Saturday, January 22, 2011

Tara! Mangisda Tayo!


January 23, 2011
Third Sunday in Ordinary Time
Is 8,23-9,3-1 . 1Cor 1,10-13.17
Mt 4,12-23
==========

Lumaki ako sa isang lungsod na sagana sa pangingisda, at halos araw-araw (kahit hanggang ngayon), ay isda ang lagi naming ulam sa bahay. Pero natuto na akong kumain ng isda noong teenager na ako. Ayoko kasi ng isda, takot ako sa tinik nito. Pero nang lumaki ako, doon ko dahan-dahang natikman ang tunay na sarap ng biyaya ng dagat.

Siyempre, bida sa pangingisda ang mga namamalakaya na nagpupuyat gabi-gabi sa laot para mangisda. Ang usual na eksena sa umaga dito sa may amin, kapag dumating na ang mga namamalakaya, ang ilan ay pumunta sa palengke at inilalako yung isdang nahuli nila. Ang iba, nagdadala ng sariwang isda sa mga bahay-bahay. Samantalang yung iba ay dumadaan sa bahay namin at naglalaro ng bilyar. Karamihan sa kanila ay hindi na nakapag-aral at tumanda na sa ganitong hanap-buhay. Ang mga kabataang mangingisda ay sumusunod na sa yapak ng mga nakakatanda.

Ganito ang buhay ng mangingisda sa amin. Kahit nakakalungkot at mahirap na isipin, gayun pa man, ay patuloy silang nagsisikap upang makapaghatid ng pagkaing pantawid-gutom ng pamilyang Pilipino.

Sila ay mamamalakaya ng isda. At sila ang ginawang huwaran ni Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon.

Nakita ni Hesus si Andres at Pedro, Santiago at Juan. Sila ay mga mangingisda by profession, ngunit sa paglaon, ay bibigyan sila ng isang magandang misyon. Tulad natin, ay nagtrabaho sila gabi-gabi sa Lawa ng Galilea upang mangisda at mangalakal ng isda. Tipikal na mamamalakaya, kung baga.

Come after me, and I will make you fishers of men.

Sa pagtawag ni Hesus sa kanilang apat, ay nag-iba ang kanilang larangan sa buhay, mula sa isang simpleng propesyon hanggang sa isang dakilang misyon. Sila ay pinapagbago ng Diyos mula sa trabahador ng tao hanggang sa pagiging lingkod ng Panginoon.

At hindi nila itinakwil ang Panginoon. Sila ay kusang-loob na sumunod kay Hesus at hinarap ang darating na tatlong taon na walang inaasahan kundi ang biyaya na nagmumula kay Hesus. Ang dumating na panahon ay nag-iba para sa kanila. Sila ay sinugo sa mga malalayong lugar, nagpagaling ng mga may-sakit, at nagpahayag ng Mabuting Balita, kahit na umabot ito sa punto ng pag-aalay ng buhay. Lahat ito ay nagkabunga sa mga sumunod na henerasyon, sa pamamagitan ng isang komunidad ng mga mananampalataya kay Kristo. Ito ay ang ating Simbahan.

Tayo man ay mga Apostol rin! Patuloy ang pagtawag ni Hesus sa atin upang maging mamalakaya ng ating kapwa, lalo na ng mga taong nalalayo sa piling ng Diyos. We should not be afraid in proclaiming the Gospel in the secularized world of today, because from the first moment, Jesus is always with us!

Sila ay mangingisda. Tayo ay namamalakaya ng tao. Tara, mangisda tayo!

No comments:

Post a Comment