Friday, September 14, 2012

UGNAYANG-KRUS

Setyembre 14, 2012
KAPISTAHAN NG PAGTATAMPOK SA BANAL NA KRUS
Bil 21, 4b-9 . Fil 2, 6-11
Jn 3.3-17
===

Sa nakaraang pagninilay natin ukol sa Kapistahan ng Pagtampok sa Krus, nakita natin kung gaano kahalaga ang papel ng Krus sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ang Krus na dating parusa, ngayo'y naghahatid ng pag-asa na ang tulad nating nahihirapan ay maluluwalhati rin sa biyaya ng Panginoon.

Sa pagkakataong ito, pagnilayan natin ang hiwaga na taglay ng Krus, ukol sa ugnayan natin sa Diyos at sa kapwa. 

Pansin ninyo, dalawang linyang pinagkaisa ang Krus - intersection, kung baga? Isang pahiga at isang pababa, na pinag-ugnay sa gitna, iyan ang Krus. Sa lahat ng uri ng parusa, ito ang iginawad kay Hesus ng mga Hudyo, hindi ang pagbato (na maraming beses lang na dinaanan ni Hesus), ni ang paghampas sa haligi (na dinanas niya bago ipako sa Krus), kundi ang pagpasan at pagpako sa Krus na itinuturing noon na pinaka-nakakahiyang parusa sa lahat.

Subalit ito nga ang tinanggap ni Hesus, niyakap niya ang pasang Krus, dinala hanggang Golgota at doo'y namatay para sa atin. Minsan niyang sinabi, Kapag ako'y itinaas, ilalapit ko ang lahat sa aking piling. At ito nga'y nagkatotoo sa mapait na sandaling iyon.

Mistulang puno, muling nagka-ugnay ang nilikha sa kanyang Manlilikha. Sa patayo nitong anggulo, nakita kung paanong muling pinagkaisa ni Hesus ang daigdig na nadapa sa kasalanan sa kanyang Ama na patuloy na naghihintay para sa kanilang pagbabalik. Sinabi niya, Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, isip, kaluluwa at lakas, at hindi siya nanliming ipakita ang katotohanang ito sa kanyang kamatayan sa Krus. Ang buhay niya ay isang perpektong alay at halimbawa ng pag-ibig sa Diyos 

Paglingap sa kapwa, inugnay niya ang kanyang katauhan sa ating kahinaan. Tanda natin ang magnanakaw na nagsumikap na ipaubaya kay Hesus ang kanyang buhay sa oras ng kagipitan. Hindi ito ipinagkait ni Hesus sa pagsabi,  ngayon di'y ipagsasama kita sa Paraiso. Pako man ang hadlang, ninais pa rin ng nagtitikang makasalanan na matanggap ang biyaya ng Panginoon, at hindi ito nabigo sa kanyang naisin.

Pag-isahin natin ang ugnayan sa Diyos (pababa) at ang ugnayan sa kapwa (pahiga), at ang mabubuo natin ay isang Krus! Ang Krus nga ang instrumento at tanda ng ating ugnayan tungo sa kabanalan at kaganapan ng ating buhay.

Ugnayang-Krus ang siyang susi tungo sa kaganapan ng ating buhay! Minsan, nakakalimutan nating ihandog ang ating buhay para sa Diyos, ni para sa ating kapwa. Para sa ilan, hindi na nila kailangan ang Diyos dahil sila naman ang nagsusumikap para sa buhay nila. Di rin nila kailangan ang kapwa dahil panggulo lang tayo sa tagumpay nila. 

Subalit di natin natatalos na sa ating pakikipag-ugnayan makikita ang tunay na halaga ng buhay. Di natin nakikita na sa ating pakikiniigan makikita natin na tayo rin ay nangangailanganng buksan ang ating sarili para sa pangangailangan ng iba, upang tayo rin ay mabigyan ng ating pangangailangan. Masyado tayong nakadepende sa ating sarili, na di natin napapansin na kailangan rin tayo ng Diyos upang ipahayag ang kanyang kabutihan sa lahat at kailangan tayo ng ating kapwa upang maunawaan ang mukha ng Diyos.

Sa halimbawa ni Kristong napako sa Krus, tayo ay makakasumpong ng unawa ukol sa bagay na ito. Ano pa nga ba't nagawa ni Kristo na iwan ang lahat ng rangya ng langit at kinuha ang pagiging alipin natin upang tayo'y maging kaisa niya sa Luwalhati! Inialay niya ang kanyang sarili sa Krus at dahil dito, siya'y tinampok ng Panginoon. (Ikalawang Pagbasa) Sa kanyang pakikipag-ugnay, naranasan natin ang isang pagmamahal na higit sa lahat ng pagmamahal, ang paghatid sa atin tungo sa buhay na walang hanggan. 

Hindi tayo nag-iisa sa mundong ito, kailangan nating makipag-ugnay! Ang Diyos na siyang lumikha sa atin, at ang ating kapwa na ating kaisa sa gawaing ukol sa kabanalan, ay naghihintay sa ating pakikiisa at pakikiramay. Iugnay nga natin ang ating mga sarili, tulad ni Kristo na di nagdalawang-isip na ialay ang buhay upang iugnay tayo sa kanyang Ama, at tayo sa ating kapwa.


1 comment:

  1. Hello, napadaan lang. Minsan lang ako makakita ng religious blogs kaya naglalaan ako ng konting panahon para makapagbasa. Nakita ko nga pala ang link sa Blogs ng Pinoy. Thanks. Ric

    ReplyDelete