Hulyo 22, 2012
Ikalabing-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Jer 23,1-6 . Efe 2,13-18
Mc 6, 30-34
===
Maikli lang ito, dahil anibersaryo na natin next week at doon nakareserba ang malaking bulto ng mga pagninilay. (:p)
Noong isang linggo, ibinahagi ko sa pagninilay (aired over Radyo Manaoag and posted at the AM Fanpage) ang importansya ng ating misyon, na ipalaganap ang Salita ng Diyos na walang inaasahan kundi ang Panginoon lamang. Ngayon, nakabalik na ang mga alagad at nagkwento sa Panginoon ng kanilang karanasan. Pinagbilinan sila ni Hesus na magpahinga muna dahil halatang sila ay pagod.
Dalawang punto ang nais kong ibahagi sa ating pagninilay ngayon:
Lahat tayo ay pagod. Pagod sa trabaho, pagod sa pag-iisip ng solusyon sa problema, pagod sa kakatunganga. Gusto natin, laging may ginagawa, may pinagsusumikapan, at may natatanggap sa ating pinaghihirapan. Nalilimutan na natin ang mga bagay na ukol sa ating mga sarili.
Lahat tayo ay may hinahanap. Minsan sa buhay natin, o di kaya sa mga sandaling ito, may isang bagay na hinahanap natin sa lahat ng mga ginagawa natin sa araw-araw. Gusto nating maging masaya, pero saan natin makikita ito? Minsan nga, kahit yung mga masasamang bagay, gagawin natin para makita ang bagay na ito: KALIGAYAHAN.
Subalit makinig tayo sa salita ni Hesus. Nag-aanyaya siya sa araw na ito na magpahinga tayo. Pahinga mula sa bigat ng pagsubok, pahinga mula sa pagod ng araw-araw. Iniimbitahan niya tayo na tumigil at hanapin ang tunay na kaligayahan, na tanging siya lamang ang makakapagbigay.
Masasabi nating imposible ito, na magpahinga sa piling niya, dahil di naman niya alam ang ating pinagdadaanan sa araw-araw. Ngunit bakit hindi natin subukan? Pagod na tayo sa mga gawing pang-mundo, nalilimutan na nga natin ang para sa ating sarili, bakit nga ba hindi natin pakinggan ang tinig ng Diyos, na siyang pastol nating totoo?
Kung nais talaga nating maramdaman ang tunay na hinga-hinga rin, isa lang ang dapat nating gawin: pakinggan ang tinig ng Panginoon. Magpahinga, at masusumpungan ang tunay na paggabay ng Pastol :)
No comments:
Post a Comment