Saturday, January 8, 2011

BINYAGAN NA YAN!!!

January 09, 2011
FEAST OF THE LORD'S BAPTISM
Is 42,1-4.6-7 . Ac 10,34-38
Mt 3,13-17

==========

Kapag nakita mo si bestfriend na may suot-suot na bagong sapatos o damit, at sinabi niya sa iyo, "Oi, best! Tignan mo ang bago kong sapatos!" Ano ang sasabihin mo? Di ba, "Bago ba yan? E di binyagan na yan!" sabay apak sa sapatos? Ganyan ang pagtingin natin sa halos lahat ng mga bagong bagay na nagkakaroon tayo. Kapag ginulo o binarubal ng kasama natin, o kapag namantsahan, o anuman ang mangyari doon, turing natin ay "nabinyagan" ang bagay na iyun. Tama ba?

Ganyan rin sa mga fraternity o sorority, may initiation. Bago ka makapasok sa grupo, padadaanin ka nila sa mga pagsubok para malaman kung hanggang saan ka matatag. Yan ang binyag sa kanila.

Sa maniwala tayo o sa hindi, nang tayo ay isinilang sa mundo, makalipas ng ilang buwan, ay nag-isip rin ang ating mga magulang ng kung ano ang unang gagawin sa atin bilang mga sanggol. At isa lang ang nasa isip nila... Binyagan na 'yang batang yan!
 
Anuman ang bagay na meron tayo, basta bago, binibinyagan natin... pinapaliguan, dinudumihan, inaapakan, binibigyan ng pagsubok, kahit ano ginagawa natin para maturing na 'binyagan' ang isang bagay o ang isang tao.

Sabi nga nila, sa binyag nagsisimula ang buhay ng isang nilalang. Ang simpleng panganganak, o ang pagsulpot sa lupa ng isang munting dahon ay hudyat na ang isang nilalang ay bininyagan na sa mundo, nagsisimula ang kanyang buhay. Ganyang kahalaga sa atin ang salitang "binyag"; kasingkahulugan nito ay ang salitang 'pasimula.'

Sa Simbahan, ay mas malalim ang kahulugan ng salitang 'Binyag.' Sa totoo nga lang, ito ay isa sa mga pitong sakramento ng Simbahan. Sa pagbuhos ng tubig sa sanggol o sa taong bibinyagan, ay nagsisimula ang kanyang panibagong katauhan. Wala na ang lumang pagkatao, siya ay nagiging isang Alter Christus. Isa na siyang tunay na anak ng Diyos at kapatid ni Hesus. Ganyan kahalaga sa ating mga Kristiyano ang Binyag. Ito ang nagpapasimula sa ating buhay na kasama ang Diyos.

Pasimula. Ito rin ang nasa isip ni Hesus nang siya ay magpabinyag sa Ilog ng Jordan kay Juan. Sa kanyang paglublob sa tubig, nagsisimula ang kanyang paghayag ng Ebanghelyo sa lahat. Dito nagsimula ang kanyang ministry. In short, dito nagsimula ang lahat!

Sa totoo lang, hindi na dapat nagpabinyag si Hesus, pero bakit niya ginawa ito? Ayaw nga siyang binyagan ni Juan Bautista, eh! Gusto ni Juan, siya ang binyagan, hindi magbinyag.

Pero ano ang sabi ni Hesus? Gawin na natin ito, dahil ito ang nararapat. Tinatanggap ni Hesus ang realidad na siya ang Anak ng Diyos, at para umpisahan ito, dapat siyang magpabinyag. Para kay Hesus, siya man ay dapat ring dumaan sa prosesong pinagdaanan ng karamihan sa Israel na nakinig sa tinig ni Juan.

At hindi nagkamali si Hesus! Pagkatapos siyang binyagan, ay bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu sa anyong kalapati. At isang tinig ang narinig mula sa Langit, Ito ang aking Anak na lubos kong kinalulugdan. Tinatakan ng Langit ang pagpapasimula ni Hesus. At dahil dito, ay maaari na niyang umpisahan ang paglilibot sa buong Judea para magpahayag. 

Pero Stage One pa lang pala ito! Antabayanan ang Stage Two...sa Unang Linggo ng Kuwaresma.

Mabalik tayo sa pasimula. Tandaan natin na tulad ni Hesus nang siya'y binyagan, tayo man ay nagpapasimula ng ating buhay bilang Anak ng Diyos noong tayo naman ang binyagan. Isa itong malaking biyaya mula sa Panginoon. Tinatakan ng Diyos ang ating pamumuhay. Tayo ay hindi na mga nilalang ng kasalanan, tayo ay mga iniligtas! At lahat ng ito ay nagsimula noong tayo ay binyagan.

Ang binyag ay isang pasimula. Huwag sanang manatiling simula ang lahat. Matatanda na tayo, at nalalaman na natin ang mga tama o mali sa ating pananampalataya. Atin itong isabuhay. Ating ikarangal na minsan sa buhay natin, ay sinabihan tayo ng ating mga magulang, Binyagan na yan! dahil diyan nagsimula ang isang panibagong yugto ng ating buhay.

O, bago ba ang sapatos mo? BINYAGAN NA YAN!!!

No comments:

Post a Comment