Saturday, March 16, 2013

SINO KA PARA HUMUSGA?



Marso 17, 2013
Ikalimang Linggo ng Cuaresma
Is 43, 16-21 . Fil 3, 8-14
Juan 8, 1-11
===

Tsismisan. Bahagi na ito ng buhay natin, ang pagkwentuhan ang buhay ng may buhay kahit na wala siyang kinalaman sa mga buhay natin. Mula sa tradisyunal na kwentuhan sa tapat ng tindahan, hanggang sa modernong pambabara ng mga “Internet Trolls” kapag may isyung lumabas sa internet, iisa at iisa lang ang ating ginagawa, ang pagkwentuhan ang pagkakamali ng buhay ng iba.

Panay pang-ookray ang lumalabas sa bibig ng mga taong promotor ng maling impormasyon tungkol sa isang tao. Ay, alam ninyo si ganito, blah blah blah! Oo, grabe talaga siya! Kapag tayo naman ay nalalagay sa alanganin dahil sa tsismis, ang madalas nating nasasabi ay ganito, Bakit sila ganoon? Sino sila para hughahan ako ng ganun? Minsan pa nga umaabot pa ito sa matindihang pasaring ng salita o ng kamao.

Ayaw na ayaw nating napapahiya, pero gustong-gusto nating mamahiya. Gusto nating manlaglag ng buhay ng may buhay, at ito ay naturalesa na sa bawat isa sa atin.

Samantalang nagtuturo si Hesus sa Templo, nilapitan siya ng mga matatanda na dala-dala ang babaeng ito. Tinanong nila si Hesus kung babatuhin na ba nila siya o hindi pa, bilang pagtupad sa utos ni Moises, kahit na ang tunay na dahilan nito ay upang may maisumbong sila sa mga Saserdote kapag nagkataon.

Batid ng Panginoon ang dilim ng kanilang nais, kung gaanong kadali para sa kanila ang mambagsak ng isang tao, kung gaanong kasimple ang manghusga sa katayuan nila bilang mga bihasa sa batas. Kaya nagsimulang sumulat si Hesus sa buhangin samantalang nakatingin silang lahat. Sa kanilang pangungulit ay sumagot si Hesus, Ang sinuman sa inyong walang kasalanan ang siyang unang bumato sa kanya.

Nang maisip ito ng mga pinuno ay dahan-dahan silang umalis, hanggang sa natira na lang ang babae na takot at nagtataka sa nangyari. Sa halip na husgahan rin siya ni Hesus ay kanyang sinabi, Hindi rin kita huhusgahan. Humayo ka at wag nang magkasala. 

Kung titignan natin ang ginawa ng mga Escriba at Pariseo sa babaeng nahuling nakikiapid sa ating Ebanghelyo ngayon, wala itong pinagkaiba sa ating ginagawa sa ngayon. Kay bilis nating manita ng pagkakamali ng iba. Kapag tayo naman ang nasaktan ay mabilis rin tayong mag-react. Umaakto tayo na para bang di tayo nagkakamali o pagkalinis-linis nating tao.

Ang ginawa ni Hesus sa Ebanghelyo ay isang panawagan sa atin na ang kanyang gawi ay iba sa ating gawi, at tayo ay dapat na sumunod sa kanya. Mahirap ang di-manita, lalo na kapag tayo ang nasasaktan, subalit sa halimbawa ng Panginoong Hesus, tayo ay pinapapaalalahanan na maaari rin tayong maging mabuti sa ating kapwa na di siya nasasaktan.

Kung di siya nanghusga, sino tayo upang manghusga? Ang Diyos ay pag-ibig; bilang mga Kristiyano tayo ay inaanyayahang ibigin rin ang ating kapwa tulad ng pag-ibig niya. Ang pagmamahal ay hindi pagmamalaki, ni pambabagsak ng ibang tao. Ang pagmamahal ay pagtanggap, at pagtulong sa ating kapatid upang malayo sa maling gawi at mailapit sa Diyos.

Lahat tayo ay nagkasala tulad ng nakiapid. Lahat tayo ay nanghuhusga tulad ng mga Pariseo at Escriba. Subalit sinisikap ba nating tularan ang ginawa ng Panginoong Hesus na mas piniling ibigin ang taong nagkasala sa halip na lalo siyang ibagsak?

Isang linggo na lang at Mahal na Araw na, isa muling pagkakataon na makalapit sa Panginoon na nag-alay ng buhay para sa atin. Sa mga nalalabing araw ng ating paghahanda, pagsumikapan nga nating maging tapat at mabuting Kristiyano, hindi lamang sa salita kundi sa gawa. Magsikap tayong magmahal at huwag manghusga. Tandaan natin, kung paano tayo nanghusga, ganun rin tayo huhusgahan. Minahal tayo ng Diyos, kaya mahalin rin natin ang ating kapwa, sa sukatan ng Krus.

Panginoon, matularan nawa namin ang inyong halimbawa ng pagmamahal at pagtanggap sa bawat naming kapatid na nakasakit sa amin. Turuan mo kami na huwag humatol, kundi umibig ng tulad ng aming pag-ibig sa sarili, sapagkat sa aming pagmamahalan ay maipapakita namin ang aming pagmamahal sa iyo. Amen.

No comments:

Post a Comment