinabi niya, Kung may nais na mauna sa inyo, maging huli siya sa lahat at maglingkod sa lahat! Sabi nga, to serve and not to be served. Hindi narito ang Kristiyano upang magmayabang na naglilingkod siya kundi ang maglingkod sa katahimikan. 

Ito ang madalas na problema ng ating panahon, kung may ginawang mabuti, ipapangalandakan pa. Dapat broadcast na broadcast sa apat na sulok ng daigdig na tumulong siya. Laman siya ng balita na namamahagi ng relief goods sa mahihirap, nagbibigay ng livelihood o nagpatayo ng ganitong building para sa eskwelahan. Tinitingala sila ng madla at sinasabi, ay, ang galing niyan, ganito at ganyan!

Subalit ganito nga ba ang hinahanap ni Hesus? Hindi! Kung nais nating maglingkod, di na kailangang ikalat pa, mas magandang gumawa at maglingkod sa katahimikan at kababaang-loob sa halip na ipangalandakan at magmataas. Tulad ng isang bata na tapat sa sarili at naghahanap ng simpleng kaligayahan at pagmamahal, tinatawag tayo na maging lingkod at hindi maging lingkod-lingkuran. 

Sa ating pagninilay sa araw na ito, tignan natin ang huwaran ni Inang Maria na patuloy na sumunod sa kalooban ng Panginoon sa kabila ng lahat. Ni minsan, hindi natin siya narinig na ipinangalandakan niya na magiging Ina siya ng Panginoon, hindi siya nagmataas sa kabila ng biyayang kaloob sa kanya ng Panginoon. Bagkus, nanatili siyang mababa, tapat sa kanyang salita at tunay na nanalig sa biyaya ng Diyos. Kung may nangunguna mang halimbawa sa Ebanghelyo natin sa araw na ito, ito ay walang iba kundi si Maria na kanyang Ina na tahimik na tinanggap ang lahat at nagsumikap na maganap ang kalooban ng Diyos sa kanyang buhay.

Tanungin natin ang ating sarili sa sandaling ito, tapat nga ba ako sa paglilingkod? Tulad nga ba ng isang bata, nagsusumikap ba akong paglingkuran ang aking kapwa ng tapat, na hindi iniisip ang sarili, o katulad ba ako ng karamihan na mas inaalala ang pangalan at dangal kaysa sa tunay na paglilingkod sa ating kapwa?

Sa ating lipunan na panay pangalan ang mahalaga, humingi tayo ng awa at tulong sa ating Panginoon na maging patuloy tayong tapat sa ating pananampalataya sa kanya. Hindi tayo uunlad sa ating buhay-Kristiyano kung hindi natin ipapaubaya ang lahat ng ating mga aalalahanin at gawain sa kanya. Sa ating lakas, wala tayong magagawa, ngunit sa kanyang tulong, makakaasa tayo na tayo rin ay iaangat niya sa huli, basta manatili lang tayong tapat sa kanya at sa paglilingkod sa ating kapwa, tulad ng isang bata.