Hulyo 01, 2012
Ikalabintatlong Linggo ng Karaniwang Panahon
Kar 1,13-15.2,23-24 . 2Cor 8, 7.9.13-15
Mc 5, 21-43
===
Walang imposible kung ito ang iyong nais.
Oo nga naman. Tama ang linyang ito ng isang show sa TV. Walang imposible, kahit na wala nang paraan. Walang hindi magagawa kahit na tayo ay wala na talagang magagawa!
Ang gulo ah...
Pag-usapan muna natin ang Mabuting Balita para sa araw na ito. Dalawang himala ang ating masasaksihan sa pagsaksi ni San Marcos.
Ang una ay tungkol sa Anak ni Jairo na namatay dala ng matinding karamdaman. Nilibak siya ng tao noong sinabi niyang natutulog lamang ito, subalit ang kanyang kapangyarihan ang nanaig higit sa lahat. Ang batang ito ay muling binangon ni Hesus sa kanyang pagsabi ng Talitha Koum.
Ang ikalawa ay tungkol sa isang babae na dinurugo ng 12 taon, wala nang matakbuhang doktor at di mapagaling ng gamot. Sa gitna ng nagkakagulong taumbayan. nagawa niyang mahipo ang damit ng Panginoon, dala ng pananampalatayang gagaling siya, at ito nga ang nangyari.
Dalawang kuwento ito ng pananalig sa Diyos sa kabila ng kawalan ng kakayahan ng tao. Ito ang nagpapatunay na walang imposible kung ito ang iyong nais.
HUWAG KANG MAG-ALINLANGAN; MANALIG KA LAMANG.
Lahat tayo ay may nais marating sa takdang panahon, bagong bahay, kotse, pera, asawa, at iba pa. Para magawa natin ito, gagawin natin ang anumang makakaya natin: magtatrabaho, mag-aaral ng mabuti, at kung anu-ano pang raket ang ating gagawin.
Habang malakas tayo, nagsusumikap tayo. Sinasamantala natin ang panahong bata tayo, matatag sa pangangatawan at walang sakit. Sabi nga, habang bata ka, gawin mo na ang anumang gusto mo. Kung napapansin natin, halos lahat ng kabutihan at kasamaan na ating nagagawa sa buhay ay nangyayari tuwing kabataan natin. Para sa atin, walang imposible basta nagagawa natin ang anumang gusto nating gawin. Ako lang, hindi sila; AKO LANG ANG MAHALAGA.
Ngunit paano na kapag wala na ang lakas? Kapag tayo ay tinamaan na ng sakit na malubha, susubukan nating magpagaling upang makabalik sa dating siklo ng buhay. Sa una, makakaligtas tayo, subalit kapag wala nang nagawa ang gamot at hatol ng doktor, saan tayo tatakbo? Makikita na lang natin, wala na ang bahay, wala na ang kotse, wala na ang pera. Wala nang kwenta... SAYANG!
Higit sa lahat, paano ka sa iyong kamatayan? Lahat ng iyong ipinundar, pinaghirapan at pinagsumikapan, lahat ng ito ay mawawala. Dumating ka sa mundong ito na walang hawak; aalis ka rin at mamamatay na walang dala kundi ang sarili mo. Sa kabilang buhay, ikaw ay titimbangin sang-ayon sa iyong mga ginawa. Paano iyan kung di ka nakapaghanda ng mainam?
Kung ano ang di kaya ng tao, KAYA NG DIYOS! Sa kanyang pagpapagaling sa babaeng dinurugo at pagbangon sa batang babae, pinapakilala ni Hesus ang kanyang kapangyarihang higit sa lakas ng sinumang tao sa daigdig. Sa bisa ng ating pananalig sa kanyang kagandahang-loob, magagawa niya kahit ang imposibleng gawin ng tao.
Kailangan lamang ay manalig tayo at huwag matakot ni magmayabang. Wala tayong magagawa sa ating sariling lakas; kung kasama natin ang Diyos lahat ay ating mapagsusumikapan. Pananalig ang siya nating susi upang mapagtagumpayan ang lahat ng pagsubok ng daigdig. Lahat ng ating paghihirap, kung hindi kasama ang Diyos ay bale wala.
Tanungin natin ang ating mga sarili, ipinapaubaya ko ba sa Panginoon ang lahat sa aking buhay? Tulad ni Jairo at ng babaeng dinurugo, batid ko bang ang Diyos ang puno't dulo ng aking buhay at sa kanya lang ako makakakita ng kagalingan at kaliwanagan sa oras ng problema? O patuloy lamang ako sa araw-araw kong buhay na palaging iniisip ay ang aking sarili?
Pumapasok ngayon ang ikalawang kalahati ng 2012. Marami pa tayong gagawin sa darating na anim na buwan, mga pagsusumikap at pagsubok. Ipaubaya nga natin sa Panginoon ang mga darating na araw at linggo, lalo na ang mga paparating na pagsubok na di natin kakayanin. Manalig tayo sa kanyang kapangyarihan at hayaan natin siya na gumalaw sa ating buhay.
Tunay nga na sa Diyos, Walang imposible kung ito ang iyong nais!
Panginoong makapangyarihan sa lahat, sa iyo namin ipinapaubaya ang aming mga pagsusumikap. Ikaw lamang ang tanging lakas namin lalo na sa oras ng paghihirap at pagsubok. Patuloy mo kaming patatagin, nang aming higit na maunawaan na sa aming lakas ay wala kaming magagawa, at sa iyong paggabay kami ay magtatagumpay. AMEN!
No comments:
Post a Comment