Setyembre 16, 2012
Ikadalawampu't-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Is 50, 5-9a . San 2,14-18
Mc 8,27-35
===
Nagtatanong si Hesus ngayon, Sino ako para sa inyo?
May sinabi ang professor ko noon, If you don't want to know me, then fine, but if you want to know me, come walk with me. Kung nais nating makilala ang isang tao ng malaliman, dapat ay matutunan natin ang kanyang mga gawi, mapakinggan ang kanyang mga hinaing, in short, dapat alam mo ang lahat ng bagay tungkol sa kanya mula ulo hanggang paa.
Ito siguro ang umiikot na diwa sa ating Ebanghelyo sa linggong ito. Sa Ceasarea, nagtanong si Hesus, Sino ako para sa inyo? Batid naman ni Hesus na siya ang Anak ng Diyos, subalit nais niyang marinig rin ang pananaw ng higit na nakakarami tungkol sa kanyang paglilingkod.
Maraming binigay na sagot ang mga Alagad: si Elias, si Juan Bautista, subalit umangat ang sagot ni Pedro: Ikaw ang Kristo! Isang pagpapahayag ng pananampalataya na, sa Ebanghelyo ni Mateo, ay magbibigay kay Pedro ng isang pribilehiyo, sa kanyang pangunguna itinayo ni Hesus ang Simbahan na kinabibilangan natin ngayon.
Subalit may kakaibang pangyayari sa pagpapahayag ngayon. Samantalang sinasabi ni Hesus na siya ay papahirapan, mamamatay ngunit muling mabubuhay, pinagsabihan rin siya ni Pedro na huminto. Ngunit sinabi ni Hesus, Lumayo ka Satanas! Hindi pag-iisip ng Diyos ang ipinapakita mo, ngunit isip ng tao. Sa ibang salita, kilala nga ni Pedro ang pagkatao ni Hesus, ngunit hindi niya tanggap ang kanyang mga gagawin at haharapin. Di ba nga, nagawa pa ni Pedrong itatwa si Hesus?
Ikaw ang Kristo! Ito rin ang naririnig natin sa bibig ng karamihan sa atin, kilala natin si Kristobilang ating tagapagligtas, isang Kuya na nakikinig sa ating mga hinaing, isang manggagamot sa ating mga karamdamang pangkaluluwa at katawan, isang dakilang tao at Diyos. Dahil kilala natin si Kristo, nagsisimba tayo at nagdarasal. Dahil kilala natin si Kristo, pinapahayag natin ang kanyang Salita sa lahat.
Ngunit pag nagkaproblema, kilala mo pa ba si Kristo? Kinapos ka ng pera, bigla kang nagkasakit, nasunugan o nanakawan ka, o dumating ang isang mabigat na pagsubok sa buhay mo na feeling mo ay wala ka nang makapitan. Kapag naka-abot ka sa puntong ito, hati na ang ating reaksyon. May ibang patuloy na kakapit sa pagkakakilala nila kay Hesus, subalit higit na nakakarami ang bibitaw, manunumbat, at hindi na maniniwala, dahil di daw pinakinggan ni Hesus "na yan" ang kanilang hinaing.
Kung nais ninyong sumunod sa akin, talikdan ninyo ang ukol sa inyong sarili, pasanin ang inyong Krus at sumunod sa akin!
Ang mga salitang ito ni Hesus ang nagsisilbing salamin natin sa linggong ito. Kung kilala natin si Hesus, ay kaya natin siyang sundan maging sa oras ng problema. Hindi lamang natin ipapakita ang pananalig sa oras ng kasiyahan, kundi at higit sa lahat ay sa oras ng kahirapan. Akala ng iba ay wala ang Diyos sa oras ng pagsubok, ngunit dito sila nagkakamali.
Ang pagsubok ay nariyan, hindi upang ibagsak tayo, kundi upang ilapit tayong lalo sa Panginoon. Dito tayo nakikilala bilang mga tapat niyang tagasunod. Kung tayo ay tunay na mga Kristiyano, hindi natin sisirain ang ating pagkakilala kay Hesus nang dahil sa mga problema, bagkus ay lalo tayong kakapit sa kanya. Hindi tayo nagtitiwala ng labis sa ating kakayahan, kundi umaasa pa rin tayo sa kagandahang-loob ng Panginoon. Sa ibang salita, kilala pa rin natin si Hesus sa kabila ng lahat ng bigat at pagsubok ng buhay.
Ang nagnanais na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng buhay alang-alang sa Mabuting Balita ay magkakaroon nito.
Matatanong natin, Kilala nga ba natin si Hesus sa hirap at ligaya? Hanggang pangalan lang din ba ang pagkakakilala natin sa kanya, o pinipilit nating sundan siya sa kabila ng mga problema?
Sa Banal na Eukaristiya, patuloy na pinapakilala ni Hesus ang kanyang sarili bilang pagkain na magbibigay sa atin ng lakas na harapin ang pagsubok ng buhay. Sa araw-araw na pamumuhay, nagpapakilala siya bilang isang kapatid na handang makinig sa atin sa oras ng kagipitan. Humingi pa tayo ng banal na katatagan upang makilala pa natin siya ng malaliman. Sa kanya lang natin masusumpungan ang buhay, dapat pa natin siyang kilalanin na tunay!
Panginoong Hesus, ikaw ang Kristo na siya naming tagapagligtas sa pamamagitan ng iyong kamatayan at muling pagkabuhay. Tulungan mo kaming makilala ka ng lubusan, hindi lamang bilang Diyos, kundi bilang isang kapatid at kaibigan na laging handang makinig sa amin sa bawat sandali. Nawa ay masundan ka namin sa hirap at problema, sa ligaya at tagumpay, hanggang sa walang hanggang buhay. Amen!
===
Next week's Ur Dose will be aired over 102.3 FM Radyo Manaoag, so watch out for it! ^^
No comments:
Post a Comment