Saturday, November 26, 2011

MAWALANG-GALANG NA... NAGBABANTAY KA PO BA?

Nobyembre 27, 2011
Unang Linggo ng Adbiyento
Siklo B, Taon II
Is 63:16b-17, 19b; 64:2-7 . 1Cor 1,3-9
Marcos (Mc) 13,33-37
===

Guwardiya. Nakapuwesto sa mga establisyimento, madalas nakikita sa may pintuan, sumisilip sa laman ng mga bag at nagkakapkap ng bulsa ng papasok sa loob ng mga building. Ang tanging atas: MAGBANTAY.

Pulis. Naglalakad sa mga kalsada. Minsan naka-full regalia, minsan naman may kasamang aso. Paligid-ligid at nagmamasid sa bawat taong dumaraan. Humuhuli sa bawat masasamang-loob na gagawa ng kaharasan sa pampublikong lugar. Ang tanging atas: MAGBANTAY.

Sundalo. Nakadestino sa iba't-ibang lugar sa bansa. Sa kabila ng kanilang mahirap na estado sa kampo patuloy pa rin sila sa pagtatanggol ng minamahal nating bayan laban sa puwersa ng kalaban. Handang ialay ang buhay para sa kapakanan ng mga sibilyan. Ang tanging atas: MAGBANTAY.


Kristiyano. Isinilang sa pananampalatayang totoo. Palaging nananalangin at nagpapasalamat sa Panginoong lumikha sa kanya. Kumikilos ayon sa atas ng kanyang Panginoon: magmahalan kayo tulad ng pagmamahal ko sa inyo. Ang tanging atas: MAGBANTAY.

Sinasabi ko ito sa inyo... sinasabi ko rin naman sa lahat... MAGBANTAY KAYO!

Sinisimulan natin ngayon ang isang bagong yugto sa buhay ng Simbahan, ang pagpasok ng Bagong Taong Liturhikal. Muli nating gugunitain ang pagdating ng isang sanggol na may isang dakilang atas: ang iligtas ang buong sangkatauhan mula sa walang-hanggang parusa. Sa kanyang pagdating, tayo ay naghahanda hindi lamang ng ating mga tahanan, kundi rin ng ating mga sarili. Ito ang panahon ng Adbiyento. Ito ang panahon ng pagdating.


Sa unang linggo ng Bagong Taong Liturhikal, umaalingawngaw ang tinig ni Hesus, Sinasabi ko ito sa inyo, sinasabi ko rin naman sa lahat; MAGBANTAY KAYO!


Halata naman sa tono at tipo ng pagdiriwang natin sa loob ng apat na linggong ito ang panawagang maghanda. Para sa sekular na mundo, ang paghahanda para sa Pasko ay katumbas ng paglilinis ng bahay (lalo na kung ngayon mo lang naisipang maglinismula noong Bagyong Pedring), pagsabit ng mga ilaw (kahit na mataas ang singil sa kuryente), at bumili ng mga ireregalo sa inaanak (sayang ang Christmas Bonus!). Nakatuon tayo sa komersyo, pera at materyal na bagay. Nakakasawa mang isulat ang mga bagay na ito dahil taun-taon na lang nangyayari, ay talagang nalimutan na ng modernong panahon ang tunay na dahilan ng paghahanda, ang tunay na sinimulan ng ating puspusang paglilinis sa ating sarili.


Sinasabi ni Hesus, Magbantay kayo! Hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon ng pagbalik ng panginoon ng sambahayan. 


Ang pulis, sundalo at guwardiya. Sila ang tipikal na mga halimbawa ng  mga taong handang magbantay para sa ikakatahimik at ikakapaya ng isang partikular ng lugar, at ng ating bayan sa kabuuan. Di-matatawaran ang kanilang mga pinagdaanang hirap upang magampanan ang kanilang tungkulin, na sa kabila ng mga pambabato ng lipunan laban sa kanila ay patuloy sila sa paglilingkod, dahil nalalaman nilang dumarating ang peligro sa oras na hindi natin nalalaman.


Subalit hindi natin natatalos na tayo man ay may isang tanging atas rin, ang magbantay at maging handa. 


Kapag umalis tayo papuntang trabaho, hindi natin alam ang eksaktong oras ng ating pagbabalik sa tahanan natin. Minsan napapaaga, minsan inaabot ng dis-oras ng gabi. Nagbibilin tayo sa kasambahay at sa iba pang tao sa bahay ng kung ano'ng gagawin sa araw na iyon, at inaasahan nating sa pag-uwi natin ay nagawa ng maayos ni Neneng ang iniutos mo sa kanya.


Tulad ng nasa halimbawa, tinatawagan tayo ng ating pananampalataya na manatiling gising at preparado sa bawat sandali, dahil hindi natin nalalaman ang oras ng pagdating ng Panginoon. Sa pamamagitan ng ating mga gawain ng kabanalan sa araw-araw, ay ating natutupad ang bilin na ito ng Panginoon. Hindi natin masasabing hindi tayo damay sa panawagang ito ni Hesus; lahat tayo ay kasama, lahat tayo ay dapat kumilos. Walang taong dapat nakatunganga at walang ginagawa dahil sa pagbabalik ng Panginoon, lahat tayo ay may  pananagutan.


Sa ating pasimula sa taong panibago, ginigising tayong muli ni Hesus sa ating atas na gawain: MAGBANTAY. Habang nagpapatuloy tayo sa ating araw-araw na gawain, binibigyan rin naman tayo ng isang kakaibang bilin, ang magbantay dahil hindi natin alam ang oras ng  kanyang dakilang pagbabalik. 


Tulad nga ng naibahagi noong nakaraang Dose, walang nakakaalam sa lupa o sa langit ukol sa oras  ng pagpapahayag ng Diyos ng kanyang kapangyarihan, kundi ang Ama lamang. Binibigyan tayo ng kanya-kanyang talento, kayamanan at panahon upang gamitin sa wasto at sapat na paraan, dahil sa kanyang pagbabalik ay magsusulit tayong muli sa kanya at titignan kung ating nagamit sa tama ang pinagkaloob niya sa atin.


Oo, taun-taon nating ipinagdiriwang ang kanyang unang pagdating sa mundo, at pinaghahandaan natin ito ng buong gayak at lugod, subalit paano nga ba natin pinaghahandaan ang muling pagbabalik ng Panginoon sa ating espiritwal na aspeto? Mawalang-galang na, ngunit nagbabantay nga ba tayo sa pagbabalik ng Panginoon? Nagbabantay ka ba sa abot ng ating makakaya at sa pamamagitan ng isang banal na pamumuhay? O naghahanda ka lang ng mga materyal na bagay para sa pagdating ng sekular na Pasko?


Kaloob nga ng Diyos ang isang panibagong taong liturhikal, isang panibagong simula sa buhay ng Simbahan. Subalit tayo nga ang Simbahang ito, di ba? Huwag nating sayangin ulit ang pagkakataong ibinabahagi sa atin ng Diyos. 


Maghanda, Magbantay. Parating na ang Panginoon!






Saturday, November 19, 2011

DARATING NA... KATAPUSAN NA...

Nobyembre 20, 2011
DAKILANG KAPISTAHAN NG PAGHAHARI NI HESUKRISTO SA SANLIBUTAN
Pagtatapos ng Taon Liturhikal (Cycle A, Year I)
Ez 34,11-12.15-17 . 1Cor 15,20-26.28
Mt 25, 31-46
===


Naalala ninyo pa ba ang mga poster noong May na nagsasabing malapit na ang katapusan? May mga nagsabing sa pagdating ng partikular a araw na ito, magkakaroon ng rupture, at makikita natin sa itaas ang pagdating ng isang makapangyarihang pigura sa kasaysayan ng tao, isang dakilang Hari. Huhukumin na daw tayo at malalaman na natin ang ating kahihintnan. 

Akala ng lahat, end of the world na. Naghihintay ang lahat, sa katunayan ay naging trending topic ito sa Twitter at Facebook. Samantalang lahat  ay naghihintay kung totoo nga ang balita, ako naman ay nagsusulat ng rendisyon para sa Ur Dose sa linggong darating. May bahid man ng takot, nagpatuloy ako sa aking ginagawa, dahil nalalaman kong hindi pa ito ang tamang oras at marami pang pagdadaanan ang sangkatauhan.

Dumating nga ang oras. May nangyari ba? Opo. Nagtago sa kung saan ang pastor (Opo, Born Again siya, at hindi lang po ito ang unang beses na ginawa niya ito.) na nagpakalat ng isang maling balita. Lahat ng mga naghanda, napatingin na lang sa langit, nagtatanong kung paano maibabalik ang lahat ng kanilang naibenta dahil sa paghahanda. Sa ibang salita, ang mga nagpaloko ay lagpak, at ang nanloko ay nagtago... na naman.

===

May darating. Totoo naman, may magbabalik upang hatulan ang lahat. Sa pagtuturo ng Simbahan, sinasabi na sa wakas ng panahon ay babalik ang Panginoon, taglay ang di-matinkalang kapangyarihan upang hatulan tayong lahat. Classic example dyan ay ang mapapakinggan natin sa Ebanghelyo ngayong ating ipinagdiriwang ang Dakilang Kapistahan ng Paghahari ni Kristo sa Sanlibutan, mas kilala sa bansag na Christ the King.

Sa Ebanghelyo, maririnig nating darating ang Anak ng Tao bilang isang dakilang Hari na kasama ang mga anghel. Uupo siya sa kanyang trono at titipunin ang lahat ng nabubuhay at pumanaw ula sa lahat ng bansa. Paghihiwalayin niya ito sa dalawang grupo, ang Right group at Left group. Marami siyang sinabi, subalit sa kalaunan, ang mga nasa kanan ay makakasama niya sa kaluwalhatian, at ang mga nasa kaliwa ay babagsak sa apoy ng Gehenna.

Halikayo at pumasok sa kaharian ng aking Ama!

Napagnilayan na natin ang Ebanghelyong ito noong inalala natin ang mga pumanaw na Kristiyano (Nobyembre 02, 2011). Sa mga taong walang inasahan kundi ang Panginoon, at gumawa ng mga  paraan upang matupad sa kanilang buhay ang paghahari ng Diyos, wala na ngang naghihintay sa kanila kundi ang Buhay na Walang Hanggan. Sabi nga ni San Ignacio, turuan mo akong magbigay ng ayon sa nararapat na walang hinihintay mula sa iyo. Ano'ng inaasahan ko, kung gayon? Sa Oras na ako'y papanaw, ako'y mapapabilang sa mga hinirang mo.

Para sa tunay na mananampalataya, walang mahalaga kundi ang kanyang kaligtasan na magmumula sa tunay na Hari ng Langit at Lupa. Oo, may mga darating na pagsubok sa kanyang buhay, subalit hindi ito magpapabagsak sa kanya bagkus ay lalo pa itong maggdaragdag sa kanyang pananampalataya. Si Kristo nga ang kanyang personal na Panginoon at Hari, at sa pagtanggap ng mga Sakramento ay naipapahayag niya ang kanyang pagkilalang ito. Ang mga Sakramento rin naman ang nagbibigay sa kanya ng kakaibang lakas upang ipahayag si Kristong Hari sa iba.

Magsilayas kayo! Doon kayo sa apoy ng Impiyerno!

Pero hindi lahat ay kumikilala sa paghahari ni Kristo. Siyempre, may mga taong sagad sa buto ang kasakiman at hindi na nakikilala ang Diyos. Mas marami sila sa mga tapat, at iisa lang ang hangad ng Dakilang Hari, na sila ay mapabalik sa tunay na kawan. Mas marami, mas masaya lalo na kapag nasa piling ng Diyos! Ayaw niyang may mapahiwalay sa kanya, ngunit abot sa sukdulan ng sukdulan ang kasiyahan sa isang makasalanan na manunumbalik sa kanya.


Pero paano kung di talaga sila mapabalik? Paano kung sa kabila ng panawagan ng Panginoon at tanda ng panahon ay manatili sila sa pagiging masama?


Sabi nga ni Pablo, lahat ay mapapasailalim sa kapangyarihan ni Kristo. Ang lahat ng di-sumunod ay mapapatapon sa pagdurusa sa apoy ng Impiyerno. Kung hindi natin aalalahanin ang mga bagay na ito, malamang ay mapapasama tayo sa kanila.


Anuman ang gawin ninyo sa mga munti ninyong kapatid, ginawa na ninyo sa akin.


Sabi nga ni Michael Jackson, If you wanna make the world a better place, take a look at yourself and make a change! Sa konteksto ng ating pananampalataya, if you wanna be a part of God's kingdom, take a look at yourself and make a change... for the better!


Sabi ko nga kanina, paano natin maipapahayag na si Kristo ay hari sa ating buhay? Siyempre, ito ay sa pamamagitan ng isang lubhang banal na pamumuhay.  Hindi ito isang buhay na banal sa labas ngunit salawahan sa kalooban. Ang buhay na nais ni Kristong Hari ay isang buhay na banal inside and out! Kung alam natin ang mga saligan ng pananampalataya, siguradong alam natin ang ating gagawin sa oras ng pangangailangan ng ating kapwa. 


May darating nga ba? Opo. Pero kailan? Huwag na nating tanungin sapagkat ni sila man sa Langit ay walang nalalaman ukol rito, liban sa Diyos.Sa pagkakalarawan nga ni Pablo, tulad ito ng magnanakaw sa gabi. Hindi mo naman mahihintay kung darating siya. Basta  ang mahalaga, sa oras na iyon, tayo ay handa, sa pamamagitan ng isang buhay na ganap at kasiya-siya sa paningin ng Panginoon.


Sa pagdating ng hari, tayong mga lingkod ay magsusulit. Sa pagtatapos ng Taong Liturhikal, tanungin natin sa ating sarili, Sa pagbabalik ni Kristong Hari, saan kaya ako mapapabilang, sa kanan ba o sa kaliwa? Nagsusumikap ba akong mabuhay ayon sa kalooban ng Diyos, o nagwawalang-bahala lamang ako?


Tandaan natin, mawala man tayo, si Kristo ay si Kristo pa rin. Ngunit gayun pa man, nagpapakita pa rin siya ng pagmamahal sa atin. Huwag nating sayangin ang pag-ibig na ibinibigay  sa atin ng Hari ng Sanlibutan. Ipagbunyi natin siya, ipagdangal, at isabuhay ang kanyang mga turo sa ating ikabubuhay.


CHRSTUS VINCIT! 
CHRISTUS REGNAT! 
CHRISTUS IMPERAT!

Saturday, November 12, 2011

HINDI PA RIN IYO IYAN!

Noviembre 13, 2011 
Ikatatlumpu't-tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Kw 31,10-31 . 1Ts 5,1-6
Mt 25,14-20
===

May ipinagkatiwala sa iyo. Sabi ng kaibigan mo, 'Sa iyo muna ang tuta ko. Di ko iyan madadala abroad. Ikaw muna bahala sa kanya, ah. Kapag bumalik ako, sana andyan pa rin siya, at may mga anak nang kasama.'

Eh alam mong magtatagal ang kaibigan mo sa ibang bansa. So, ano ang gagawin mo? Hindi ba aalagaan mo ang tutang ito na parang siya na rin ang nag-aalaga? Ganun nga ang gagawin mo. Pakakainin mo ito, bibigyan ng mga kinakailangan, hanggang sa takdang panahon ay magkaroon ito ng mga anak. Kapag ito ang ginawa mo, sa pagbalik ng kaibigan mo ay tiyak na matutuwa ito. 'Wow naman! Ang galing-galing mo naman. Sige, kukunin ko na lang iyung isang tuta, ituloy mo na yung pagaalaga sa kanya.'

Pero paano kung hindi mo ito alagaan? Paano kung di mo ito pakainin at lagi pang pinapalo at sinisigawan? E di mamamatay ito sa stress! Sa pagbabalik ng kaibigan mo, imbes na matuwa siya sa madaratnan niya, ay uupo na lang siya sa isang tabi, tutulo ang luha at hahagulgol. Magsisisi siya at sasabihin, 'sana, di ko na lang ipinagkatiwala ang tuta sa iyo. Wala kang kwenta!' Hindi lang nanlumo ang taong iyun sa pagkawala ng kanyang alaga, kundi nagkaroon ng masalimuot na katapusan ang pagkakaibigan na matagal naipundar.

Kung  na-gets mo ang idea, malamang may ipinagkatiwala na rin sa iyo. Maaaring napagkaingatan mo ito, maari ring nasira mo ito. Alam mo ang pakiramdam,  at alam mo ang responsibilidad.

Ang Paghahari ng Diyos ay tulad ng isang lalaking maglalakbay. Ipinagkatiwala niya ang kanyang ari-arian sa kanyang mga lingkod.

Ganito rin ang diwa ng ating Ebanghelyo sa ikalawang huling linggo ng taon. Opo, malapit nang matapos ang Taong Liturhikal. At ang ating Mabuting Balita ay dumarating bilang isang paalala ukol sa lahat ng mga natanggap natin mula sa Panginoon. 

Sa sandali ng ating pagiging bahagi ng Katawang Mistiko ni Kristo, binigyan tayo ng ating sariling talento. May kanya-kanya tayong mga abilidad, mga bagay na tayo lang ang makakagawa, na hindi kaya ng iba. Kapag sinuswerte, napagkakaloooban rin tayo ng materyal na yaman. Kapag sinuswerte pa rin, nagiging kilala tayo at popular hindi lang sa kaibigan, kundi sa masa. 

Iba't-ibang biyaya, pero ito ay nagmumula sa Panginoon lahat. Tama naman ang sinabi ng ating sariling adage, Nasa Diyos ang awa; nasa tao ang (n)gawa. Kahit na sabihin nating pinagsumikapan nating makamit ang lahat ng ating natatamasa, pera, katanyagan, mga talento at abilidad, hindi pa rin natin maiaalis ang Panginoon. Anupanga't siya ang pinagmumulan ng lahat ng ito! Kahit nga mismong buhay natin ay buhat sa kanya. Wala tayong maiaangkin na atin.

Tama ang nabasa mo... HINDI PA RIN IYO IYAN! Kahaintulad natin ang mga lingkod sa Talinhaga na biigyan ng kanilang panginoon ng mga salapi upang kanilang pagyamanin. Hindi upang lustay o itago at ibaon sa lupa, tulad ng ginawa ng nakatanggap ng isanlibong salaping ginto. Ang lahat ng ipinagkaloob sa atin ay upang ating pagyamanin, at ibahagi sa iba. Ito ang nais ng Panginoon, na sa kanyang pagbabalik ay maratnan niya tayo na masaya at kuntento dahil naramdaman natin ang tunay na saya ng paggamit ng ating talento at biyaya.

Hindi nga ba't kay sarap sa pakiramdam na sa pagbabalik ng Panginoon, sa oras na makita niyang nagkaroon ng saysay ang kanyang ipinahiram na talento sa atin at nagkabunga pa ito ng galak sa ating kapwa, ay tapikin niya tayo sa balikat at sabihin, Magaling, tapat at mabuting lingkod! Dahil naging tapat ka sa munting halaga, gagawin kitang tagapamahala ng malaking halaga. Halika, makisalo ka sa aking kagalakan!

Pero paano kaya kung imbes na ibahagi at pagyamanin ang talento ay itago natin at ikubli sa ating sarili? Paano kung ipagkamaramot natin ito sa ating kapwa na nangangailangang higit ng ating kakayahan? Aba, maghanda ka kung sasabihin ito sa iyo ng Panginoon, Masama at tamad na lingkod! (...) Kunin sa kanya ang kanyang isanlibong salaping  ginto at ibigay sa may sampung libong salaping ginto! (...) Igapos ang walang kwentang taong ito at  itapon sa kadiliman sa labas, magtatangis siya doon at magngangalit ang kanyang ngipin.

Tandaan mo ang paalala ni Hesus, Ang mayroon ay bibigyan pa at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Sa nalalapit na pagtatapos ng Taong Liturhikal, kinakamusta na ng Panginoon ang kanyang mga ipinagkatiwala sa iyo. Ano na nga ang nangyari sa iyong mga talento at kayamanan? Napagyaman mo nga ba ito? O ibinaon sa limot at pagkakuripot?

Paka-isipin mo ito  kapatid, dahil darating na ang Hari...

===

May mga magbabago... abangan!

11.27.11

Tuesday, November 1, 2011

LUWALHATI NG BANAL, HIBIK NG NAGDURUSA
(Part 02)

November 02, 2011 
COMMEMORATION OF ALL THE FAITHFUL DEPARTED
Wis 3,1-9 . Rm 6,3-9
Mt 25, 31-46
===

Kung nabasa mo ito, paniguradong nabitin ka sa pagninilay kahapon. Pero bago iyan, ay isang Paalaala: Maraming pagpipiliang pagbasa sa ating Misa ngayon. Pwedeng iba ang bibigyan ko ng pagninilay sa maririnig ninyo sa Misa na dadaluhan ngayon. Gayunpaman, ibig ko pa ring mabigyan ng  pangkalahatang liwanag ang diwa ng araw na ito sa pamamagitan ng pagninilay.

Kapag napag-uusapan ang kamatayan, maraming pumapasok sa  isipan natin. Kung ano ang ibibilin natin sa mga minamahal natin, kung ano ang nais nating suot, kung libing ba o cremation ang nais nating gawin sa katawan natin, at minsan, kung saan ba tayo mapapadpad sa dulo ng lahat. Umiikot ang isipan natin na nakakaabot sa kabilang buhay. Totoo nga ba ang Eternal Life? Ang Purgatoryo? 

Halina sa tahanang inihanda para sa inyo ng aking Ama sa walang hanggang buhay!

Oo, totoo ang walang-hanggang buhay. Totoo ang kabilang buhay. Hindi ito isang kathang-isip na tulad ng mga tikbalang, kapre o kung ano pang mga nakakatakot na nilalang na wala namang dala kundi lagim hindi lamang sa imahinasyon kundi sa kabuuang buhay ng lipunan. Bagkus, ito ay isang Pangako na Diyos mismo ang naghahandog sa atin. Ito ay isang pangarap na nais niyang makamtan ng bawat isa sa atin. Gusto ng Panginoon, kapag namatay tayo, ay ating  malalasap ang walang hanggang gantimpala kasama niya, ni Inang Maria at ng tanang mga Banal na nagtagumpay na sa  pakikibaka at patuloy na naging tapat sa kanya.

Subalit sa ganang atin, pauloy nating iniisip na ang Langit ay para sa mga Santo lang, at wala tayong puwang dahil mahihina tayo. Dahil nagkakasala tayo. Nababale-wala ang pagnanais ng Panginoon, at patuloy tayo sa ating pamumuhay na taliwas sa tunay na plano ng Diyos. Patuloy tayo sa pagkadapa at pagkalugmok, without even thinking that sometime and somewhere, we are going to pay just wage for everything we have done.

At dumarating ang sandali ng ating kamatayan, sa paghiwalay ng ating kaluluwa patungo sa portal ng kabilang buhay. Itutunghay sa atin ang ating nakalipas na buhay, sisilipin kung tunay tayong tumalima sa plano ng  Panginoon, at saka tayo makakatanggap ng dakilang hatol: Langit, Purgatoryo o Impiyerno.

Napagnilayan na natin kahapon ang luwalhati ng Langit sa pamamagitan ng kadakilaan ng mga Banal; ngayon naman ay pakaisipin natin ang dalawang nalalabing bahagi ng kabilang buhay.

Magsilayo kayo sa akin! Danasin ninyo ang walang hanggang kaparusahan sa Impiyerno!

Alam na natin na ang Impiyerno ay para sa mga talagang naging sagad-sagaran ang kasamaan sa puso. Dito sila makakatanggap ng dakilang kaparusahan  sa habang panahon. Magsisisi sila, magtatangis at magngangalit ang ngipin, subalit huli na ang lahat. Sa pagkakatapon nila roon ay matitikman nila ang walang-habas na katarungan ng Diyos. Palibhasa, sila ang nagpahirap sa mga kapatid natin sa kanilang buhay sa mundo, ngayon sila naman ang makakatikim ng sarili nilang gamot. Parang sasabihin na lamang nila, sana, sana, hindi na lang ako nagpakasama! subalit tapos na, wala nang ihahabol pa. Sa Impiyerno na sila sa habang panahon, upang magdusa ng sagad sa buto.

Kung tayo'y naniniwalang namatay na tayong kaisa ni Kristo, naniniwala rin tayong mabubuhay tayo kaisa niya. (Ikalawang Pagbasa)

Subalit sa Purgatoryo, bagamat may pagdurusa, may bakas pa rin ito ng pag-asa. Alam ng mga kaluluwang naririto na sila ay makakatanggap rin ng gantimpala sa langit, at makakasama rin nila ang Panginoon sa takdang panahon, subalit hindi ngayon. Hibik ng mga taong naririto ang isang pagkauhaw na hindi lamang mapapatid ng isang basong tubig. Kinakailangan na maranasan nila ang isang dakilang biyaya mula sa Diyos, at hinihintay nila ito kahit na lumampas sila ng isang taon, isang dekada, isang siglo, isang henerasyon. Ang sigaw ng mga tao rito, Panginoon, kailan? Wala silang inaasahan sa kanilang paghihintay kundi ang mga pag-alala ng mga taong malapit at nagmamahal sa kanila.

My heart is restless until it rests in you. (St. Augustine)

Isa lang naman ang panawagan sa atin sa araw na ito, ang ipanalangin silang lahat! Hindi lamang ang mga mahal natin sa buhay, hindi lamang ang mga kaibigan natin. Ipanalangin rin natin sila na mga kinalimutan na ng kabihasnan. Ipanalangin natin ang mga taong biktima ng kawalang-katarungan. Ipanalangin natin silang mga nakalimot sa biyaya ng Panginoon at inisip na lamang ang kanilang sarili. Ipanalangin natin ang mga wala nang nakakaalala. Ipanalangin natin ang mga sanggol na walang-habas na hinugot sa sinapupunan ng ina, at ang mga kabataang nasayang ang buhay sa pamamagita ng suicide. Sa isang salita, ipanalangin nating silang lahat na nasa Purgatoryo, at nasa Impiyerno, nang sa gayon ay matanggap nila ang awa at biyaya ng Panginoon. Huwag natin silang kakalimutan sa panalangin, sa Misa, at  sa bawat indulhensya. Hindi natin nalalaman kung gaanong kalaki ang maitutulong nila sa sandali na tayo naman ang pumasok sa portal ng kabilang buhay. Hindi natin ito nalalaman.

Eh ano naman ang hamon sa atin? Ito lang. Nanaisin mo pa bang magdusa sa Impiyerno? Nanaisin mo pa bang magnasa sa Purgatoryo? Bakit hindi ba natin tumbukin ang Langit ngayon pa lang? Palagi tayong tinatawag ng Diyos sa isang buhay na kasama niya. Walang alinlangan, walang pagdurusa, tunay na kaligayahan. Kahit na punug-puno ng dawang ng pagsubok at tinik ng pag-uusig ang landas ng buhay sa mundo, patuloy pa rin siyang nandiyan uang alalayan tayo! Magkasala man tayo, nariyan ang Sakramento ng Pagbabalik-loob! Nagugutom tayo sa espiritu, nariyan ang Banal na Eukaristiya! May pagdududa man sa puso, patuloy tayong tinatanglawan ng Panginoon sa kanyang Banal na Salita! Sa isang pangungusap, EMMANUEL, Kasama natin ang Diyos! Bakit di pa natin lubus-lubusin at ialay natin  ang isang buhay na ganap at tapat sa kanyang kalooban?

Bago natin isipin ang mga bagay na ukol sa ating kamatayan, isipin at tanungin muna natin sa ating sarili, Ako ba ay nakapaghanda na ng aking buhay para sa pagharap sa Panginoon sa kamatayan? Mas maganda kung naihanda na natin ang ating buhay sa pamamagitan ng mabuting gawa at banal na paghibik, bago tayo mag-isip ng gastusin sa kabaong, libing o urn. Hinihintay tayo ng Panginoon, binbigyan tayo ng panibagong pagkakataon sa araw-araw na mapalapit lalo sa kanya. Huwag nating sayangin ito.


Monday, October 31, 2011

LUWALHATI NG BANAL, HIBIK NG NAGDURUSA
(Part 01)

November 01, 2011 
SOLEMNITY OF ALL THE SAINTS
Rv 7,2-4.9-14 . 1Jn 3,1-3
Mt 5,1-12a
===

Ang Unang Araw sa buwan ng Nobyembre ang tinaguriang  Dakilang Kapistahan ng Tanang mga Banal. Mula sa simpleng pag-alala sa mga Martir na nagbuwis ng buhay para sa Ebanghelyo, ngayon ito ay isang Dakilang Kapistahan upang pasalamatan ang Diyos sa lahat ng kanyang mga Banal, na nagsilbing mga saksi ng kagandahang-loob ng Diyos sa lahat ng panahon. Sila ang mga humarap sa mga mabibigat na pagsubok at nagtiis ng matinding hirap, pinapatay pa nga ang iba, ngayo'y tumatanggap ng di-mbilang na pagpaparangal mula sa Diyos at pagpipintuho mula sa ating mga tao.

Ang Ebanghelyo ngayon, ang Beatitudes,  ay isang Timeless Classic dahil sa impact na dala nito sa bawat Kristiyano. Hindi nakakasawang pakinggan, hindi nakakasawang ipahayag. Subalit maitatanong natin, Naisasabuhay pa ba natin ang mga wikang ito ni Hesus? 

Minsan kasi, hanggang sa pakinig na lang tayo. Di na natin nakikita kung ano ang diwa ng Mabuting Balita sa ating buhay, ang mensaheng hatid nito sa atin. Parang Pasko at Mahal na Araw lamang iyan, na ilang taon na at ilang pagdiriwang na ang dumaraan sa buhay natin subalit (aminin na natin),walang pagbabago na nakikita sa ating personalidad. Masakit, subalit ito ang sadyang totoo.

Mapalad kayo... Magdiwang at magalak! Sasainyo ang Kaharian ng Langit!

Kapag nakikita natin ang imahe ng isang Santo, o nababasa ang buhay ng mga Santo, hindi natin maiwasang isipin, talaga? Nagawa niya iyun? Napagdaanan niya iyun? Mukha ngang imposible na napagdaanan nila ang ganoong mga pagsubok o estado sa buhay. May mga inusig ng diyablo, may mga inusig ng taumbayan, may mga binato at sinunog at binalatan ng buhay. Kaliwa't-kanang pagkutya ang dinanas nilang lahat, nagmula ito sa mga tao na hindi naniniwala sa kanilang kabanalan, mga taong naiinggit sa kanilang kabanalan, at mga taong akala ay peke ang kabanalan niya at mas totoo ang kabanalan na taglay nila. 

Iisa lang naman ang ginawa ng mga Santo: Ipahayag ang Kristo  sa bawat panig ng  mundo. Na dahil dito sa ginawa nilang ito ay inusig at pinahirapan sila ng mundo. Subalit sa kabila ng pag-uusig na ito, nagpamalas ang Diyos ng kakaibang mga himala at milagro. May mga nagbalik-loob, may mga gumaling sa sakit, may mga nabuhay na patay, nakiisa pa nga ang mga hayop at  isda kung walang nkikinig na tao. 

Sa dulo ng lahat, Nakita ng Inang Simbahan ang kanilang  kabanalan, at ang di-magmaliw na pamimintuho ng bayan na kanilang pinaglingkuran na dahil dito sila ay itinanghal at  iniangat sa dambana ng mga Banal. Ngayon, malinaw na sila ay kinasihan ng Panginoon, at pinaging-mapalad sa harap ng lahat ng kanilang pinagdaanan.

Naks! Di ko maaabot ang level nila! Iyan ang madalas na sinasabi natin. Dahil daw napaka-extraordinary ng mga narating nila at dinaanan, na parang superhero sa tindi. Subalit ang mga Santo ay minsan ring naging tao tulad mo, at tulad ko! Nabuhay rin sila sa mundo, kumain, uminom, at ginawa ang mga kadalasang ginagawa ng tao. Ang pinakaiwas-iwasan lang nila ay ang magkasala at ang gumawa ng taliwas sa kalooban ng Panginoon, bagkus ay inialay nila ang buo nilang buhay sa pananalangin, pagtuturo at pagsasabuhay ng Ebanghelyo. Dahil dito, sumakanila ang Panginoon, at hindi sila pinabayaan sa mga pagsubok hanggang sa marating nila ang biyaya ng Langit.

Ibig sabihin, kung nakaya nila, makakaya rin natin! Oo, walang imposible kung nais nating maging banal. Walang imposible, kahit na ang pag-uusig ng Diyablo at ng kapwa natin ay ating malalagpasan, basta nais lamang nating maisabuhay ang Kalooban ng Diyos. Sabi nga ng pagninilay natin noong Linggo (Salamat sa mga nakabasa!), Sa mata ng Diyos, lahat tayo ay pantay-pantay, at sa dulo ng ating buhay, kahit na anong tanyag na taglay natin, wala tayong madadala sa kabilang buhay kundi ang ating mga sarili! At taglay ang paalalang ito, isang matinding hamon ang ibinibigay sa atin... ang mabuhay sa Kabanalan. Nagawa ng mga Santo, magagawa rin natin!

Bakit di pa natin pagsumikapang mabuhay na banal at karapat-dapat sa paningin ng Diyos? Bakit hindi pa natin tularan ang mga Santo sa kanilang buhay na hinarap ang mga pagsubok at tinanggap ang Kalooban ng Diyos sa bawat sandali?

Sige ka, kung hindi ka magpapakaayos ng buhay, malamang ay mapapabagsak ka rin sa Purgatoryo...

(Bitin ba? Itutuloy!)



Saturday, October 29, 2011

Huwag kang magpapatawag kung wala namang dahiilan!


October 30, 2011 
Thirty-first Sunday in Ordinary Time 
Ml 1,14-2,10 . 1Thes 2,7-13
Mt 23,1-2
===

Gulat ka sa title ng reflection ngayon, no?


Nakakagulat nga, tulad ng mga salita ni Hesus ngayon. Huwag kayong magpapatawag na guro... ama... tagapagturo! Ano nga ba ang realidad sa likod ng mga salitang ito?

===+===

Sinabi ni Hesus, Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa sapagkat hindi nila tinutupad ang kanilang ipinapangaral. 

Kilala natin ang mga Pariseo na bihasa sa kasulatan. Pinag-aralan nila ito. Nakatatak sa kanilang buong katauhan, pisikal man o sa espiritu, ang pagmamahal nila sa kautusan na ipinagkatiwala ng Diyos kay Moises. Ang araw-araw nilang buhay ay isang buhay na pagtalima sa kautusan. Kautusan na, sa kanilang pananaw, ay magdadala sa kanila ng karumihan kapag di nasunod. 

Itinuturo nila ito, kaya nga siguro nagiging tanyag sila sa pagiging batikan sa kautusan. Dahil tanyag sila, mas nais nila iyung mga upuang para sa mga panauhin imbes na maupo sa gilid kasama ng mga karaniwang tao. Kapag nasa kalsada, sila, ay nakakatanggap ng kaliwa't-kanang pagpupuri at pagbubunyi, na siya namang gustong-gusto nila. Ayaw nilang madudumihan ang kanilang damit. Ayaw nilang naghihintay ng matagal. Ayaw nilang nagpapasan ng mabigat. At higit sa lahat, ayaw nilang hindi pinapakilala at pinapalakpakan.

Subalit kapag may nasisita sila sa taumbayan na labag sa kautusan, todo-pag-uusig ang kanilang ginagawa. Minsan pa nga, itinatakwil nila sa relihiyon ang mga taong ito. Mahal nila ang kautusan, subalit hindi nila natatalos na nagiging adik na sila rito na kapag may nakita silang mali sa iba ay walanng humpay na pasabog ang kanilang ginagawa hanggang sa mawala ang taong ito sa landas nila. Maghahanap pa ba tayo ng ibang halimbawa? Isa na yata sa pinaka-klasikong example ng karahasan ng mga pariseo ay ang mismong nangyari kay Hesus, na sila rin mismoang naghanap ng paraan upang ipapatay dahil labag ang kanyang mga ginagawa sa kanilang mga 'standard.'

Meron pa nga ba'ng pariseo ngayon? Aba, siyempre! Sila ay iyung mga tao na pa-importante. Sila ay iyung mga tao na hindi mahalaga ang kapakanan ng iba, basta magawa lang nila ang gusto nila. Sila ay iyung mga tao na basta may pera ka ay kilala ka, subalit kung naghihirap ka ay biglang nagdi-disappear. Sila iyung mga tao na, kahit na di naman importante sa isang pagdiriwang, ay ayaw na hindi tatawagin ang kanilang pangalan, na para bang may malaki silang naiambag sa kumpanya o sa isang programa. At higit sa lahat, sila iyung mga tao na akala mo'y mabait at nagpapahayag pa nga ng Salita  ng Diyos, subalit sa likod ng lahat ng ito ay pawang masasamanng hangarin ang nasa kanilang isipan.

May tawag sa kanila: Hipokrito. Mapagpaimbabaw. Plastik.

===+===

Sinabi ni Hesus, Huwag kayong magpapatawag na guro... ama... tagapagturo! Iisa lamang ang inyong guro. Iisa lamang ang inyong Ama. Iisa lamang ang tagapagturo. Lahat kayo ay  pawang magkakapatid!

Matatanong natin, Eh iyun naman pala! Bakit Father ang tawag natin sa pari? Bakit Santo Papa ang tawag natin sa Santo Papa? Di ba, sabi ni Hesus, bawal iyun?

Ano nga ba ang pakahulugan ni Hesus?

Natural sa ating mundo ang may 'say' sa lipunan. Marami nga tayong tawag sa kanila, Dr. ganito, Atty. ganyan, Engr. ganire, at marami pang iba. Walang masama sa pagtawag sa kanila ng ganitong nga taguri. Ang kahulugan nito, bihasa sila sa ganitong field. Sila ang lalapitan natin sa  oras ng pangangailangan. Kung wala sila, ay walang pag-unlad sa buhay at pag-iral ng tao sa mundo.

Ganoon din sa Simbahan. Tinatawag nating Rev. Fr. ganito, Bishop ganyan, at Pope ganire ang mga taong may awtoridad sa ating Banal na Iglesiya. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay higit na sila sa Diyos, o kay Kristo. Ibig sabihin nito ay ang kanilang posisyon at pag-iral sa komunidad. Sila nga ang mga binigyan ng Panginoon ng tungkuling mangalaga sa Simbahan, kaya ganito ang ating paggalang sa kanila.

Subalit sa mata ng Diyos, lahat tayo ay pantay-pantay. Walang masama kung tatawagin tayo ng anumang bansag, basta hindi lumalaki ang ating ulo at iniisip natin ang kapakanan ng iba higit sa ating sarili, at nakikita natin ang biyaya ng Diyos sa harap ng ating mga pinagsumikapan. Tandaan mo: Sa Diyos nagmula ang lahat ng biyayang angkin mo ngayonn, at anuman ang tawag sa iyo sa mundong ito, gaano man kalayo ang narating mo, sa kamatayan, wala ka pa ring dadalhin kundi ang iyong katauhan sa harapan ng Ama.

So, maitatanong ulit natin, ano ang ibig sabihin ni Hesus sa mga sinabi niya?

Isa lang. Huwag kang magpapatawag ng anumang bansag  kung hindi ka marunong magpakumbaba. Huwag kang magpatawag ng iba't-ibang pangalan kung hindi mo mapapangatawanan ang pagiging isang Kristiyano sa harap ng iyong propesyon, matutulad ka sa mga pariseo na mahalaga ang palakpak at katanyagan kesa sa kababaang-loob. Mas maganda pang walang narating at nanatiling mababa ang kalooban kaysa sa narating na ang mga bituin na hindi na nakikita ang Kalooban ng Panginoon.

Gulat ka, no? Ngayon tanungin natin ang ating sarili, Nakikita ko pa ba ang kalooban ng Diyos sa harap ng aking mga narating sa buhay? Nakakayanan ko pa bang maging mababang-loob sa harap ng mga pangalan at bansag na nakadikit sa akin?

Marami tayong dapat ipanalangin ngayon, lalo na't malapit na ang Undas. Subalit huwag rin naman nating kakalimutan iyung mga pumanaw nating kapatid na hindi nakapag-balik-loob at pumanaw na may kayabangan pa ring taglay sa kanilang katauhan. Nawa, ay kaawaan sila ng Panginoon. Sa ganang atin, pagsumakitan nawa nating makita pa rin ang Biyaya at awa ng Diyos sa harap ng katanyagan na nakadikit sa ating pangalan. Nanggaling sa Diyos ang lahat, at sa Diyos tayo magsusulit sa bandang huli.

Sunday, October 23, 2011

LOVE: The Greatest Law... Our Ultimate Mission!

October 23, 2011 
Thirtieth Sunday in Ordinary Time 
World Mission Sunday
Ex 22,20-26 . 1Thes 1,5c-10
Mt 22,34-40
===

The world of man is full of laws which he must abide lest he may suffer the consequences. There are traffic laws, Sanitary laws, penal codes, Republic Acts, Presidential Proclamations, and so on. This has one goal: to inflict discipline over all citizens in a particular place. Following these laws would mean our safe and sane living in a community. On the other hand, those who will violate will have one good punishment; you may stay in prison, do community work, be in exile, or in other times face death. There is no move without a certain law.

As said, every law of man is merely based on God's Divine precepts. We are asked by our catechists in Elementary School, Ibigay ang Sampung Utos ng Diyos. As Christians, we are always reminded from childhood the sense and essence that is behind God's law. We are always told to live by this law otherwise God will get mad at us. Sometimes, Indian thoughts are incorporated with our ideologies, the likes of Huwag kang gagawa ng masama... makakarma ka niyan!! Though we do not believe in karma, we have this thought in mind that everything has a fruit in the near future.

So, a pharisee asks, Which, Master, is the greatest commandment? The Jews have 600+ precepts underneath the ten commandments which the Lord gave to Moses on the mountain. Indeed, which of these may serve as the greatest of all commandments?

Jesus, with all the wisdom given by His Father, makes a good jive of all these laws and turns it into two commandments which is referred to as the basis of the Law and the Prophets. Every law taught, every prophecy preached has this as its root, and has this as its ultimate goal:

You shall love the Lord, your God, with all  your heart, with all your soul and with all your mind! This is the Greatest and the First Commandment.

God loves us, we know this by sending his Son Jesus for us to be saved through his saving death on the Cross. He lets his only Son show His ultimate love through his teachings, healing and other acts. He admonishes everyone to love God above all, so that we my be saved. 

On the other hand, God knows all our efforts to love him. We strive to live in holiness, getting rid of every sin, and express our deep and profound love for Him. This also goes for his Divine cohort, the Virgin Mary and the Saints. In our prayers, in our vigils before the Blessed Sacrament, in our recitation and meditation of Mary's Rosary, and in our every sacrifice we undertake, we desire to give and consecrate our whole being to God as a sign of our love and devotion to Him who loves us ultimately. 

But does our love for God end with prayers and sacrifices? Jesus doesn't end actually in giving this First and Greatest Commandment, he continues to proclaim:

The second is like it: Love your neighbor as yourself!

We go through our everyday thoroughfares, encountering different cultures, meeting different people, and communicating with everyone of differing backgrounds. We usually go their way, not focusing on their needs and continuing to show concern for our material needs. Oftentimes, we do acts of violence against them, without considering their status in the society. Mahalaga lang ay ang nasa circle natin, tapos! Iyung mga mahihirap sa squatters, iyung mga maysakit sa ospital, iyung mga pulubi, at iyung ibang tao na di ko naman kilala, naku't wala akong pakialam sa kanila!

Jesus challenges us: Love your neighbor as yourself! This covers anyone and everyone who we may meet and encounter everyday. Just as we show our affection for our beings, we are also called to show affection - to show love - for these people who are also God's beloved. 

Faith without good works is a dead faith! Saint James reminds us in his epistle of the real attitude - the real mission - which we must possess as Christians: Kung mahal natin ang Diyos, dapat ay mahal rin natin ang ating kapwa gaya ng pagmamahal natin sa sarili. Sa pagmamahal natin sa iba na walang katumbas na halaga, pinapakita na rin natin ang pagmamahal natin sa Diyos. It should not end in prayers only; we should also act in the best way possible so that we may express with our whole selves how much we love God.

Of course, we cannot love in our own strength only! We are always welcome to ask for the Lord's strength and guidance so that we may be led to what is really to be done. And so, we pray for our weak selves, that fail as we may be, we may always strive to follow His greatest commandments: Love God above all,and love our neighbor as ourselves!

So, we may still follow all these laws every single day throughout our lives, but let us be reminded of the Greatest Law which is also our Ultimate Mission as Christians: LOVE!



===

Just a promotional skit: We invite you all to join us as the FB fanpage Ave Maria! (Ina ng Diyos, Ina ng Pilipino) celebrates the Linggo ng Rosario (Rosary Week), a week dedicated to proclaiming the wonders of the Holy Rosary, and placing the page's patronage under Our Lady of the Holy Rosary.

Click on the picture to take you to the page. Don't forget to LIKE us!