Saturday, February 12, 2011

Panay utos!?!

February 13, 2011
Sixth Sunday in Ordinary Time
Sir 15, 15-20 . 1Cor 2,6-10
Mt 5:17-37
==========

Ano nga ba'ng pakiramdam ng laging inuutusan? 

Lagi kong iniisip yung mga kasambahay natin, sila ang laging sunod ng sunod sa utos ng kanilang mga amo. Iniiwanan ang mga anak, pamilya upang paglimgkuran ang mga taong hindi nila kilala. Madalas, minamaltrato pa sila kapag hindi nasusunod yung gustong mangyari ng kanilang amuhin. 

Yung mga anak na merong nanay o tatay na di pa tapos gawin ang unang inutos ay meron pang isa, at isa pa at isa pa... hanggang sa malunod ka na sa sandamakmak na kautusan ng magulang mo na ang ginawa mo na lang ay mag-walk-out at pumunta sa ibang lugar.

Ang hirap ng panay utos, no?

Wala pa yan sa mga Hudyo!?! Kilala natin sila na masunurin sa kautusan ni Moises. Punto por punto, sinusunod nila ang bawat isa sa mga ito.  Sa sobrang dami ng utos nila, ang iba ay di-sinasadyang nalilimutan, napagwawalang-bahala, at mas masaklap pa, naaabuso. 

Sa pagsisimula ng pangangaral ni Hesus, inisip ng mga tao na bubuwagin na niya ang mga daan-daang utos na pinatutupad sa kanila. Ngunit nilinaw ni Hesus, Hindi ako naparito upang ipawalang-bisa ang kasulatan...naparito ako...upang tuparin ito. 

Yes, even Jesus is following the law! But unlike us who follow the law by the letter, He follows it with utmost love. He is not following it just to be noticed; rather, he follows it for him to be really worthy of being a leader, a Master, to his disciples.

Maraming puntong tinuturo si Hesus ngayon sa atin. Ito ay nagbibigay-diin sa pangangalunya, pagkagalit sa kapwa, at ang panunumpa. Kung iisa-isahin natin ito, naku't mas mahaba pa ito sa magiging rendition natin sa Biyernes Santo! At take note, may Part Two pa next week! Masaya nga, eh! Bakit? Dahil kapag tumingin tayo sa mundong ating ginagalawan ngayon, parang walang binitiwan si Hesus namga salita. Parang wala silang gabay sa kanilang buhay-kabanalan, kung meron man sila nito. Kabaliktaran, no?

Hamon ito para sa atin ngayong linggong darating. Hindi masama ang maraming kautusan, dahil ito man ay nanggaling din sa Diyos. Si Hesus man ay ginagalang ito, ngunit binigyan niya ito ng makabago at nararapat na pagdiin. At ibinigay niya ito sa atin para maging gabay natin sa buhay-pananampalataya.

Kaya, kapag narinig natin ang Gospel bukas, huwag nating isiping mahaba ito at pampalipas-oras lang. Sundin natin ang mga bilin ni Hesus. Huwag na nating naising mangalunya. Huwag na nating pairalin ang galit sa kapwa. Oo kung oo, at hindi kung hindi. At ating masisiguro na ang ating buhay ay hindi nakasandig lang sa panay utos! Dahil alam nating tayo ay gumagawa dahil sa pag-ibig. Wala nang iba pa.

Sa huli, ito lang ang masasabi ni Hesus...  Maglalaho ang langit at lupa, ngunit ang kautusan at hindi mawawalan ng bisa, ni tuldok o gitling, hangga't hindi natutupad ang bawat nakasaad dito.

PERFECT!!!

February 20, 2011
Seventh Sunday in Ordinary Time
Lv 19,1-2.17-18 . 1Cor 3,16-23
Mt 5,38-48
==========

PERFECT!!!

Isa na ito sa mga nauusong side comment o punchline ng mga komedyante, kahit ng mga ordinaryong tao. As the word implies, ginagamit ito kapag nagugustuhan ng isang tao ang nakikita niya, naririnig o napapansin. Pangantyaw rin ito, kapag hindi nagustuhan ng isang tao ang mga narinig niya mula sa kausap niya. "Pambasag," baga?

Nakakita ka na rin siguro ng taong perfectionist. Yung lahat ng nakikita ay pangit, maliban sa mga bagay na maganda sa paningin niya? Wow! Sila ang isa sa mga dahilan kung bakit may mga nasisibak na office staff, mga kinakawawang pulubi, tsaka napupuring mga mayayabang.

Nasanay na rin tayong makarinig ng ganitong mga pangungusap...
> Tao lang ako, hindi perpekto!
> Practice makes perfect, but nobody's perfect, so why practice?
at iba pang katulad niyan. Sa totoo lang, iba talaga ang pananaw ng tao sa salitang perpekto, parang napakalayong mangyari. Dahil nagkakamali tayo, at nagkakasala, talagang mahirap na maging perpekto ang mga taong tulad natin.

Alam ni Hesus ito, at mula sa bundok (pagpapatuloy ito ng Sermon sa Bundok), ay nagbibigay siya ng matinding hamon para sa atin... maging perpekto. Maging perpekto, tulad ng Ama sa Langit.

Ha? Ano? Maging perpekto! PERFECT!!!

Oo nga naman. Mahirap na ngang maging perpekto sa mga panahong ito na kahit na ang technology ay nakikialam na rin sa mga gawain ng pangkaraniwang tao. Talamak na nga ang kasalanan sa bawat sulok. Lahat, halos wala na sinusundan. Lahat, pawang negatibo na ang nakikita sa mundo. Lahat, biktima na ng kahinaan nila.

Pero si Hesus ay nagbibigay ng pamantayan upang malaman kung ang isang tao ay tunay na pagiging perpekto. Dalawa ang pinapakita niya sa Linggong ito...

Wag Gaganti. Kapag nagkasala sa iyo ang isang tao, tanggapin mo lang. Kapag sinaktan ka, tiisin mo lang. Mas maganda pa nga niyan, kapag sinampal ka sa kanan, ibigay mo ang kaliwa. Gawin ang naisin ng kapwa mo, kahit makakasama ito sa iyo, at wag kang gaganti.

Mahalin ang Kaaway. Huwag kang gaganti tulad ng mga riot sa kalye. Huwag mo nang naising patayin o pagtsismisan yung taong iyun. Kapag nagkasalubong kayo, ngitian mo ng ngiting-tao. At ang maganda pa niyan, ipanalangin mo siya.

Masaya, no? Kung ilalagay natin iyan sa modernong pananalita, pwede nating sabihing lunukin ang pride. Wag nang umepal kung ginagawan ka ng masama. Tanggap lang ng tanggap. Tiis lang ng tiis. Magmahal ng walang kapalit, kahit na anuman ang mangyari.

Sa unang tingin, masasabi talaga nating hindi natin ito kaya, ngunit tignan natin ang dalawang realidad na ito...

Dito masusukat ng Diyos kung hanggang saan tayo magiging tapat na anak niya. Hindi niya nanaising mapahamak tayo, ngunit kailangan natin itong gawin kung gusto natin talagang sundin ang mga kautusan niya. Walang saysay ang pagmamahal sa Diyos kung hindi mo mamahalin ang iyong sarili. Higit sa lahat, alam nating sa kabila ng lahat ng pagtitiis, ay gagantihan tayo ng Panginoon ng biyaya sa Langit.

Sa totoo lang, may isa nang nakagawa niyan, walang iba kundi ang mismong nagturo nito sa atin... si Hesus. Sa kanyang kamatayan sa Krus, ipinakita niya ang perpektong halimbawa ng pagiging Anak ng Diyos. Hindi niya inisip ang mga pahirap ng kanyang mga pinaglingkuran noon, ni hinangad ang makaganti sa kanila. Tinanggap niya ang lahat, upang tayo ay maligtas. Ito ang kanyang halimbawa sa atin, upang tayo man, sa pagsunod dito, ay maging karapat-dapat at perpektong anak ng ating Panginoong Ama sa Langit.

Kaya kung may makita tayong isang taong nagtitiis ng hirap at tinatanggap ito alang-alang sa kanyang kaligtasan, puwede nating isigaw...

PERFECT!!!

Saturday, February 5, 2011

Masarap ang Ulam!


February 06, 2011
Fifth Sunday in Ordinary Time
Is 58,7-10 . 1Cor 2,1-5
Mt 5,13-16
==========

Menudo. Mechado. Nilaga. Lengua. Tapsilog.

Hmmm! Masarap sa pandinig, di ba?  Kapag ganito ang ating handang ulam, malamang hindi natin mapigilang tumakbo papunta sa hapag-kainan. Lalo na't hinahanda lang naman natin ang ganitong mga putahe kapag may special occassion. Lagi tayong nananabik na tumikim at makakain ng ganitong kasarap na pagkain.

Iyan ay dahil sa pambihirang paghahalo ng mga sangkap at sa milagrong dala ng kalikasan. Ang tawag dito: ASIN. Sa tamang timpla, ay nakakamit ng mga nanay ng tahanan ang pambihirang lasa na nasa bawat lutuin.

Bawal na bawal para sa kanila ang makulangan o masobrahan ng asin. Kapag nagkulang, magiging mapakla ang ulam; kapag sumobra, kidney stones ang pupuntahan ng kakain ng ulam niya. Ngunit kapag sakto lang ang naibigay nitong panlasa sa ulam, tiyak na ito'y kasasabikan ng sinumang makakatikim ng kanyang niluto.

Masarap, di ba? Ganyan ang ulam na nilahukan ng asin.

At para kay Hesus, ganito rin ang ating katangian bilang kanyang mga tagasunod. Kung paanong ang asin ay nakakapagpasarap sa pagkain, gayun din, tayo ay tinatawag upang maging asin sa ating kapwa: nagbibigay ng lasa sa buhay-pananampalataya ng ating kapatid. 

Paano ito?

Tulad ng asin, na natutunaw subalit nakakapagpalasa sa pagkain, ang Kristiyano ay tinatawag upang ialay ang buhay at ilaan ito para sa kapwa, habang siya ay dahan-dahang namamatay sa kanyang sarili at nabubuhay sa piling ng Panginoon. Hindi tayo magiging ganap na Kristiyano hangga't hindi tayo nakakapag-alay ng serbisyo sa Diyos at sa kanyang bayan.

Masama ang kulang sa asin. Tulad natin, masama ang palaging nakukuntento sa kung ano ang nariyan na, at walang pakialam. Ang Kristiyano, ay gumagawa ng paraan at naglalaan ng higit na serbisyo sa ikakarangal ng Ngalan ng Diyos.

Masama rin naman ang sobrang asin. Napakasimple: kapag yumayabang na tayo dahil sa ating mga ginagawa, tayo ay nawawala na sa biyaya ng Diyos, at ang ating itinataas ay ang ating mga sarili.

At kung ganito ang ating katangian, kulang o sobra, wala na tayong pakinabang at tayo ay nararapat na itapon sa labas, sa apoy na nag-iinit sa ibaba. Ngunit kung sapat ang ating asin na taglay, kung patuloy tayong nabubuhay sa tawag ng Diyos na mahalin siya nang higit sa lahat at mahalin ag kapwa higit sa sarili, makakasiguro tayong ating tatanggapin ang biyaya ng Diyos sa langit!

Ngunit hindi lang sa asin naka-focus si Hesus! Meron pa siyang isang paghahalintulad.

Noong Miyerkules, ay nagpabasbas tayo ng mga kandila, tanda ni Kristong liwanag ng mundo. Nakita natin itong dahan-dahang nauubos habang nakasindi at nagliliwanag.

Ganito rin ang tawag sa atin ni Hesus: magbigay ng liwanag sa ating kapwa sa pamamagitan ng ating mga mabubuting gawa. Mahirap gawin ito, lalo na sa mga panahong ito. Ngunit sa gabay at tulong ng ating Panginoon, ay magagawa rin nating maialay ang ating serbisyo, ang ating sarili upang maging mga ALTER CHRISTUS, mga katulad ni Kristo, sa ating mundo ngayon.

Pero kung tatanungin ninyo ako kung bakit mas nagtuon ako sa asin, isa lang ang sagot ko...

kasi MASARAP ANG ULAM, lalo na kapag saktuhan sa asin!

Tuesday, February 1, 2011

BROWNOUT!!!


February 02, 2011
FEAST OF THE PRESENTATION OF THE LORD
World Day for Consecrated Life
Mal 3,1-4 . Heb 2,14-18
Lk 2,22-40
==========

ISIPIN ninyo ito: isang gabi, habang ang lahat ay busy sa bahay. Si tatay, nagbabasa ng dyaryo sa kanyang maliwanag na kuwarto. Si nanay, naghihilamos sa banyo. Ang mga bata, nanonood ng cartoons sa sala. Katatapos lang nilang kumain sa kanilang maliwanag na dining room.

Ayos na sana ang gabi nang biglang...

"MA! BAKIT DUMILIM? BROWNOUT YATA!!!" 

Sino nga bang hindi pa nakakaranas na mawalan ng kuryente? Sino nga ba ang hindi pa napeperwisyo ng sudden electrical interruption, lalo na kapag gabi na? Naranasan na nga nating kinakapos na rin tayo ng supply ng kuryente, at may mga rotating brownout sa Luzon. Kung minamalas, inaabot ng gabi na walang kuryente. Nagtitiis tayo sa kandila at lampara. Hindi makatulog sa gabi. Mahirap mabuhay.

Higit sa lahat ng kamalasan na nararanasan natin tuwing may brownout, ito yung mabigat. Mas mahirap gumalaw lalo na kapag gabi, dahil walang ilaw. Yung iba na hindi gamay ang mga gamit sa bahay ay  natatalisod, yung iba naman, hindi makagawa ng assignment. Mas masaklap pa, kapag pinaglaruan ang kandilang nakasindi, magkakaroon nga ng liwanag... kasi sa isang iglap lang, ang bahay mo pati ang mga katabi nito, nasusunog na!

At ano ang ginagawa natin kapag nawalan ng kuryente? Siyempre! Tatawag tayo sa MERALCO para masolusyonan ang problema sa kuryente. Pagkatapos ng ilang oras, malamang ay meron na ring kuryente sa bahay natin, at makakagalaw na makakatulog na tayo ng maayos.

O, di ba? Ganito kahirap ang mawalan ng kuryente, lalo na sa gabi. Kapag walang kuryente, walang liwanag. Walang ginhawa sa buhay.

Ganito ang mundo bago dumating si Hesus. Puno ng kadiliman. Salot kung maituturing. Malamang, lahat ay nakakaramdam ng kawalan ng ginhawa sa buhay. Naghanap ang ilan, ngunit hindi nila ito nakita.

Ngunit sa pagdating ni Hesus, sumilay ang liwanag sa mundo. Ngumiti ang Diyos at nagkaroon ng karapat-dapat na panahon para sa ating lahat na iniligtas!

TODAY marks the fortieth day after Jesus was born, and for the Jews, the firstborn male must be brought to the Temple, Every male that opens the womb shall be consecrated to the Lord. Jesus is the firstborn - and only - son of Mary and Joseph. For that, it is the responsibility of the Holy parents to offer Jesus to his Eternal Father.

We also see the image of Simeon, the old prophet, who has been waiting for the Messiah all his life. He has this only wish, to see the coming salvation even before he dies. It was fulfilled on this day when he saw the baby with His parents after offering the former to God. Full of joy, Simeon sang, "Now, Master, you may let your servant go in peace... for my eyes have seen your salvation... a light for revelation to the Gentiles, and glory for your people Israel."

KUNG tutuusin, parang malawakang brownout ang nangyari sa Mundo bago dumating si Hesus. Lahat sila, hindi alam kung saan pupunta upang hanapin ang kaligtasan. Digmaan dito, patayan diyan, paunahang sumakop ng lupa para sa kaharian. Ito ang mundo noon. Madilim.

Maswerte si Simeon dahil kahit sa huling sandali ng kanyang buhay, ay nakita at nasinagan siya ng liwanag na nagmumula kay Hesus! Nagkaroon ng katuparan ang kanyang kahilingan! Bumalik ang liwanag sa kanyang buhay at hindi na ito umalis mula sa kanya.

Ang panahong iyon ay walang pinagkaiba sa ngayon, mas lumala pa nga. Ang buhay ng tao ay nasa estado ng matinding brown-out! Dahil sa kasalanang naglipana sa ating mundo ngayon sa iba't-ibang paraan, lalong tumitindi ang nasasaklawan ng kadiliman. Mahirap nang gumalaw ng maayos, mahirap nang mabuhay ng banal sa mga panahong ito. 

Subalit, ngayon, dumarating ang biyaya ng Diyos sa atin. Siya ay si Hesus! Ang tunay na Liwanag na hindi namamatay, kundi lalo pang lumalakas ang alab. Patuloy siyang nag-aanyaya sa lahat na lumapit sa kanyang ilaw upang maliwanagan sa kabila ng pagka-brownout ng buhay. 

Totoo, hindi tayo makakarating sa buhay na walang hanggan kung brownout sa dinadaanan natin. Huwag matakot! Tayo ay tatanglawan ni Hesus. Biyaya ito para sa ating lahat! Ito sana'y ating pahalagahan. Ito'y ating gamitin, papagningasin.

O, brownout pa rin ba sa bahay mo? Tawag na sa MERALCO, dahil may liwanag ang bukas! 

Pero kung brownout pa rin sa buhay mo, Tumawag ka na kay HESUS, ANG TUNAY NA LIWANAG NG MUNDO!

Saturday, January 29, 2011

May mapalad pa ba ngayon?


January 30, 2011
Fourth Sunday in Ordinary Time
Zep 2,3;3,12-13 . 1Cor 1,1,26-31
Mt 5,1-12a
==========

Paano nasasabi ng isang tao na mapalad siya?

Kapag siguro nasa kanya na ang lahat sa mundo, kapag multi-billionaire na siya at kaya niyang bilhin ang lahat ng bagay na gusto niya. Malamang, kapag nakilala niya ang isang taong mahal niya. O di kaya, kapag akala niya ay wala nang pagkakataong makita pa si Vic Sotto o si Willie Revillame, tapos mabibigla na lang siya nang mapansin niya na katabi na ang kanyang mga idolong artista.

Meron pa namang mga pagkakataong nasasabi ng isang tao na mapalad siya o nabiyayaan ng wagas. Pero ito yung mga kadalasan nating naririnig na mga dahilan kung kaya nasasabi na 'mapalad' ang isang tao.

Hindi natin maiiwasang isipin na napakababaw ng mga dahilan na ibinibigay natin upang isipin na 'mapalad' ang isang tao.At hindi naman masamang ibigay ito na kahulugan, lalo na sa panahon natin ngayon na mahirap makamit ang mga pangarap ng ganun-ganun lang.

Yan ang mapapalad. Ayon ito sa "words and stuff" ng mundo. Pero si Hesus ay may ibang definition ng salitang 'mapalad.' Hindi lang isa, kundi siyam. Ang tawag dito, Beatitudes. At ito ang pahayag sa atin sa araw na ito ng pamamahinga.

Isn't it good to be considered among the "blessed?" Jesus gives us the qualities of a real follower, of a real disciple, of a real Christian. If you consider yourself among these nine qualities, then you are worthy enough to be called blessed. It is because you have successfully fulfilled one, if not all, of those requirements of Jesus which serves as your passport to Eternal Life.

However, we must admit that what is achievable before is now hard to reach. Blame the devil and his cohorts for this. Temptations come in diverse forms and shapes. Even those which are considered sin before is a good deed now.

Mahirap ito para sa mga Kristiyano ng panahon natin. Habang ang iilan ay nagsusumikap na mamuhay ng maayos, ang karamihan ay patuloy na nabubuhay tulad sa Sodom at Gomora. At hindi nila alam na mali na ang ginagawa nila, ngunit patuloy nila itong ginagawa, at hinahangad dahil dito sila masaya. Dito nila nararamdaman na mapalad sila.

Sandali! Kung ganoon ang sitwasyon, maitatanong natin ito:

May mapalad pa ba ngayon?

May mapalad pa ba sa panahong ito na wala na halos takot sa Diyos ang sangkatauhan? May mapalad pa ba ngayong hindi na iniisip ng tao ang kanyang ginagawa? May mapalad pa ba ngayong puro kasalanan na lang ang iniisip niyang gawin?

OO! Sigurado, meron pa! Kahit kaunti lang sila, siguradong meron pa. Ang problema ay yung katotohanan na KAUNTI NA LANG SILA!

Kapag tayo ang tinanong ng ganito, maiisip natin, Meron pa namang mapalad, eh! Pero ang kasunod na tanong nito ay mas malalim...

Kung meron pang mapalad ngayon at kaunti na lang sila, itinuturing mo rin ba ang sarili mo na kasama sa kaunting mapapalad na ito?

Mahirap sagutin, no? Kasi alam natin sa puso natin na tayo man ay hindi bahagi ng mga mapapalad na ito. Tama nga na mapalad tayo dahil tinubos tayo ng Dugo ni Hesus at sa kanyang kamatayan, tayo ay iniligtas. Pero kung hanggang dito lang ito at hindi natin pinalago sa isang mabuting pamumuhay, mamamatay ang pagiging mapalad natin. Mawawalan ito ng saysay.

We are blessed because Jesus died for us; likewise, we should cultivate this blessing through living a holy life, and being a blessing to others.

Sa linggong ito, hamon at panawagan sa atin ni Hesus na samahan ang kaunting bilang na ito ng mga mapapalad. Tayo man ay tinatawag na maging mapalad sa ating munting paraan. Mahirap nga, oo, pero ngayon na ang takdang panahon upang ganapin ang ating tungkulin bilang Kristiyano, ang maging 'mapalad,' at maging 'pagpapala' sa iba. 

Muli, ang hamon na tanong sa atin ngayong linggo,

> MAY MAPALAD PA BA NGAYON? 
> KUNG MERON, KASAMA KA BA SA MGA MAPAPALAD NA ITO?

Pagpalain nawa tayo ng Panginoon sa Linggong darating!

Saturday, January 22, 2011

Tara! Mangisda Tayo!


January 23, 2011
Third Sunday in Ordinary Time
Is 8,23-9,3-1 . 1Cor 1,10-13.17
Mt 4,12-23
==========

Lumaki ako sa isang lungsod na sagana sa pangingisda, at halos araw-araw (kahit hanggang ngayon), ay isda ang lagi naming ulam sa bahay. Pero natuto na akong kumain ng isda noong teenager na ako. Ayoko kasi ng isda, takot ako sa tinik nito. Pero nang lumaki ako, doon ko dahan-dahang natikman ang tunay na sarap ng biyaya ng dagat.

Siyempre, bida sa pangingisda ang mga namamalakaya na nagpupuyat gabi-gabi sa laot para mangisda. Ang usual na eksena sa umaga dito sa may amin, kapag dumating na ang mga namamalakaya, ang ilan ay pumunta sa palengke at inilalako yung isdang nahuli nila. Ang iba, nagdadala ng sariwang isda sa mga bahay-bahay. Samantalang yung iba ay dumadaan sa bahay namin at naglalaro ng bilyar. Karamihan sa kanila ay hindi na nakapag-aral at tumanda na sa ganitong hanap-buhay. Ang mga kabataang mangingisda ay sumusunod na sa yapak ng mga nakakatanda.

Ganito ang buhay ng mangingisda sa amin. Kahit nakakalungkot at mahirap na isipin, gayun pa man, ay patuloy silang nagsisikap upang makapaghatid ng pagkaing pantawid-gutom ng pamilyang Pilipino.

Sila ay mamamalakaya ng isda. At sila ang ginawang huwaran ni Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon.

Nakita ni Hesus si Andres at Pedro, Santiago at Juan. Sila ay mga mangingisda by profession, ngunit sa paglaon, ay bibigyan sila ng isang magandang misyon. Tulad natin, ay nagtrabaho sila gabi-gabi sa Lawa ng Galilea upang mangisda at mangalakal ng isda. Tipikal na mamamalakaya, kung baga.

Come after me, and I will make you fishers of men.

Sa pagtawag ni Hesus sa kanilang apat, ay nag-iba ang kanilang larangan sa buhay, mula sa isang simpleng propesyon hanggang sa isang dakilang misyon. Sila ay pinapagbago ng Diyos mula sa trabahador ng tao hanggang sa pagiging lingkod ng Panginoon.

At hindi nila itinakwil ang Panginoon. Sila ay kusang-loob na sumunod kay Hesus at hinarap ang darating na tatlong taon na walang inaasahan kundi ang biyaya na nagmumula kay Hesus. Ang dumating na panahon ay nag-iba para sa kanila. Sila ay sinugo sa mga malalayong lugar, nagpagaling ng mga may-sakit, at nagpahayag ng Mabuting Balita, kahit na umabot ito sa punto ng pag-aalay ng buhay. Lahat ito ay nagkabunga sa mga sumunod na henerasyon, sa pamamagitan ng isang komunidad ng mga mananampalataya kay Kristo. Ito ay ang ating Simbahan.

Tayo man ay mga Apostol rin! Patuloy ang pagtawag ni Hesus sa atin upang maging mamalakaya ng ating kapwa, lalo na ng mga taong nalalayo sa piling ng Diyos. We should not be afraid in proclaiming the Gospel in the secularized world of today, because from the first moment, Jesus is always with us!

Sila ay mangingisda. Tayo ay namamalakaya ng tao. Tara, mangisda tayo!

Saturday, January 15, 2011

Have you seen my Childhood?


January 16, 2011
FEAST OF THE SANTO NIÑO
Second Sunday in Ordinary Time
Is 9,1-6 . Eph 1,3-6.15-18
Mt 18,1-5.10

==========

Sa buong mundo, isa lang itong ordinaryong araw ng Linggo sa Karaniwang Panahon, pero para sa mga Pinoy, isa itong espesyal na araw ng pagdiriwang. Sa araw na ito, ay ipinagdiriwang natin ang isang banal na bata, ang simula ng pananampalataya ng isang bansa, at ang simula ng pagngiti ng Diyos sa ating minamahal na bayan.

We go back to our roots today as we celebrate the Feast of the Holy Child Jesus. This is one special feast in the Philippines, and this one is prepared and celebrated the 'mardi gras' way. From the colorful street dancing in Tondo and Cebu, to the simple procession in the parishes. Truly, the Feast of Sto. Niño is the pinoy way of giving gratitude to Jesus, the Divine Child who was born for our sake.

But beyond the revelry which we already knew of this day, the Gospel cries out something unusual. We are called to give proper regard to the children and youth of today. More than being the hope of the future of our land, they are also considered the greatest ones in the Heavenly Kingdom.

Subukan nating tignan ang mga bata sa paligid natin. Maitatanong natin, Kung sila ang mga mahigit sa kaharian ng Diyos, bakit ganito ang turing natin sa kanila? Mula sa malawakang pang-aabuso sa kanila hanggang sa mga gawaing nagpapatanggal ng kanilang pagkabata, totoo ngang hindi na sila bata sa kanilang kalagayan dahil sa mga pagpapahirap na kanilang natatanggap sa ating mga nakakatanda.

I remember Michael Jackson's song, Childhood. He shows here his yearning for the joys of childhood, which was taken away from him when he began his singing career at age 5. This is also the suffering of the innumerable children and youth of our time. Because of lack of care, poverty, and selfish interests of the powerful ones, the little ones of the society is being degraded, and backlashed.

Of this Jesus reminds us, See that you do not despise one of these little ones, for I say to you that their angels in heaven always look upon the face of my heavenly Father.  I'm very much sure that the mailbox of heaven is jampacked already with concerns regarding the problem of our children and youth. At sigurado rin ako na hindi magtatagal ay ipaghihiganti ng Diyos ang mga batang ito sa mga taong nanamantala sa kanilang kamusmusan, at kahinaan.

Bilang nakakatanda sa lipunan, tungkulin nating gabayan ang mga kabataan ng henerasyon natin, hindi sa kasamaan, kundi sa ikakabuti nila. Higit sa lahat, atin sanang maaalala na karapatan ng mga bata at kabataan ang kanilang malasap ang buhay ng isang bata, ng isang kabataan. Let them enjoy what it is to be a child, for in it they will learn more and in turn, they will be wise enough to share their experiences to the coming generation.

As we celebrate the feast of the Holy Child today let us pray for the children and youth of our country, and of the Church. May Jesus, the Santo Niño, continue to guide them through their juvenile challenges, that by having His protection, they may have one Holy and happy life. As for us adults, may we learn from the Child Jesus who never stayed as a child, but grew up and became a responsible Man of God. May we learn his humility, his simplicity, his obedience, and so be true Christians in the world of today.

Ngayon, sabay-sabay nating isigaw...
VIVA SANTO NIÑO!!!