May 29, 2011
Sixth Sunday of Easter
Ac 8,5-8.14-17 . 1Pt 3,15-18
Jn 14,15-21
===
Sino na sa inyo ang nakapanood ng May Tamang Balita tuwing Biyernes? Ito ang isang katangi-tangi at kakaibang programa kung saan ang mga balita at mga pananaw ay pinepresenta sa isang katawa-tawang pamamaraan, ngunit informing pa rin. Satiric viewpoint, kung baga, ng mga balita na minsa'y nakakainis na kung panoorin o pakinggan. Ito ang nagpapatunay na ang Pilipino, imbes na seryosohin ang mga suliranin, ay nakakapaglaan pa rin ng panahon at oras upang tawanan at tignan ito in a much positive way. Iyan ang May Tamang Balita! Once-a-week lang yan.
Subalit para sa ating mga Kristiyano, ay naku! Tuwing Linggo, laging MAY TAMANG BALITA! Iyung balita na hindi nakakatawa, hindi nakakapanlibak at mas lalong hindi nakakapang-bagot. Ito talaga ang tamang balita na dapat nating laging pinapakinggan dahil hindi lang siya positive, kundi tunay na uplifting ang impact nito sa ating mga sarili, lalo na sa ating mga espirituwal na buhay.
At sino pa nga ba ang maghahatid ng Tamang Balitang ito? Walang iba kundi si Hesus! Ito ang kanyang Tamang Balita para sa atin ngayon: May isang darating!
Opo, mga kapatid! May darating! Matatandaan nating si Hesus ay nagbibilin na sa kanyang mga alagad noong gabi bago siya ipapatay. Bakas sa mukha nila ang pag-aalala, pagtataka at kalungkutan. Iiwan na daw sila ni Hesus? Paano na ang mga nasimulan nila? Susuguin daw sila sa bawat sulok ng mundo? Eh paano nila gagawin iyun kung mga hamak lang silang mangingisda?
Alam ni Hesus ito, at ayaw naman niyang iwang walang lakas ang mga alagad niya, kaya may ibinahagi siyang balita sa kanila: Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Tagapagtanggol na magiging kasama ninyo magpakailanman. Siya ang Espiritu ng katotohanan...
Lubusang pagtataka ang lalong bumakas sa isipan ng mga Apostol: Ano daw? Espiritu ng Katotohanan? Paano naman darating iyun? Subalit hindi pa naman talaga ito ang pagkakataon, at may darating pang sandali, ito ay sa darating na Pista ng Pentekostes kung kailan ang Banal na Espiritu ay bababa nga sa kanila sa anyong dilang apoy! Wow! May Tamang Balita nga!
Pati tayo sa panahong ito ay nadadamayan ng Tamang Balitang ito. Tayo, sa biyaya ng Binyag, at sa Krismang ipinahid sa ating noo noong tayo'y Kumpilan, ay para na ring mga lalagyan na kinapapalooban ng Banal na Espiritu! Tayong mga iniligtas sa Krus at Pagkabuhay ni Hesus ay binibiyayaan rin ng Diwa ng pagiging Anak ng Diyos. At ito ang tunay na Tamang Balita para sa ating lahat.
Pero HEPP! Hindi lahat ay binibigyang-pansin ang Tamang Balitang ito! Lahat nga'y binigyan ng banal na biyayang ito mula sa Diyos, ngunit hindi lahat ay papansin dito. Halata naman di ba? Sa panahon nga lang natin ngayon, eh. Mas masisiyahan pa ang madla kung nakikita nating nahihirapan ang ating kapwa, lalo na kung tayo ang may-dahilan ng paghihirap nilang iyun. Wow naman, di ba! Eh kung mas natutuwa ka pa sa panonood ng May Tamang Balita tuwing Biyernes imbes na pagtuunan ng pansin ang Tamang Balita ng Kaligtasan tuwing Misa pag Linggo, eh wala ka na ring pinagkaiba sa kanilang lahat!
Eh paano malalaman na tumama na sa atin ang Tamang Balitang ito? Simple lang, si Hesus na rin ang magbibigay ng signs and symptoms: Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya. In short, sundin lang natin ang utos ng Panginoon, mahalin siya ng higit sa lahat at mahalin ang kapwa tulad ng sarili, at nakakasiguro tayong sasaatin ang Espiritu ng Kabanalan ng ating Panginoon! Nasa atin ngang mga sarili ang Tamang Balitang ito!
O, tanungin natin ngayon ang ating mga sarili: Natatalos na ba nating nasa atin ang Banal na Espiritu? Sa araw-araw nating buhay sa mundo, nakikita ba ng ating kapwa sa ating mga katauhan ang Panginoon? O tulad ng iba, mas natutuwa tayo sa mga bagay na panandalian lang ang sayang hatid sa atin?
Dalawang Bagay ang mapupulot natin sa Tamang Balita ngayong araw, mga kapatid. Una, laging handog sa atin ng Diyos ang Espiritu Santo upang maunawaan natin ang kanyang kalooban sa atin. Ikalawa, tinatawag tayong tuparin ang ating mga Kristiyanong tungkulin, ang umibig, manampalataya, manalangin at magkawanggawa. Kapag naunawaan na natin at natupad ang dalawang bagay na ito, ay handa na nga nating tanggapin ang darating na biyaya sa Linggo ng Pentekostes.
Mga kapatid, uulitin ko. Linggu-linggo tayong binibigyan ng pagkakataon na mapakinggan ang mga Tamang Balita buhat sa ating Panginoon. Sa bawat Misa na ating dinadaluhan ay nagkakaroon tayo ng mga bagong pang-unawa sa pag-ibig at kaligtasang dulot ng kamatayan at pagkabuhay ni Hesus. Higit pa ito sa bawat balitang naririnig natin sa bawat aaw ng ating buhay. Dahil sa ating Panginoon, Laging Tama ang Balita!
No comments:
Post a Comment