Enero 01, 2013
DAKILANG KAPISTAHAN NI SANTA MARIA, INA NG DIYOS
Oktaba ng Pasko ng Pagsilang
Pandaigdigang Araw ng Kapayapaan
Bl 6,22-27 . Gal 4,4-7
Lc 2,16-21
Lc 2,16-21
===
Kamusta ang Bagong Taon? Makulay ba? Magulo? Kasama ang pamilya o nag-iisa? Tulad ba ito ng isang ordinaryong araw na wala namang espesyal na okasyon, o sinamantala mo ang pagkakataon upang pasalamatan ang Diyos at hingin ang kanyang awa sa taong paparating?
Anuman ang ating pagsisimula sa Taong ito, tayo ay inaanyayahan na unahin ang Diyos na higit sa lahat. Ang Bagong Taon ay isang imbitasyon na simulan ang isang panibagong pananaw sa buhay, iba sa naging ikaw noong nagdaang taon.
Maraming mga pagninilay na ang ating nabasa dito sa blog na ito (na nagdiriwang rin ng ikalawang taon nito ngayon), at malamang ko'y nagsasawa na kayong magbasa mula rito, subalit pahintulutan ninyo akong magbigay ng dalawang huwaran na pwede nating maging huwaran sa taong ito. Kilalang-kilala na natin sila, lagi pa nga nating nababanggit ang pangalan nila, subalit maaari pa natin silang kilalanin, mahalin at gawing bahagi ng buhay natin na higit pa kaysa sa noon.
SI HESUS. Sa araw na ito, ikawalo makalipas niyang isilang, ay tinuli at ibinigay ni Maria at Jose ang pangalan ng bata: Yeshua, ang pangalang ibinigay ng Anghel sa kanila sa iba't-ibang pagkakataon. Ang pangalan ng ating Panginoon ay nangangaluhugang Ang Diyos ay nagliligtas! Ito ay pasimula sa kanyang misyon na gaganapin sa kanyang pagtanda.
Ang kanyang pagsilang ay binalita ng Anghel sa mga Pastol na nagmadaling magtungo sa Betlehem upang makita ang kanilang tagapagligtas. Ang kanyang kamusmusan ay dinayo ng mga Pantas na ginabayan ng Tala upang kanilang masumpungan ang Hari ng mga Hari. Ang kanyang mahal na awa ay ating hinihingi sa araw-araw na iniligtas ng kanyang Dugo sa Krus. Lagi nating sinasabi na Bahala na ang Diyos, at ito ay totoo dahil ang kalooban niya ang nananaig sa ating lahat.
SI MARIA. Tinutunghayan rin natin sa araw na ito ang Ina ni Hesus na atin ring Ina. Sa kanyang kabataan ay tinanggap na niya ang biyaya ng pagiging Ina ng Diyos, na ating pinananampalatayanan bilang isang Simbahan. Hindi nagduda si Maria na tanggapin ang biyayang dumarating upang mailigtas ang sangkatauhan: Ako ang alipin ng Panginoon. Maganap sa akin ang iyong sinabi. At hindi rin nakitaan si Maria ng ni katiting na pagmamayabang sa lahat ng kanyang nakita sa gabing mapanglaw na iyun, subalit itinago niya ito at pinagnilayan sa kanyang puso.
Tayo ang Pueblo Amante de Maria at saan man tayo mapuntang bayan ay makakakita tayo ng mga dambanang itinalaga sa kanyang pamimintuho. Lagi nating hinihingi ang kanyang paggabay sa ating pagdasal ng Rosario, at sa ating mga simpleng pananalangin. Kahit saanman tayo mapadpad, isa sa mga palaging nasa isip natin ay si Maria. Hindi nga natin siya sinasamba, subalit batid nating mahal na mahal natin siya sapagkat anumang hingin natin sa kanyang pamamagitan, mas madalas sa hindi, ay pinagkakaloob ng Diyos.
Mga kapatid! Sila Hesus at Maria ang ating gabay sa taong paparating, higit sa sinuman at anupaman. Maraming beses na nating ibinaling ang ating atensyon sa iba't-ibang mga bagay na sinasabi nating magbibigay ng suwerte o biyaya sa atin sa darating na mga araw, pero sinubukan nga ba nating ipaubaya kay Hesus at kay Maria ang ating mga pinagdaraanan? Malamang, minsanan lang kapag may problema, kapag wala na ang problema, wala na rin si Hesus at si Maria.
Ang Pangalang HESUS ay nagliligtas! Ang halimbawa ni MARIA ay maghahatid sa atin sa kababaang-loob! Kapag pinagsama sila, ang ating matatanggap ay KAPAYAPAAN! Ang kapayapaang hatid ng Panginoon ay hindi ang kapayapaang nakakasakit ng kapwa; ang kanyang kapayapaan ay ang kaganapan ng kanyang pagmamahal sa atin. Ang hinahangad nating kaayusan ay hindi natin makikita sa digmaan o sa pagmamayabang o sa mga batas na wawasak sa ating buhay; ANG KAPAYAPAAN AY PAGMAMAHALAN, PAG-UUNAWAAN AT PAGKILALA AT PAGGALANG SA BUHAY NA BIYAYA NG PANGINOON!
O, kamusta nga ba ulit ang pagpasok ng Bagong Taon? Tinanggap mo nga ba ito na nag-aalala sa mga darating na problema, o na may ngiti sa mga labi at nagpapaubaya sa Diyos? Kinilala mo ba ang Diyos bilang boss ng buhay mo, at sila Hesus at Maria bilang gabay, o itinanghal mo na naman ang sarili mo bilang nagmamagaling na driver ng sarili mong bangka?
BAGONG TAON NA! Maraming taon na ang nagdaan sa ating buhay, maraming pagkakataong dumating at nawala. Sa panahong ito, bakit hindi natin ibalato sa Diyos ang ating mga gawain sa mga darating na araw? Simulan natin ito na banal! Simulan natin ito na masaya! Simulan natin ito kasama sila Hesus at Maria!
O Diyos ng panahon at ng pagpapala, ipinapaubaya namin sa iyo ang Panibagong Taong ito. Samahan mo nawa kami sa lahat ng aming gagawin, at amin nawang maramdaman ang iyong pagpapala higit sa lahat. Sa panalangin ni Maria Ina ng Diyos, makilala nawa namin ang iyong kalooban na higit sa lahat ng bagay. Amen!
ISANG MANIGONG BAGONG TAON SA ATING LAHAT!
at
HAPPY SECOND ANNIVERSARY SA UR DOSE!