Setyembre 23, 2012
Ikadalawampu't-limang Linggo sa Karaniwang Panahon
Kar 2,12.17-20 . St 3,16-4,3
Mc 9,30-37
===
Kapag ang bata, sumita sa matanda, masakit, kasi feeling natin matalino tayo.
Kapag ang bata, nakakita ng mali, nagtatagal sa isip niya at nagiging tama.
Kapag ang bata ay masaya o malungkot, nahahawa pati matatanda.
Ito ang katangian ng isang bata na hindi natin matatanggal sa kanya. Walang inaalala, kundi yung mga bagay na nagpapasaya sa kanya. Simple lang ang pamumuhay, maghangad man ay yung mga sakto na makakapagpasaya lang sa kanya. Naghahanap ng pagmamahal mula sa mga totoong tao sa paligid niya. Sa ibang salita, ito ang bata, mababa ang loob, totoo sa sarili, at tunay na nakikita ang masasayang bagay sa lahat.
At sa ating Ebanghelyo ngayon, ay binibigyan sila ng higit na importansya ng Panginoong Hesus. Ang tumanggap sa mga maliliit na ito ay tumatanggap sa akin, at sa nagsugo sa akin.
Ito ang binigay na sagot ni Hesus sa pagtatalu-talo ng mga alagad kung sino nga ba ang mas angat sa Kaharian ng Diyos. Pataasan sila ng ihi, kung sino ang malapit kay Hesus o kung sino ang mas nakakatupad sa mga turo niya, o kung sino ang mabait sa kapwa. Akala nila, ito ang sukatan upang maging dakila sa lahat. Iniisip kasi nila, the more you do good, the more chances of winning!
Ngunit hindi ito ang totoong pamantayan ni Hesus. Sa harap ng pagtatalu-talo ng mga Apostol ay sinabi niya, Kung may nais na mauna sa inyo, maging huli siya sa lahat at maglingkod sa lahat! Sabi nga, to serve and not to be served. Hindi narito ang Kristiyano upang magmayabang na naglilingkod siya kundi ang maglingkod sa katahimikan.
Ito ang madalas na problema ng ating panahon, kung may ginawang mabuti, ipapangalandakan pa. Dapat broadcast na broadcast sa apat na sulok ng daigdig na tumulong siya. Laman siya ng balita na namamahagi ng relief goods sa mahihirap, nagbibigay ng livelihood o nagpatayo ng ganitong building para sa eskwelahan. Tinitingala sila ng madla at sinasabi, ay, ang galing niyan, ganito at ganyan!
Subalit ganito nga ba ang hinahanap ni Hesus? Hindi! Kung nais nating maglingkod, di na kailangang ikalat pa, mas magandang gumawa at maglingkod sa katahimikan at kababaang-loob sa halip na ipangalandakan at magmataas. Tulad ng isang bata na tapat sa sarili at naghahanap ng simpleng kaligayahan at pagmamahal, tinatawag tayo na maging lingkod at hindi maging lingkod-lingkuran.
Sa ating pagninilay sa araw na ito, tignan natin ang huwaran ni Inang Maria na patuloy na sumunod sa kalooban ng Panginoon sa kabila ng lahat. Ni minsan, hindi natin siya narinig na ipinangalandakan niya na magiging Ina siya ng Panginoon, hindi siya nagmataas sa kabila ng biyayang kaloob sa kanya ng Panginoon. Bagkus, nanatili siyang mababa, tapat sa kanyang salita at tunay na nanalig sa biyaya ng Diyos. Kung may nangunguna mang halimbawa sa Ebanghelyo natin sa araw na ito, ito ay walang iba kundi si Maria na kanyang Ina na tahimik na tinanggap ang lahat at nagsumikap na maganap ang kalooban ng Diyos sa kanyang buhay.
Tanungin natin ang ating sarili sa sandaling ito, tapat nga ba ako sa paglilingkod? Tulad nga ba ng isang bata, nagsusumikap ba akong paglingkuran ang aking kapwa ng tapat, na hindi iniisip ang sarili, o katulad ba ako ng karamihan na mas inaalala ang pangalan at dangal kaysa sa tunay na paglilingkod sa ating kapwa?
Sa ating lipunan na panay pangalan ang mahalaga, humingi tayo ng awa at tulong sa ating Panginoon na maging patuloy tayong tapat sa ating pananampalataya sa kanya. Hindi tayo uunlad sa ating buhay-Kristiyano kung hindi natin ipapaubaya ang lahat ng ating mga aalalahanin at gawain sa kanya. Sa ating lakas, wala tayong magagawa, ngunit sa kanyang tulong, makakaasa tayo na tayo rin ay iaangat niya sa huli, basta manatili lang tayong tapat sa kanya at sa paglilingkod sa ating kapwa, tulad ng isang bata.