Hulyo 29, 2012
Ikalabing-pitong Linggo sa Karaniwang Panahon
2Ha 4. 42-44 . Efe 4,1-6
Jn 6,1-15
===
Maraming pagtitipon, meeting o gathering na ang ating napuntahan, at hindi ito matatapos kung walang handang merienda. Masarap kumain matapos ang mainit na talakayan o magandang pagbabalik-tanaw sa pinagsamahan.
Kapag pagkain ang napag-uusapan, hindi mawawala ang usapang sharing, pagbibigay, toka-toka at kung anu-ano pa. Para makakain ang lahat, kailangan ng pagtutulungan, kailangan ng masusing pagpaplano, pagtutulungan at pagbibigayan, hindi lamang ng perang kailangan, kundi ng lakas o ng kakayahang makaluto ng masarap. Kung hindi ka makakatulong, at least magdala ka na lang ng kubyertos na gagamitin mo sa pagkuha ng pagkain. May bahagi ka man o wala, may makukuha ka pa ring 'biyaya,' dahil ito ay para sa lahat.
Kailangan mong magbigay ng piraso ng iyong sarili para sa pakinabang ng lahat.
Usapang pagkain rin ang tampok sa Ebanghelyo natin sa linggong ito, ang Himala ng pagpapakain ng limanlibo. Sa mapanglaw na hapong iyon, nagtuturo si Hesus sa mga tao na nagbuhat sa iba't-ibang dako. Pagabi na at halatang di pa rin sila kumakain kaya nag-alala na ang mga alagad. Imposible nilang mapakain ang ganoong karaming mga tao.
Alam ni Hesus ang kanyang gagawin, ngunit sinubukan niyang tanungin ang kanyang mga alagad kung gayun rin ang pakiramdam nila. Wala silang naisambulat kundi pangamba: Kahit na 200 denaryong tinapay ay di sapat sa ganitong karami! Batid pa rin ni Hesus ang kahinaan ng kanyang mga alagad, at di-pagkaunawa sa realidad na ang di-kaya ng tao ay kaya niya bilang Diyos.
Sa sandaling iyon, may isang batang naparaan na may dalang limang tinapay at dalawang isda. Nakita siya ni Andres at dinala kay Hesus. Imbes na ipagkait sa Panginoon ang kanyang dala, ito ay kanyang ipinaubaya at inialay kay Hesus, sa pag-asang may magagawa siyang milagro mula rito. Hindi nga siya nagkamali.
Kinuha ni Hesus ang tinapay at isda, nagpasalamat sa Ama, pinagpira-piraso ito at ibinigay sa lahat. Mula sa mumunting piraso ng nakayanan, nakakain ang lahat at nabigyan ng kabusugan. Walang hindi nakakain, may sumobra pa! Nang tinipon ang lumabis, nakapuno sila ng labindalawang bakol.
Kailangan mong magbigay ng piraso ng iyong sarili para sa pakinabang ng lahat. Sa panahon natin ngayon na panay "I" at "AKO" ang naririnig natin mula sa karamihan, masasabi nating bihira na ang mga taong inilalaan ang kanilang sarili, panahon at talento para sa pakinabang ng lahat. Sobra na tayong makasarili, wala na tayong pakialam sa pangangailangan ng ibang tao. Mula sa simpleng pagkakait ng pagkain, hanggang sa hindi pagtulong sa pagsulong ng bayan at komunidad, totoong nakapasok na sa lipunan natin ang mga salitang pakialam ko?! Nakakalungkot, subalit ito ang realidad sa ngayon.
Ibigay ang iyong kakayahan para sa iba! Tulad ng batang hindi ipinagkait ang kanyang baong pagkain para mabusog ang lahat, tinatawagan tayong makibahagi sa Misyon ng Panginoon na ikalat ang Magandang Balita sa lahat. Upang maganap ito, kailangan nating ihandog ang ating buong sarili, ang ating kakayahan, ang ating mga talento, para sa kaligtasan ng iba.
Masarap ang maglingkod sa kapwa, hindi iniisip ang sarili, kundi umaasang ang Diyos ang magbibigay sa kanya ng lakas na ipagpatuloy ang nasimulan. sa Banal na Eukaristiya, patuloy na isinasabuhay ng Panginoon ang kanyang pag-aalay ng sarili para sa atin sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanyang Katawan sa Tinapay ng Buhay. Siya ang nag-aanyaya sa atin na, katulad niya, ay ibigay natin ang ating buhay para sa kabanalan ng iba.
Tanungin natin ngayon ang ating mga sarili: Hindi ko ba ipinagkakait sa iba ang aking kakayahan, tulad ng di-pagkakait ng bata sa limang tinapay at dalawang isda? Handa ba akong ialay ang aking sarili para sa pakinabang at kabanalan ng iba?
Sa Domingong ito, mga giliw, ipanalangin natin ang Misyong Pilipino. Nawa'y patuloy silang maging masigasig sa pagsasabuhay ng kanilang misyon na iparating ang Salita ng Diyos sa mga kapatid nating nangangailangan nito. Tayo rin, tulad nila, ay tinatawagang ipalaganap ang Ebanghelyo sa mga kaibigan nating nangangailangan.
Huwag nating ipagkait ang ating sarili... Magpaubaya at ika'y mabibigyan!
Panginoon, inihahandog namin sa iyo ang aming mga kakayahan. Walang maliit na hindi makakatulong para sa aming kapwa. Gamitin mo kami upang ipahayag ang kaharian mo sa buong daigdig. Amen!
===
We had a good journey so far, as we now pass our second year of ministry.
A million thanks to Our Lord God, to Mary, Our Lady of the Rosary, and to Holy Father Dominic for this important event in our online endeavor. Thanks also to my 100% KP Family, my Ave Maria! Family, and the Institute of Preaching Lay Missionaries for letting me share what God has given me for the benefit of his people.
I still have lots to thank for as we reach this mark in our ministry, and yet we still have a long way to go.
I pray that we continue to relish on this weekly dose which gives us life and spirit, especially for the despaired and for those on their down moments.