Sunday, April 7, 2013

MAY AWA ANG DIYOS!


Abril 07, 2013
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Divine Mercy Sunday
Ac 2,42-47 . 1Pt 1,3-9
Jn 20,19-31
===

Malapit na sa isang taon buhat noong unang beses akong makaakyat ng Manaoag upang magradyo. Sa bawat pagkakataon na nakakaakyat ako roon upang dalawin ang Mahal na Birhen, lalo akong nagkakaroon ng sigla na magpatuloy sa aking ministeryo Kahit na ang katumbas nito ay matinding pagod dahil manggagaling ako sa trabaho bago umalis, walang hihigit sa pagdulog sa dambana ng Mahal na Ina na tumatawag.

Hinding-hindi ko malilimutan yung mga pangyayari bago ang una kong sabak sa U-Speak. Bago akong graduate noon, at alam ko na mahirap maghanap ng trabaho sa panahon ngayon, subalit wala pang dalawang linggo pagkatapos ng aking graduation ay may isang kumpanya na tumanggap sa akin upang maging English Instructor. Ang nakakapagtaka pa, nangyari ito dalawang araw bago ako umakyat sa Manaoag. Sabi ko noon, Ang Diyos talaga ang gumagawa ng paraan. May awa talaga siya sa mga nagtitiwala sa kanya. Nakikinig siya sa mga makasalanang tulad natin upang sa gayon ay lalo natin siyang mapapurihan at maibahagi natin ang kanyang salita sa iba.

Awa. Sa ating pagdiriwang ngayon ng Linggo ng Mabathalang Awa, ito ang namamayaning salita. Karamihan sa atin ay deboto ng Divine Mercy sa maraming mga dahilan. May mga gumaling matapos magdasal ng chaplet, o di kaya'y dumalaw sa National Shrine sa Marilao noong Mahal na Araw bilang panata. Kung pag-iisahin natin ang sari-saring mga dahilan, makikita natin ang pangungusap na, May awa ang Diyos.

Sa kanyang pagpapakita sa mga takot na alagad, ang kanyang bati ay Sumainyo ang kapayapaan! Halata pa rin sa kanila na hindi nila alam kung ano ang gagawin ni paniniwalaan; kahit si Tomas na nagpupumilit na bumalik sa dating pamumuhay ay di-naniwala nang ibalita sa kanyang Muling Nabuhay si Hesus. Ngunit ang muling pagharap ni Hesus sa kanila ay nagbalik ng pananampalataya at sigasig sa kanilang puso na nanlamig. Ang awa niya ang siyang nagpatatag sa kanila upang ipakilala si Hesus hanggang sa dulo ng daigdig.

May Awa ang Diyos.

Totoo, may awa ang Diyos, kasi kung wala siyang awa, malamang di na dumating sa daigdig si Hesus upang iligtas tayo. Sa kamatayan niya sa Krus mababanaagan natin ang dakilang pagmamahal at habag ng Diyos para sa ating mga makasalanan. Sa kanyang muling pagkabuhay makikita natin ang luwalhati ng Panginoon, naghahatid ng pag-asa at lakas ng loob sa lahat ng lumalapit sa kanya. Ang awa niya ay nagpapakilala sa atin ng Isang Diyos na hindi nagpaparusa, kundi nagn

anais na ilapit tayo sa kanya. Ang Awa ng Diyos ay naghahatid ng kapayapaan sa lahat ng mga lumalapit sa kanya kahit na di nila siya nakita.

Sa bawat sandali na titignan natin ang kanyang larawan, makikita natin ang dalawang sinag – isang pula at isang bughaw – mula sa kanyang puso. Ang puso niya na sinugatan ng sibat ang pinagmumulan ng lahat ng mga pagpapala na kailangan natin sa araw-araw, kung gagawin lamang natin ang naaayon sa kanyang kalooban. Ang puso niya na bukal ng biyaya ang siyang nagbibigay sa atin ng kalinga sa oras na namimighati o marami tayong problema.

May Awa ang Diyos.

Kahit na marami tayong mga ligalig sa buhay, may Diyos pa rin na nakikinig sa atin. Kahit na sinasabi nating walang nakakaunawa sa atin, may Panginoon na hindi nagdadalawang-isip na ilaan ang kanyang puso upang tayo ay magkaroon ng lakas upang magpatuloy. Kung magsusumikap lamang tayong ilapit ang ating mga makasalanang puso sa kanyang dagat ng awa, siguro ay walang-hanggang kapayapaan at buhay na ang ating mararanasan. Hindi na tayo magsusumikap magkasala, lalo pa tayong mag-aakay ng ating kapwa patungo sa kanya.

Ang Awa ng Diyos ay para sa ating lahat. Nag-aalinlangan pa rin ba tayong lumapit sa kanya? May takot pa rin ba sa ating puso kaya di natin mailapit ang ating sarili sa Diyos? Nagdududa nga ba tayo na nakikinig siya sa atin, na siya lamang ang makakapagligtas sa atin?

May awa ang Diyos. Nawa sa ating pagdiriwang ng Divine Mercy Sunday, maalala nating nakikinig ang Diyos sa ating hinaing, na hindi niya tayo pinababayaan kahit kailan. Huwag tayong matakot na lumapit sa kanya. Manalig tayo.

O banal na Dugo at Tubig na dumaloy mula sa Puso ni Hesus bilang bukal ng awa para sa aming lahat, ako ay nananalig sa iyo! Amen!

HESUS, KAMI'Y NANANALIG SA IYO!!!

No comments:

Post a Comment