Sunday, July 8, 2012

Titiklop o Tutuloy?

Hulyo 08, 2012
Ikalabing-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Eze 2,2-5 . 2Cor 12,7-10
Mc 6,1-6
===

Naganap kagabi ang isa sa mga kakaibang pangyayari sa telebisyon: isang Reality Show contestant na kinaiinisan ng marami sa mga manonood ang nagwagi. Napuno ang twitter ng hate posts, gayundin ang Facebook. Hindi makapaniwala ang nakakarami na ang taong ayaw nilang magwagi at kinaiinisan dahil sa taglay niyang kaartehan (emphasis mine) ang mananalo ng mahalagang premyo.

Kapag kinainisan ka at ayaw kang tanggapin, ano ang gagawin mo: titiklop o tutuloy?

Ito ang makikita natin sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Sa pag-uwi ni Hesus sa Nazaret, nagpahayag siya tulad ng kanyang nakasanayan. Nais rin niyang ipakilala sa kanyang mga kababayan na dumating na ang kaligtasan sa pamamagitan niya. 

Subalit imbis na pagtanggap at pagkilala, pagkutya at pagtalikod ang binigay sa kanya ng kanyang mga kababayan. Hindi nila siya kinilala dahil alam nila ang kanyang pinagmulan. Paano siya nakakapagsalita ng ganito? (...) Di ba anak siya ng karpintero? Para sa kanila, hangga't wala kang nararating sa lipunan, wala kang karapatang magpahayag ng kasinggaling ng mga pari sa templo o ng mga escriba.

Sa sakit ng ginawa sa kanya, napabulalas si Hesus, Ang propeta'y kinikilala ng lahat liban sa kanyang mga kababayan, kamag-anak at kasambahay. Hindi rin siya nakagawa ng kababalaghan doon, ni bumalik pa. Nakakalungkot man ito para kay Hesus, ay pinagpatuloy pa rin niya ang kanyang nasimulan, ang magpahayag ng Salita sa mga tao sa iba't-ibang dako ng Israel.

Di man tinanggap si Hesus, ay nagpatuloy pa rin siya sa paglilingkod. Hindi ito ang katapusan ng kanyang ministeryo, ito ay nagsisimula pa lamang. Di man siya tanggapin, batid niyang kailangan siya ng higit na nakakarami. Hindi siya nanghina, subalit nagkaroon pa ng sigasig upang ihatid ang kaligtasan sa mas malawak na saklaw: ang daigdig. Ginawa niya ito sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. 

Karamihan sa atin, kapag nakarinig ng masasakit, di na tumutuloy, o kaya kapag napagalitan, nagsasabing 'e di kayo na lang!' Pinapangunahan natin ng emosyon ang ating misyon. Tuloy, nanlalamig tayo at  namamatay na di ginagawa ang atas nating tungkulin bilang Kristiyano. Pinapakita nating di tayo karapat-dapat maging kabahagi ng Kaharian ng Diyos. 

Ito ang pinapakitang aral ng Panginoon sa atin ngayong linggo: Di man tayo tanggapin, kainisan man tayo o gawan ng masama, hindi dapat tayo manghina sa ating pananampalataya! Ang aral ng Panginoon ay hindi ang aral ng mundo, at patuloy itong tinatakwil ng mundo hanggang ngayon. Subalit ganun pa man, dapat tayong magpakita ng sigasig dahil hindi lang naman tayo nag-iisa sa gawaing banal, KASAMA NATIN ANG DIYOS!

Ito ang realidad para sa mga santo na hindi sinuportahan ng sariling pamilya sa kanilang nais na buhay-kabanalan. Ito ang pinatotohanan ng mga martir na pinapatay ng mga pinunong gahaman sa kapangyarihan at salapi. Ito ang ating kasalukuyan, samantalang lumalaban tayo para di-maipasa sa kongreso at maging batas ang mga turo na taliwas sa ating pananampalataya. Ito ang patuloy nating hinaharap sa kabila ng pagsubok, ng di-pagkilala at pagtalikod ng sarili nating mga pamilya at mga kaibigan sa oras na piliin nating gawin ang tama.

Sa ating lakas, wala tayong magagawa, subalit kung lagi nating hihingin ang lakas at Espiritu ng Panginoon, lahat ng bagay ay ating magagawa at mapagtatagumpayan. Ito ang lagi nating tatandaan sa ating patuloy na paggawa ng kabanalan. Talikdan man tayo ng mundo, alam naman natin na tama ang ating ginagawa, at magkakaroon pa rin tayo ng gantimpala, di man dito sa buhay natin sa lupa, kundi sa luwalhati ng kabilang buhay.

Muli nating tanungin ang ating mga sarili, Kapag kinainisan ka at ayaw kang tanggapin sa ngalan ng Mabuting Balita, ano ang gagawin mo: titiklop o tutuloy? Kinikilala mo ba si Hesus sa pamamagitan ng isang buhay na nakatalaga sa kanya? O nagpapatuloy ka lang sa buhay mo na di kinikilala ang Diyos at patuloy siyang tinatakwil sa paggawa ng mali?

Mga Ka-Dose, sa patuloy nating pagpapatuloy sa buhay, wag tayong matakot na humingi ng paggabay sa Panginoon. Tanging siya lamang ang makakapagbigay sa atin ng lakas upang ipagpatuloy ang ating tungkulin ipalaganap ang pagmamahal ng Diyos sa lahat. Di man tayo tanggapin ng mundong ating ginagalawan, di dapat tayo tumikop na lamang; dapat tayong magpatuloy at maging masigasig sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos hanggang sa huling sandali!

Panginoon, hindi ka tinanggap ng iyong mga kababayan sa iyong pagbabalik sa Nazaret, subalit nagpatuloy ka sa pagpapahayag ng Mabuting Balita hanggang sa iyong Kamatayan at Muling Pagkabuhay. Patatagin mo kami sa patuloy naming paglalakbay sa daigdig. Sa oras na kami'y pinanghihinaan ng loob, turuan mo kaming kumapit sa iyong kagandahang-loob; sa oras ng pagtakwil, maramdaman nawa namin ang init ng iyong pagtanggap; sa sandali ng pagtakwil, maranasan nawa namin ang iyong presensyang nagpapaindayog sa buhay. Amen.

No comments:

Post a Comment