(Just as this is a Gospel Reflection for today's feast, this is also intended for the last day of the Flores de Mayo activity of the Marian Fanpage, Ave Maria! (Ina ng Diyos, Ina ng Pilipino). I dedicate this, most especially, to the fanpage's patroness, Our Lady of the Holy Rosary of La Naval, who is also this page's patroness.)
===
Mayo 31, 2012
Kapistahan ng Pagdalaw ni Maria kay Elisabet
Zep 3,14-18a or Rm 12,9-6
Lk 1,39-56
===
Naging makulay ang buwan ng Mayo para sa karamihan sa atin. Fiesta dito, Santacruzan diyan, kaliwa't kanang pagsasaya. Tunay nga na di lilipas ang ilakimang buwan ng taon na hindi tayo nagbubunyi dahil sa mga biyaya ng Panginoon sa ating buhay.
Ngunit kung titignan natin ang paraan ng pagdiriwang, aminin man natin o hindi, nakatuon na lang sa panlabas na katangian ang kasiyahan, at hindi sa mensaheng nakapaloob rito. Mas pinapansin natin ang ganda ng bulaklak, ng costume, ng karo, at ng mga panlabas na tanda ng pagdiriwang na nakatuon sa pagpapasalamat natin sa Poon na naghatid sa atin ng mga kaloob. Aminin man natin o hindi, mas nakikita natin ang rikit ng gawa ng tao, at hindi ang kagandahang-loob ng Poon.
Sa huling araw ng Mayo, ginugunita natin ang pagdalaw ni Maria kay Elisabet. Tiniis ni Maria ang mahabang biyahe at ang sakit ng pagdadalang-tao marating lamang ang kanyang kamag-anak, na pinagkalooban ng Panginoon ng anak sa kabila ng pagkabaog at matandang edad. Sa kanilang dalawa nahayag ang kagandahang-loob ng Panginoon, at marapat lamang na ito'y kanilang ipagdiwang at ipagsaya!
Benedicta tu in mulieribus, et benedictus fructus ventris tui!
Batid ni Elisabet na hindi lamang isang ordinaryong bata ang dinadala ni Maria, kundi ang batang nakatakdang magligtas sa sangkatauhan mula sa parusang dala ng kasalanan. Sa kanyang pakikinig sa tinig ng Panginoon, sumilay ang liwanag sa mundong dati pa'y balot na sa dilim. Sa kanyang pagdalaw kay Elisabet, nabanaagan ang pagdating ng kagandahang-loob ng Diyos. Sa kanilang pagkatagpo, pinatunayan nila sa isa't-isa na walang imposible kapag ninais ng Panginoon.
Magnificat anima mea Dominum!
Wala nang natira kay Maria sa sandaling iyon kundi ang pagbubunyi sa dakilang awa ng Panginoon na nakikinig sa pagdaing ng mahirap, at binababa ang yabang ng mayayaman. Sa kanyang pagpupuri, hindi lamang pagpapasalamat ang makikita, kundi ang kababaang-loob ni Maria, na sa kabila ng lahat ng hiwagang naganap sa kanya, ay kanyang nababatid na hindi ito dahil sa kanyang sariling lakas, kundi sa lakas ng Panginoon. Nang dahil sa biyaya ng Poon, mula ngayon, ako'y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi!
===
Patuloy na dumadalaw si Maria sa puso ng bawat Pilipino. Nasasaksihan natin taun-taon ang katuparan ng mga salita ni Maria, lalo na kung buwan ng Mayo. Mula sa bawat estado, edad at pinagmulan, nagkakaisa ang sambayanang Katoliko sa pag-aalay ng bulaklak sa dakilang Ina ng Diyos. Ipinagbubunyi natin ang pamamagitan ni Maria sa lahat ng ating mga pangangailangan. Ipinapakita natin ang pagmamahal na tanging tayo lamang ang makakapagbigay.
Minamahal natin si Maria, kung gayon, handa tayong tumulad sa kanya. Pangunahin nating huwaran si Maria sa kalinisan, hindi lamang ng katawan kundi ng kalooban, at ng kagandahang-loob, hindi lamang sa panlabas kundi sa kaibuturan ng ating pagkatao.
Si Maria ang nagbubunsod sa ating magsumikap na tuparin ang kalooban ng Panginoon, at hindi ng ating sariling mga nais. Sa ating pagdarasal ng kanyang Rosario, at sa pag-aaral natin tungkol sa kanyang buhay, hinahamon rin tayo na sumunod sa kanyang mga yapak, at maging mga buhay na saksi ng kaligtasan na buhat sa Krus ni Hesus. Hindi natin pinahahalagahan ang ating personal na interes, dahil ang mahalaga ay ang pagpapahayag ng Magandang Balita sa lahat ng dako.
Tila baga walang makakapantay sa pagmamahal natin kay Maria tuwing Mayo, subalit maitatanong natin, Nasasalamin ba ang pagmamahal na ito sa ating buhay? Hanggang bibig at kilos lang ba ang ating pagmamahal, o pinagsusumikapan ba nating sundin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang halimbawa? Natatapos lang ba sa buwan ng Mayo ang ating pagmamahal, o pinagsusumakitan nating ipagpatuloy sa araw-araw ang pamimintuho sa kanya?
Sa pagtatapos ng buwan na ating iniaalay sa Mahal na Ina ng Diyos, dinadalaw muli tayo ni Maria, at kinakatok ang ating mga puso. Tinatawag nga niya tayo na sundan siya at tahakin ang landas ng pagmamahal, na magdadala naman sa atin sa kanyang Anak na si Hesus. Buksan nating maigi ang ating mga puso, sumunod nga tayo sa kanyang yapak. Huwag tayong matakot na tanggapin ang kalooban ng Panginoon sa ating buhay.
Maria, aming Reyna at Ina, maraming salamat sa pagdadala sa amin sa pagtatapos ng isang dakilang buwan na aming iniaalay sa iyo. Patuloy mo kaming inaakay sa iyong Anak na si Hesus upang matutunan namin ang kanyang kagandahang-loob, at makita sa kanya at sa iyo ang tunay na pagmamahal na amin ring dapat ipagkaloob sa aming kapwa.
Tanggapin mo, O Reyna ng Langit, ang aking bulaklak na inihahandog sa iyong mahal na paanan, tanda ng aking buong buhay, mga tuwa at hirap, sakit at tagumpay, mga nais at inaasam. O Maria, iyo nga po itong tanggapin at, kasama ng ibang mga bulaklak na inihandog sa iyo, ay dalhin mo sa trono ng Iyong Anak at aming Panginoon, bilang alay ng aming mga sarili.
O aming Ina, maraming salamat sa lahat, tuloy aking ipinapanalangin na huwag mo kaming pababayaan sa paglalakbay tungo sa kaharian ng Langit. Lagi-lagi mo kaming ipapanalangin, at patuloy mong ituro sa amin ang landas ng kababaang-loob at kalinisan na aming magiging susi sa katuparan ng kalooban ng Diyos dito sa lupa, para nang sa Langit.
Sa Kanya ang lahat ng luwalhati, at sa iyo naman ang pagbubunyi ngayon at magpakailanman. AMEN!