Febrero 13, 2013
MIYERKULES NG ABO
Jl 2,12-18 . 2Cor 5,20-6,2
Mt 6,1-6.16-18
===
Sa tagal na ng buhay mo sa mundo, imposibleng magulat ka pa kung may makita kang may abo sa noo ngayon. Minsan nga di pa hugis-Krus, kundi may tuldok, may bilog at may star pa. (:p)
Anuman ang itsura, basta may makita kang abo na nasa noo, ang unang papasok sa isip mo ay ang dahilan ng pagdiriwang sa araw na ito.
"Ay, Ash Wednesday na nga pala. Di pa ako nakakasimba!"
Matik na sa atin na ang Miercules de Ceniza ang hudyat ng pagsisimula ng Panahon ng Cuaresma. Sa pagpahid (o paglalagay) ng abo sa noo ay isinasa-alang-alang natin ang ating katayuan sa mundong ito: babalik tayo sa alabok na pinagmulan natin - in short, mamamatay rin tayo. Pinaghahandaan na rin natin ang Pasko ng Pagkabuhay ni Hesus, ang dahilan ng ating kaligtasan, sa pamamagitan ng pananalangin, pag-aayuno at paglilimos. Kalakip nito ang taimtim na pananampalataya sa kanyang pagmamahal at katapatan sa atin.
Medyo dramatic nga lang ang pagdiriwang natin ng Ash Wednesday ngayong taon. Noong Lunes, nabalitaan natin na magbibitiw na sa tungkulin ang Santo Papa Benito XVI. Isa itong balitang ikinagulat ng buong Santa Iglesia, na nasanay na ang Papa ay maglilingkod hanggang sa kamatayan. Totoo ito, subalit para kay Papa Benito, batid niya na hindi na kaya ng kanyang katawan at kalusugan ang hamon ng makabagong panahon, at may isang mas kakayanin ang lahat ng kanyang ginagawa sa ngayon bilang Bikaryo ni Kristo.
Para sa iba, ito ay tanda na duwag ang Santo Papa, na hindi niya kayang harapin ang hamon ng makabagong panahon, kung saan nagbabago ang pananaw ng tao sa moralidad. Ngunit hindi ito ang nasa isip ng Papa; bagkus ito ay ang kanyang pagtugon sa tawag ng Panginoon na magpahinga mula sa mabibigat na hamon na hinaharap ng Simbahan. Ito ay tanda ng kanyang kababaang-loob, ng pagbatid na may mas makapangyarihan pa sa kanya, at pagtanggap sa realidad ng kanyang buhay na malapit nang bumalik sa alabok, sa Diyos na may-likha.
At di ba nga ito ang panawagan ng araw na ito, na tayo ay nagmula sa alabok at doo'y babalik rin tayo? Madalas nating iniisip na mahaba pa ang buhay natin, na marami pa tayong oras para bumalik sa Diyos kaya birada lang tayo sa pagmamayabang at pagkakasala.
TIGNAN NINYO, NARITO NA ANG PANAHONG NARARAPAT; NARITO NA ANG PAGLILIGTAS!
Tama nga siguro si Pablo sa kanyang paaalala, na sa pagsapit ng Cuaresma, ay dumarating sa atin ang isang panibagong pagkakataon na ihanda ang ating sarili sa pag-alala sa kaligtasang hatid ng kamatayan ni Kristo, paghahandang hindi makikita sa isang buhay na puno ng yabang at sarili, sa pagpapakitang-tao o sa paglublob sa sarili sa buhay ng pagkakasala.
Ang paghahanda na kailangan, ay ang paghahanda na taglay ang pusong nagsisisi sa mga pagkakamali, at buhay na handang magsakripisyo para sa Panginoon. Hindi ipinagmamakaingay ang ginagawang tama at mabuti, kundi ipinapaubaya sa Diyos ang lahat, taglay ang pananampalataya na nakikita ng Amang butihin ang kanyang ginagawa. Hindi bulag ang ating Diyos; binibiyayaan niya ang lahat ng nagsisilbi sa kanya ng tapat kahit na di alam ng madla.
GAGANTIMPALAAN KAYO NG AMANG NAKAKAKITA NG BAGAY NA GINAGAWA MO NG LIHIM.
Kuwaresma na naman, mga giliw! Muli na naman tayong tinatawagan na pagnilayan ang dakilang pagliligtas na ginawa ni Hesus. Itutulad na naman ba natin ito sa nagdaang mga Kuwaresma na lumipas na walang nagbago sa atin? Handa ba tayong ibaba ang sarili at tanggapin ang realidad na tayo ay babalik sa alabok, babalik sa Diyos?
Ipanalangin natin ang Santo Papa sa kanyang pagbaba mula sa upuan ni Pedro, na patuloy niya tayong mapangunahan na taglay ang pusong mapagpakumbaba, pusong tulad ng isang Ama sa kanyang mga anak. Ipanalangin natin ang buong Simbahan - na walang iba kundi tayo - upang maipagdiwang natin ang Kuwaresma na puno ng pagpapasalamat sa hatid ng ating pananampalataya: ang ating Kaligtasan.

No comments:
Post a Comment