Saturday, September 8, 2012

Walang hiwalayan!

Setyembre 08, 2012
KAPISTAHAN NG PAGSILANG NG MAHAL NA BIRHENG MARIA
Mi 5,1-4a o kaya Rm 8,28-30
Mt 1,1-16.18-23
===

Maraming nagsasabi, sinasamba natin si Maria parang Diyos. Mula sa kaarawan, hanggang sa pag-akyat sa klangitan, ipinapakita daw natin ang ating pagpupuri at pagluwalhati na dapat daw ay sa Diyos lamang binibigay, inilalaan at inihahatid. Sabi nila, kahit pagbalik-baliktarin ang mundo, hindi maitatanggi na ang pinapakita nating pagmamahal kay Maria ay isang uri ng pagsamba, wala nang dili't iba.

Bakit? Wala ba silang mga ina? Kung paano natin inaalayan ng paggalang at pag-ibig ang ating mga ina na nag-aruga, nagmahal at nagtaguyod sa atin, gayun din, naglalaan tayo ng isang espesyal na puwang para sa Ina na naghatid sa atin ng isang dakilang biyaya: ang ating Tagapagligtas. 

Sa kanyang kaarawan, ay may paalalang hatid ang Anghel. Sa takot ni Amang Jose na mapahiya si Maria sa komunidad, ay pinagpasyahan niyang hiwalayan ito ng lihim, nang biglang lumitaw ang Anghel sa kanyang panaginip, Huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat siya ay naglilihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng Lalaki at tatawagin mo itong Hesus... 

Mula sa pagkatakot, nagkaroon ng tapang si Jose na tanggapin si Maria sa kanyang tahanan at ituring na anak ang Anak ng Panginoon. Buong-puso niyang minahal ang biyaya ng Diyos na dumating sa buhay niya. Sa mata ni San Jose, wala nang ibang mas mahalaga kundi ang arugain at tanggapin ang biyaya ng Panginoon na kapiling niya: si Maria at si Hesus. Hindi maipaghihiwalay ang Ina at ang Anak, at hindi rin niya maihihiwalay ang kanyang sarili sa kanilang dalawa. Ang resulta: isang Banal na Mag-anak.

Katulad ni Jose, tayo rin ay natatakot na tanggapin ang Panginoon, kahit sa munti at lalo na sa mabibigat na sandali ng ating buhay. Madalas nating sinasabi, pinapabigat lang ng Diyos ang mga pasanin natin. Tinatanong natin kung bakit niya pinapahintulutang malagay tayo sa peligrong kaliwa't-kanan. Nagdududa pa nga tayo kung nandiyan siya, kung nakikita niya ang pagsubok natin, o kung bakit niya pinapahintulutang mapahamak tayo kapag panahon ng sakuna.

Pero tulad rin ba ni Maria, tinanggap ba natin ang Panginoon sa kabila ng lahat? Sa pagsaksi ng Mahal na Ina sa kagandahang-loob ng Panginoon, hindi natin maikakaila na tayo man, sa ating kahinaan, ay maaari pa ring maramdaman ang pagmamahal at kagandahang-loob ni Hesus. Buksan lamang natin ang ating mga puso sa kanya at makakaasa tayo ng lakas at tatag na dulot ng Panginoon.. 

Magagawa natin ito sa halimbawa ni Maria na unang naglaan para maganap ang ating kaligtasan. Hindi natin maihihiwalay si Maria sa ating pag-asam para sa buhay na walang hanggan. Paano nga ba masasabing nailigtas tayo kundi sa pagtanggap ni Maria ng Magandang Balita? Hindi maipaghihiwalay si Hesus at si Maria, ang Anak at ang kanyang Ina, ang Liwanag at ang nagdala ng Liwanag. 

Ngayong kaarawan ni Maria, siyasatin natin ang ating sarili, at tanungin: Naging bukas nga ba ako sa kagandahang-loob ng Diyos tulad ni Maria? Ikinimkim ko lang ba sa aking sarili ang mga pangamba ko, o ipinaubaya ito sa Panginoon, natitiyak na kalooban niya ito?

EMMANUEL: Sumasaatin ang Diyos. Sa ating pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagsilang ng Inang Maria, tinatawag tayo na patuloy na ipaubaya sa kanya ang ating mga alinlangan at pagsubok sa buhay. Hindi malayo ang Panginoon, lagi natin siyang kapiling. Hindi rin malayo si Maria, siya ay nariyan, handang gumabay sa atin. Hindi maipaghihiwalay si Maria at si Hesus; wag rin nating ihiwalay ang ating mga sarili sa Diyos sa pamamagitan ni Maria!


Maria, aming Reyna at Ina,

Sa isang taon naming paglalakbay , kami ay iyong sinamahan. 
Sa kabila ng mga pagsubook na aming hinarap, 
patuloy mong inilalaan ang iyong mga mapagmahal na kamay upang aming tangnan.
Ipinaramdam mo sa amin na hindi kami nagiisa,
na ang buhay na ito ay mayroong halaga 
at ang aming itinataguyod ay ang Diyos na iyong ipinapakilala. 

Aming ipinagbubunyi ang bunga ng pagsusumikap. 
Sa iyong tulong at paggabay, kami ay umasa. 
Ngayon ay aming nararamdaman ang walang maliw na pagkalinga 
sa aming munting ministeryo sa makabagong panahon. 

Tunghayan mo kami, iyong mga anak, 
at ang aming mga panalangin ay iyo sanang kalugdan. 
Pasasalamat nami’y walang humpay 
mula sa aming mga pusong walang tigil na nagpupugay. 

Kay Hesus na iyong Anak, kami’y iyong ilapit. 
Kami’y pagkaisahin, isang bayan, isang lipi. 
Sa langit na tahanan, kami ay dalhin. 
Aveng walang katapusan, laging sasambitin.

AMEN! AMEN!

No comments:

Post a Comment