DAKILANG KAPISTAHAN NG PANGINOONG HESUKRISTO, HARI
Nobyembre 25, 2012
Dn 7,13-14 . Ph 1,5-8
Juan 18,33-37
===
The truth hurts, ayon sa isang kasabihan. Kapag humarap tayo sa isang bagay na totoo, alam nating kahit paano ay mababago nito ang mga pananaw natin sa buhay, sampu ng lahat ng tao sa paligid natin. Kahit paano, ang katotohanan ang magtataas o magbabagsak sa isang bagay, tao o pangyayari. Ito ang magsasaad kung tama o mali ang gawi natin. Sa isang salita, ang katotohanan ang isa sa mga mahahalagang pinanghahawakan natin, anuman ang estado o gawain natin sa buhay.
Ito rin ang pinapakilala ni Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon, ang Huling Linggo sa Taong Liturhikal B. Sa gitna ng tinding hirap na kanyang binabata sa magdamag na siya'y inuusig, lakas-loob niyang pinahayag sa harap ni Pilato na siya'y Hari! Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan, upang magsalita tungkol sa katotohanan.
Marami sa atin ang nagtatanong, bakit nga ba natin ipinagdiriwang ang Pistang sa dulo ng taon? Ano ang halaga para sa atin ng isang Hari na di naman natin kilala ni nakita? Totoo nga ba siya? Kung babalikan natin ang kasaysayan ng kapistahang ito, makikita natin ang isang kabalintunaan. Sa Quas Primas ni Papa Pio XI, pinahayag ng Banal na Papa ang paghahari ng maka-mundong mga pananaw, lalo na ang komunismo na talamak noong panahong iyon.
Para sa mga makamundong pinuno, hindi umiiral ang Diyos, at kung umiral man siya ay wala siyang pakialam sa mga gawain ng mundo. Wala siyang karapatang mamuno sa kanila sapagkat di naman nila siya nakikita, ni nararamdaman. Higit sa lahat, isa siyang hadlang upang makapaghari sila sa paraang kanilang gusto. Katulad ni Pilato, kanilang sinasabi, hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka at kapangyarihang ipapako ka sa Krus? (Jn 19,10)
Subalit hindi ito ang totoo! Sa Krus, samantalang siya ay nakapako, ay pinakilala ni Hesus ang kanyang paghahari na hindi lamang nakatuon sa makamundong pananaw tulad ng tinuran sa taas; ang kanyang paghahari ay isang ubod ng pagmamahal at sakripisyo. Si Hesus ay hari na handang ialay ang sariling buhay para sa lahat ng umaasa sa kagandahang-loob ng Panginoon. Hindi ito kaya ng mga pinuno ng sanlibutan, ni magawa kailanman.
Christ as our Redeemer purchased the Church at the price of his own
blood; as priest he offered himself, and continues to offer himself as a
victim for our sins. Is it not evident, then, that his kingly dignity
partakes in a manner of both these offices? [Quas Primas, 16]
Hindi ito kayang gawin ng mga taong umaastang "pinuno," dahil sa dignidad na dala ng pangalan o puwesto nila. Ayaw nilang mapahiya, ni plumakda. Gusto nila na sila ang masusunod. Subalit ang paghahari ni Hesus ay hindi paghahari bilang "boss" na uutusan tayong gawin ang anumang gusto niya. Naparito siya, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod. Pinakita niya ito sa kanyang kamatayan sa Krus.
Ito ang katotohanang hinarap ni Hesus sa sandaling iyon na kaharap niya si Pilato. Ito rin ang patuloy niyang pinapakilala sa bawat isa sa atin, lalo na sa mga taong ayaw pa rin siyang tanggapin, ni yakapin ang katotohanang kanyang taglay. Patuloy na naghihintay si Kristong Hari para sa atin na kanyang mga iniligtas upang kilalanin siya at tanghalin na Hari ng kanilang buhay.
Sukat nating tanungin ang ating mga sarili sa araw na ito, Ano nga ba ang itinuturing kong totoo? Kinikilala ko ba si Hesus na Hari sa aking buhay, o patuloy lang ako sa buhay kong walang panginoon kundi ang sarili ko?
Sa ating pagtatapos sa isang Taong Liturhikal, muli nating subukang tuklasin ang kagandahang-loob ng Panginoon na patuloy na naghahandog ng kanyang kagandahang-loob para sa atin. Si Hesus ang nagpapakilala sa atin ng katotohanan, na siya ang Hari ng ating buhay at wala nang iba. Walang halong pangamba, makakaasa tayo sa patuloy niyang pagdamay sa ating lahat. Manalig tayo sa kanya at itanghal nating siya bilang Hari ng buong sanlibutan! Iyan ang totoo!
Panginoon, patuloy naming hinahanap ang katotohanan sa mga maling bagay. Buksan mo ang aming mata upang makita namin ang tunay na katotohanan: na Ikaw ang Hari at Diyos ng aming abang buhay. Maghari ka sa amin! Amen!