Oktubre 21, 2012
Ika-dalawampu't-siyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
CANONIZATION OF BLESSED PEDRO CALUNGSOD
World Mission Sunday
Is 52,10-12 . Heb 4,14-16
Mc 10, 35-45
===
Madalas natin itong naririnig sa mga politiko, ako'y maglilingkod ng tapat sa inyo, basta iboto nyo lang ako! Nangangako silang mananatiling tapat sa mandatong binigay natin sa kanila bilang ating mga pinuno. Naniniwala tayo na sa oras na iboto natin sila, ay gagawin nila ang dapat nilang gawin, subalit hindi pa rin naman ito nagkakatotoo sa karamihan ng mga politikong ating nakasalamuha sa paglipas ng panahon. Magtitibag ng kalsada, tapos ipapaayos ulit, sabay lagay ng tarpaulin ng mukha niya na may katagang "Paglilingkod-bayan ni..."
Ano nga ba ang paglilingkod?
Marami sa atin ang nais na maglingkod dahil sa magiging epekto nito: makikilala tayo, magiging sikat o kung ano pa. Madalas nating iniisip na malaki ang magiging balik sa atin kapag tayo ay naging sikat dahil naglilingkod tayo. Gusto natin, laging tayo ang nangunguna. Ito, para sa atin, ang kahulugan ng salitang Paglilingkod.
Ano nga ba ang paglilingkod?
Sa ating Ebanghelyo ngayon, pinapakilala ng Panginoon ang tunay na halaga ng paglilingkod, Ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At ang sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat.
Hindi nalalayo ang pananaw ng mga Hudyo noon sa pananaw natin ngayon tungkol sa paglilingkod. Para sa kanila, kailangan na ang paglilingkod ay may kasamang pagpapakilala, katanyagan. Kailangan mapalakpakan sila para masabing naglilingkod talaga. Sarili lang ang iniisip, hindi talaga mahalaga ang taong pinaglilingkuran.
Para kay Hesus, ang tunay na paglilingkod ay hindi ang pagpapakilala, ni ang tanyag. Ang tunay na paglilingkod ay ang pagsisimula sa ibaba, sa piling ng mga pinaglilingkuran. Hindi kailangang makilala ka, ang mahalaga ay naibibigay mo ang iyong talento at oras para sa iyong kapwa. Hindi mo rin masasabing nakakapaglingkod ka ng ganap kung hindi mo nagagawang ibagay ang iyong buhay sa mga taong iyong pinaglilingkuran.
Para sa ating Panginoon, kailangang tapat ka at totoo sa iyong pinaglilingkuran. Sa iyong paglilingkod, kinakalimutan mo ang iyong sarili at inilalaan ang iyong panahon at oras para sa Panginoon at kapwa. Sa ngalan ng iyong pinaglilingkuran, handa mong ilaan ang iyong buhay, handa kang mamatay para sa kanila.
Mismong ang Panginoon ang nagpakita ng halimbawa ng paglilingkod! Sa kanyang pagkakatawang-tao, binitawan niya ang kanyang pagka-Diyos upang makipamuhay sa piling natin. Sa kanyang kamatayan, ipinaunawa ni Hesus ang tunay na paglilingkod: ang ihandog ang buhay alang-alang sa kanyang mga pinaglilingkuran. Sa kanyang pagkabuhay na mag-uli, nakamtan niya ang kaganapan ng kanyang paglilingkod, siya ay niluwalhati at ngayo'y ating sinasamba at pinasasalamatan.
Tignan natin si Pedro! Sa kanyang murang edad, ay naglingkod si Pedro sa Panginoon sa pamamagitan ng pakikiisa sa misyon ng mga Heswita sa mga Chammoro ng Marianas (Guam). Alam niyang mapanganib ang misyon, subalit siya ay naging masigasig na dalhin si Kristo sa mga taong di pa nakakakilala sa kanya. Hindi iniisip ang kanyang kapakanan, bukal sa puso niyang inialay ang kanyang buhay para sa Ebanghelyo, nang siya ay patayin ng mga pinunong Chammoro na hindi tanggap ang kanilang itinuturo.
Ngayon, tatanghalin na ng Inang Simbahan si Beato Pedro Calungsod bilang isang ganap na Santo, ang ikalawang Santo ng Pilipinas, at huwaran ng kabataan. Si Pedro ay isang huwaran sa atin na ano man ang ating edad, o kapasidad, ay kaya pa rin nating ipakilala si Kristo sa lahat, at makakaasa tayong may gantimpala ang bawat mabubuting gawain.
Tayo rin ay kanyang sinusugo sa isang misyon, na ilaan ang ating buhay para sa ating kapwa, na ipahayag ang Ebanghelyo sa bawat sulok ng daigdig. Tayo ay kanyang isinusugo upang ipakilala si Hesus sa mga taong di pa siya kilala, at sa mga taong ayaw siyang kilalanin. Hindi natin kailangang maging tanyag upang gawin ito, dahil sa kanyang biyaya ay magagawa natin ang lahat para sa kanyang Kapurihan.
Ito ang paglilingkod: ang handang ilaan ang buhay para sa kapakanan ng kapwa. Hindi iniisip ang sarili, kundi ibinibigay ang lahat para sa Diyos at para sa kapatid. Sa halimbawa ni San Pedro Calungsod, tayo ay tinatawag ni Hesus sa ipahayag ang kanyang pagmamahal at pagliligtas sa lahat ng dako. Huwag tayong matatakot na panghawakan ang ating misyon, humingi tayo ng lakas sa Diyos upang magampanan natin ang ating Misyon: ang maging Lingkod ng Lahat!