November 01, 2011
SOLEMNITY OF ALL THE SAINTS
Rv 7,2-4.9-14 . 1Jn 3,1-3
Mt 5,1-12a
===
Ang Unang Araw sa buwan ng Nobyembre ang tinaguriang Dakilang Kapistahan ng Tanang mga Banal. Mula sa simpleng pag-alala sa mga Martir na nagbuwis ng buhay para sa Ebanghelyo, ngayon ito ay isang Dakilang Kapistahan upang pasalamatan ang Diyos sa lahat ng kanyang mga Banal, na nagsilbing mga saksi ng kagandahang-loob ng Diyos sa lahat ng panahon. Sila ang mga humarap sa mga mabibigat na pagsubok at nagtiis ng matinding hirap, pinapatay pa nga ang iba, ngayo'y tumatanggap ng di-mbilang na pagpaparangal mula sa Diyos at pagpipintuho mula sa ating mga tao.
Ang Ebanghelyo ngayon, ang Beatitudes, ay isang Timeless Classic dahil sa impact na dala nito sa bawat Kristiyano. Hindi nakakasawang pakinggan, hindi nakakasawang ipahayag. Subalit maitatanong natin, Naisasabuhay pa ba natin ang mga wikang ito ni Hesus?
Minsan kasi, hanggang sa pakinig na lang tayo. Di na natin nakikita kung ano ang diwa ng Mabuting Balita sa ating buhay, ang mensaheng hatid nito sa atin. Parang Pasko at Mahal na Araw lamang iyan, na ilang taon na at ilang pagdiriwang na ang dumaraan sa buhay natin subalit (aminin na natin),walang pagbabago na nakikita sa ating personalidad. Masakit, subalit ito ang sadyang totoo.
Mapalad kayo... Magdiwang at magalak! Sasainyo ang Kaharian ng Langit!
Kapag nakikita natin ang imahe ng isang Santo, o nababasa ang buhay ng mga Santo, hindi natin maiwasang isipin, talaga? Nagawa niya iyun? Napagdaanan niya iyun? Mukha ngang imposible na napagdaanan nila ang ganoong mga pagsubok o estado sa buhay. May mga inusig ng diyablo, may mga inusig ng taumbayan, may mga binato at sinunog at binalatan ng buhay. Kaliwa't-kanang pagkutya ang dinanas nilang lahat, nagmula ito sa mga tao na hindi naniniwala sa kanilang kabanalan, mga taong naiinggit sa kanilang kabanalan, at mga taong akala ay peke ang kabanalan niya at mas totoo ang kabanalan na taglay nila.
Iisa lang naman ang ginawa ng mga Santo: Ipahayag ang Kristo sa bawat panig ng mundo. Na dahil dito sa ginawa nilang ito ay inusig at pinahirapan sila ng mundo. Subalit sa kabila ng pag-uusig na ito, nagpamalas ang Diyos ng kakaibang mga himala at milagro. May mga nagbalik-loob, may mga gumaling sa sakit, may mga nabuhay na patay, nakiisa pa nga ang mga hayop at isda kung walang nkikinig na tao.
Sa dulo ng lahat, Nakita ng Inang Simbahan ang kanilang kabanalan, at ang di-magmaliw na pamimintuho ng bayan na kanilang pinaglingkuran na dahil dito sila ay itinanghal at iniangat sa dambana ng mga Banal. Ngayon, malinaw na sila ay kinasihan ng Panginoon, at pinaging-mapalad sa harap ng lahat ng kanilang pinagdaanan.
Naks! Di ko maaabot ang level nila! Iyan ang madalas na sinasabi natin. Dahil daw napaka-extraordinary ng mga narating nila at dinaanan, na parang superhero sa tindi. Subalit ang mga Santo ay minsan ring naging tao tulad mo, at tulad ko! Nabuhay rin sila sa mundo, kumain, uminom, at ginawa ang mga kadalasang ginagawa ng tao. Ang pinakaiwas-iwasan lang nila ay ang magkasala at ang gumawa ng taliwas sa kalooban ng Panginoon, bagkus ay inialay nila ang buo nilang buhay sa pananalangin, pagtuturo at pagsasabuhay ng Ebanghelyo. Dahil dito, sumakanila ang Panginoon, at hindi sila pinabayaan sa mga pagsubok hanggang sa marating nila ang biyaya ng Langit.
Ibig sabihin, kung nakaya nila, makakaya rin natin! Oo, walang imposible kung nais nating maging banal. Walang imposible, kahit na ang pag-uusig ng Diyablo at ng kapwa natin ay ating malalagpasan, basta nais lamang nating maisabuhay ang Kalooban ng Diyos. Sabi nga ng pagninilay natin noong Linggo (Salamat sa mga nakabasa!), Sa mata ng Diyos, lahat tayo ay pantay-pantay, at sa dulo ng ating buhay, kahit na anong tanyag na taglay natin, wala tayong madadala sa kabilang buhay kundi ang ating mga sarili! At taglay ang paalalang ito, isang matinding hamon ang ibinibigay sa atin... ang mabuhay sa Kabanalan. Nagawa ng mga Santo, magagawa rin natin!
Bakit di pa natin pagsumikapang mabuhay na banal at karapat-dapat sa paningin ng Diyos? Bakit hindi pa natin tularan ang mga Santo sa kanilang buhay na hinarap ang mga pagsubok at tinanggap ang Kalooban ng Diyos sa bawat sandali?
Sige ka, kung hindi ka magpapakaayos ng buhay, malamang ay mapapabagsak ka rin sa Purgatoryo...
(Bitin ba? Itutuloy!)