Sunday, March 24, 2013

ANG HANGAD KO



March 24, 2013

LINGGO NG PALASPAS SA PAGPAPAKASAKIT NG PANGINOON
Ang Pagsisimula ng Mahal na Araw
Alay-Kapwa Sunday
World Youth Day
Blessing of Palms
Lucas 19, 28-40
Mass
Is 50,4-7 . Phil 2,6-11
Lucas 22,14-23,56 / 23,1-49
=====


Pagandahan na naman sa dalang Palaspas?


Isang Simbahan tayo sa pagtanggap sa Panginoong Hesus ngayong simula ng mga Mahal na Araw. Dala ang ating mga Palaspas, sinasalubong natin ang Panginoon sa kanyang pagpasok sa Jerusalem upang tuparin at ganapin ang kaligtasan ng sangkatauhan.

Kung minsan natatanong natin sa ating sarili, Ano nga ba ang halaga ng ating Pagdiriwang ng mga Mahal na Araw? Bakit kailangan itong alalahanin? Para saan nga ba ito?

Puno ng drama ang pagpapahayag ng Pagpapakasakit ng ating Panginoon sa panulat ni Lucas. Merong mga bagay na naisulat sa kanyang Ebanghelyo na wala sa ibang Synoptic Gospels (Mateo, Marcos). Para sa ilan, ang Pagpapakasakit ni Hesus ayon kay Lucas ay isang pagpapahayag ng dakilang pag-ibig ng Diyos. Ang kamatayan ni Hesus para kay Lucas ay isang kamatayang puno ng pag-asa, ng pagtitiwala at ng biyaya.

Sa pag-ibig na ito, kahit na ang hamak sa mga magnanakaw ay nakatanggap ng matinding regalo sa sandali ng kanyang kamatayan. Dito ako magbibigay ng pansin sa aking pagninilay ngayong taon (Ang iba pong pagninilay tungkol sa Linggo ng Palaspas ay matatagpuan sa http://urdose.blogspot.com.)

Kasabay ng Panginoong nabayubay sa Krus ay ang dalawang magnanakaw na naparusahan ring mamatay; mistulang kasama si Hesus sa kasalanang nagawa nina Hestas at Dimas. Sa iba't-ibang pagkakataon, nakagawa ang dalawang tulisang ito ng pagkakamali laban sa pamayanan kaya sila ay hinatulang mamatay, na siya namang nararapat para sa kanila. Subalit ang kanilang kamatayan ay isa ring sukatan, kung hanggang saan sila mananatili sa pananampalataya.

Dalawang pagtugon ang ating maririnig mula kila Hestas at Dimas, isang pagtugon ng pangungutya at isang pagtugon ng pananalig. Sa bibig ni Hestas nagmula ang panlilibak sa Panginoon, Di ba ikaw ang Mesias? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami! Para sa kanya, kailangang magkaroon ng isang matibay na pruweba na si Hesus nga ang Tagapagligtas, at ito ay ang pagbaba niya sa Krus upang iligtas ang sarili sa pagkapahiya ng mga Hudyo – kasabay nito ang paglaya sa kanilang dalawa. Kapag nagawa ito ni Hesus, ay tiyak na mananalig ang lahat ng taong nakapaligid, sasambahin siya at itatanghal na Panginoon sa oras ring iyon.

Ngunit sa bibig ni Dimas, maririnig natin ang isang pagtuwid: Wala ka bang takot sa Diyos? Dapat tayong mamatay sa ating ginawa subalit walang kasalanang ginawa ang taong ito! Malinaw para kay Dimas ang tunay na halaga ng nangyayari noong sandaling iyun sa Golgota. Wala man siyang malalim na kaalaman, nakagawa man siya ng kasalanan, batid pa rin niya na walang dahilan upang patayin ang taong napagitna sa kanila, na nagkamali ang sambayanang Judio sa paghatol sa kanya. Para kay Dimas, ang ginawa ng mga matatanda ng bayan ay hindi tama sapagkat hindi basta-basta ang kanilang pinapatay – isa siyang Banal ng Diyos. Maaalala natin na sinabi ni Hesus noong siya'y tinukso sa ilang, Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos!

Nagpatuloy si Dimas, Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na. Sumagot si Hesus, Sinasabi ko sa iyo, ngayon di'y ipagsasama kita sa Paraiso. Sa sandali ng kamatayan, nakita ni Dimas ang liwanag ng Buhay, na sumilay para sa kanya at para sa mga taong nananalig kay Hesus. Walang pag-aalinlangan, ipinaubaya niya ang kanyang kahihinatnan sa Panginoon na siyang pinagmumulan ng buhay. Sa pagtanggap ni Hesus sa kanyang kahilingan, nakatanggap siya ng isang biyaya na hindi matutumbasan ng anumang kayamanang nanakaw niya sa tanang buhay niya, nagawa niyang “nakawin” ang langit, at naging kanya ang pangako ng buhay na walang hanggan.

Naghangad si Dimas ng paghahari ng Diyos, ganito rin ba tayo? Sa tinagal ng buhay natin dito sa mundo, sa lahat ng ating mga ginawa, sa dinami ng ating mga pangarap na tinupad at nais pang tuparin, hinangad ba natin ni minsan na maalala tayo ni Hesus sa kanyang kaharian? Sasabihin ng ilan, okay na yung dasal na minsan lang, o yung paghipo sa imahen ng santo, swak na yun upang maalala tayo ng Diyos, ngunit ito nga ba ang naisin ng Panginoon para sa atin?

Ang hangad ko, O Diyos ay makasama sa paghahari mo! Kaya nga siguro namatay ang ating Panginoon sa Krus ng Golgota ay upang makasama niya tayo at makasama natin siya sa kanyang kaharian at sa buhay na walang hanggan. Walang hihigit rito, subalit hindi natin ito pinapansin.
Sa panahong malaya na ang taong magpahayag ng kanyang nais, kung saan kinakain na tayo ng modernong mga pamamaraan, mapalad ang mga taong tulad ni Dimas ay naghahangad ng paghahari ng Diyos higit sa lahat.

Ngayong Mahal na Araw, sa pagsalubong natin kay Hesus sa Jerusalem, ay huwag lamang tayong mahimpil sa ligaya ng pagkakita sa kanya. Kung nais talaga nating makita ang kaganapan ng ating buhay, huwag tayong matakot na hangarin sa bawat sandali ang Kaharian ng Diyos. Makikita natin ito sa Krus, sa kanyang paghihirap, sa kanyang kamatayan. Hangarin sana natin ang makasama sa kanyang Kaharian sa bawat oras, hanggang sa kamatayan.

Panginoon, alalahanin mo nawa kami sa iyong Kaharian. Huwag mong ipahintulot na malayo kami sa iyo. Sa iyong kamatayan, nagkaroon kami ng bagong buhay, panatilihin mo kami sa iyong Buhay ng pag-ibig at luwalhati. Amen!

Saturday, March 16, 2013

SINO KA PARA HUMUSGA?



Marso 17, 2013
Ikalimang Linggo ng Cuaresma
Is 43, 16-21 . Fil 3, 8-14
Juan 8, 1-11
===

Tsismisan. Bahagi na ito ng buhay natin, ang pagkwentuhan ang buhay ng may buhay kahit na wala siyang kinalaman sa mga buhay natin. Mula sa tradisyunal na kwentuhan sa tapat ng tindahan, hanggang sa modernong pambabara ng mga “Internet Trolls” kapag may isyung lumabas sa internet, iisa at iisa lang ang ating ginagawa, ang pagkwentuhan ang pagkakamali ng buhay ng iba.

Panay pang-ookray ang lumalabas sa bibig ng mga taong promotor ng maling impormasyon tungkol sa isang tao. Ay, alam ninyo si ganito, blah blah blah! Oo, grabe talaga siya! Kapag tayo naman ay nalalagay sa alanganin dahil sa tsismis, ang madalas nating nasasabi ay ganito, Bakit sila ganoon? Sino sila para hughahan ako ng ganun? Minsan pa nga umaabot pa ito sa matindihang pasaring ng salita o ng kamao.

Ayaw na ayaw nating napapahiya, pero gustong-gusto nating mamahiya. Gusto nating manlaglag ng buhay ng may buhay, at ito ay naturalesa na sa bawat isa sa atin.

Samantalang nagtuturo si Hesus sa Templo, nilapitan siya ng mga matatanda na dala-dala ang babaeng ito. Tinanong nila si Hesus kung babatuhin na ba nila siya o hindi pa, bilang pagtupad sa utos ni Moises, kahit na ang tunay na dahilan nito ay upang may maisumbong sila sa mga Saserdote kapag nagkataon.

Batid ng Panginoon ang dilim ng kanilang nais, kung gaanong kadali para sa kanila ang mambagsak ng isang tao, kung gaanong kasimple ang manghusga sa katayuan nila bilang mga bihasa sa batas. Kaya nagsimulang sumulat si Hesus sa buhangin samantalang nakatingin silang lahat. Sa kanilang pangungulit ay sumagot si Hesus, Ang sinuman sa inyong walang kasalanan ang siyang unang bumato sa kanya.

Nang maisip ito ng mga pinuno ay dahan-dahan silang umalis, hanggang sa natira na lang ang babae na takot at nagtataka sa nangyari. Sa halip na husgahan rin siya ni Hesus ay kanyang sinabi, Hindi rin kita huhusgahan. Humayo ka at wag nang magkasala. 

Kung titignan natin ang ginawa ng mga Escriba at Pariseo sa babaeng nahuling nakikiapid sa ating Ebanghelyo ngayon, wala itong pinagkaiba sa ating ginagawa sa ngayon. Kay bilis nating manita ng pagkakamali ng iba. Kapag tayo naman ang nasaktan ay mabilis rin tayong mag-react. Umaakto tayo na para bang di tayo nagkakamali o pagkalinis-linis nating tao.

Ang ginawa ni Hesus sa Ebanghelyo ay isang panawagan sa atin na ang kanyang gawi ay iba sa ating gawi, at tayo ay dapat na sumunod sa kanya. Mahirap ang di-manita, lalo na kapag tayo ang nasasaktan, subalit sa halimbawa ng Panginoong Hesus, tayo ay pinapapaalalahanan na maaari rin tayong maging mabuti sa ating kapwa na di siya nasasaktan.

Kung di siya nanghusga, sino tayo upang manghusga? Ang Diyos ay pag-ibig; bilang mga Kristiyano tayo ay inaanyayahang ibigin rin ang ating kapwa tulad ng pag-ibig niya. Ang pagmamahal ay hindi pagmamalaki, ni pambabagsak ng ibang tao. Ang pagmamahal ay pagtanggap, at pagtulong sa ating kapatid upang malayo sa maling gawi at mailapit sa Diyos.

Lahat tayo ay nagkasala tulad ng nakiapid. Lahat tayo ay nanghuhusga tulad ng mga Pariseo at Escriba. Subalit sinisikap ba nating tularan ang ginawa ng Panginoong Hesus na mas piniling ibigin ang taong nagkasala sa halip na lalo siyang ibagsak?

Isang linggo na lang at Mahal na Araw na, isa muling pagkakataon na makalapit sa Panginoon na nag-alay ng buhay para sa atin. Sa mga nalalabing araw ng ating paghahanda, pagsumikapan nga nating maging tapat at mabuting Kristiyano, hindi lamang sa salita kundi sa gawa. Magsikap tayong magmahal at huwag manghusga. Tandaan natin, kung paano tayo nanghusga, ganun rin tayo huhusgahan. Minahal tayo ng Diyos, kaya mahalin rin natin ang ating kapwa, sa sukatan ng Krus.

Panginoon, matularan nawa namin ang inyong halimbawa ng pagmamahal at pagtanggap sa bawat naming kapatid na nakasakit sa amin. Turuan mo kami na huwag humatol, kundi umibig ng tulad ng aming pag-ibig sa sarili, sapagkat sa aming pagmamahalan ay maipapakita namin ang aming pagmamahal sa iyo. Amen.

Saturday, March 2, 2013

HABANG DI PA HULI...



Marso 03, 2013
Ikatlong Linggo ng Cuaresma
Exo 3,1-8a.13-15 . 1Cor 10,1-6.10-12
Lucas 13,1-9
===

Sabi nga ni Kuya Kim, Ang buhay ay weder-weder lang. Totoo, bawat isa sa atin ay may sariling mga oras at karanasan. Marami sa atin ay nasa sibol pa ng buhay, nakakayanan pang gawin ang mga gustong gawin, ngunit darating at darating tayo sa pagkakataong di na natin kakayanin ang mga mabibigat na gawain, magkakasakit tayo, at mamamatay.

Sa loob ng panahong malakas tayo, sinusubukan nating maging malakas rin sa paningin ng iba, naghahanap tayo ng mga kaibigan, naglalakwartsa sa kung saan-saan, sinusubukan maging ang mga bagay na di naman dapat gawin. Sabi nga, live life as if it's your last, ubos-biyaya basta masaya.

Sa Ebanghelyo natin para sa Linggong ito, binabahagi sa atin ni Hesus ang Talinhaga ng puno ng igos na di magkabunga-bunga. Sa tindi ng galit ng may-ari, inutusan niya ang katiwala na putulin na ito agad-agad, ngunit nakiusap pa rin ang katiwala na hayaan itong lumago ng isa pang taon, at gawin ang nararapat makalipas ang nasabing panahon.

Lahat tayo ay may pagkakataon, sinusubukan nating mabuhay na ayon sa gusto natin, ngunit di naman natin natatalos na lahat ng ito ay mawawala, lilipas at matatapos. Kapag namatay tayo, di natin madadala ang lahat ng 'achievements' natin, kundi ang atin lamang sarili, upang humarap sa Diyos at tignan kung nagkabunga nga tayo.

Hahanapan nga tayo ng bunga. Marami sa atin ang nagsisikap na maging successful sa buhay, maging makapangyarihan o maimpluwensya. Gusto natin na mas mataas tayo sa pinakamataas na bundok, o building, ngunit tayo ay ginigising ni Hesus ngayon, hindi mahalaga ang kapangyarihan natin, ang mahalaga ay ang ating ginawa para sa ating kapwa. Makapangyarihan nga tayo, pero kung ginamit natin ito sa masama, ito ay bale wala.

Ang importante sa sandali ng ating kamatayan ay naisabuhay natin ang hamon ni Hesus na maging saksi niya. At walang ibang paraan upang maisabuhay ang ating pananampalataya kundi ang pagmamahal sa ating kapwa. Ang ating kapwa ang siyang salamin ng Diyos sa bawat isa sa atin. Ang ating kapwa ang siyang magiging saksi natin sa harap ng Diyos na nakakaalam sa lahat. The more we hurt other people, the more we are in danger.

Gawin natin ang nararapat habang may oras pa. Sinasabi natin, mahaba pa ang buhay at marami pa tayong gagawin, ngunit ang totoo ay hindi natin ito hawak. Bawat oras, bawat sandaling lumilipas ay isang panawagan na sundin ang kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay. Paano kapag namatay tayong hindi handa? Paano kapag di tayo nakapagpakita ng bunga sa Diyos?

Huwag nating sasayangin ang bawat oras ng buhay! Patuloy tayong manalangin at mabuhay sa kabanalan. Patuloy tayong magsikap na ihatid si Kristo sa kapwa. Gawin natin ito, bago mahuli ang lahat. Alam nating mahirap subalit kung kasama natin ang Diyos ay magagawa natin ang lahat. TIWALA LANG!

Panginoon, tulungan mo kaming ihatid ka sa aming kapwa sa lahat ng oras. Ihanda mo kami sa aming pagharap sa iyo sa sandali ng aming kamatayan. Amen.